Ayaw nang magkomento ni Senator Chiz Escudero sa mga balitang lumalabas na maaaring mayroong kinalaman si former President Joseph Estrada sa mga isyung ipinupukol sa kanya ngayon.
Partikular na rito ang pagtutol ng mga magulang ng kanyang nobyang si Heart Evangelista na sina Cecile at Rey Ongpauco sa kanilang relasyon.
“Ayoko nang isipin ‘yon,” pag-iwas ni Chiz sa tanong ni Karen Davila, ang host ng morning show ng ANC na Headstart, kahapon, Abril 3.
Ayon daw kasi sa sources na nakausap ni Karen, sinasabi nilang malapit ang mag-asawang Ongpauco kay Erap.
Sabi ni Chiz, “Mas gusto ko sana isipin for Heart's sake na sana maayos, magkasundo muli sila, at sana di na madagdagan yung bangayan, yung ingay dahil…
“Humihingi na ako ng paumanhin minsan, paumanhin sa publiko na nadadamay sila sa isang personal na bagay, na hindi namin ginusto, at ayaw ko na rin dagdagan ‘yon dahil hahaba pa ang kuwento.
“Ang nais kong pag-usapan sana, sa halalang ito at least, as far as me and other candidates are concerned, sana pag-usapan yung isyu, yung problema.
“Ayoko na dagdagan ang pahayag pa, baka humaba lang yung kuwento.”
Matatandaan na ang sinasabing dahilan ng mga magulang ni Heart kung bakit sila tutol kay Chiz ay ang diumano'y malakas na pag-inom ng alak at ang kawalan ng respeto ng senador nang una nila itong makaharap sa kanilang tahanan.
(CLICK HERE for related article.)
Giit pa ni Chiz, wala rin siyang “ebidensiya” para sabihing mayroon ngang kinalaman ang dating pangulo, na ngayo’y tumatakbo sa pagka-mayor ng Maynila, sa mga isyung ipinupukol sa kanya.
Pero naniniwala siya na, “Sa pulitika, lahat ng bagay palaging posible.
“Sa tinagal-tagal ko sa pulitika, hindi na ako magugulat kabila-kabilang tsismis ang lumalabas.
“Kung totoo man o hindi, wala naman na sigurong makakaalam o makaka-confirm no’n.
“Pero where it’s coming from, uhm, hopefully we should be able to stand any attack, hopefully we should still be able to stand after any malicious attacks against us—especially if they’re not true.”
REACHING OUT TO THE ONGPAUCOS. Dahil na rin sa hayagang pagtutol ng mga magulang ni Heart sa kanya, paano niya kaya ito balak kausapin o lapitan?
“Uhm, that’s a difficult question,” pag-amin ni Chiz.
“To begin with, we did not do anything wrong, wala kaming ipinakitang masama, wala kaming ginawang masama.
“Yung sinasabi ng ilan na magsibak ng kahoy, mag-igib ng tubig… uhm, hindi naman na hindi namin ginawa ‘yon.
"Kaya laking gulat namin na ang daming sinabi sa presscon na mga bagay na hindi namin nakita, naranasan o inasahan.”
NEGATIVE IMPRESSION. Dahil sa isyu na ito sa kanyang buhay pag-ibig, iniisip tuloy ng ilan na hindi ito nakakatulong sa kanyang political career.
Kaya naman ang tanong ni Karen Davila, “Is Heart good for you?”
Sandaling tumahimik ang senador at saka sumagot.
Aniya, "That’s an unfair question both for her and to me.
“Mula’t mula, hiniwalay ko ang pulitika ko sa trabaho ko o ang pag-ibig o personal kong buhay sa trabaho ko—hindi ko pinagsasama ‘yan.
“In fact, from the start, and I’ll stand by that, maraming nagsabi na ang relasyon na pinasok ko kay Heart para sa eleksyon o magamit para sumikat, dalhin sa kampanya.
“I have stood pat on that statement I made way before the election period started na hiwalay yun.
“May sarili siyang trabaho. Hindi ko isasama ang personal kong buhay sa pulitika.
“She has never and she will not accompany me in this campaign because she has work to do as well.”
Kung ang opinyon naman ng mga botante ang pag-uusapan, malaki raw ang tiwala ni Chiz na hindi nila basta paniniwalaan ang mga paninirang ibinabato sa kanya.
“I don’t want to dignify them, Karen, quite frankly,” pag-amin ng 43-year-old senator.
“Number one, mula noong tumakbo ako, binato na sa akin lahat ‘yan. ‘Yan siguro ang peril ng pagiging batang kandidato.
“Mula nang ako’y tumakbo when I was twenty-eight years old, ang isyung laging binabato sa akin—lasenggo, adik, walang modo.
“Lahat ‘yan nabato at napagdaanan na namin.
“Pero naniniwala ako, again, mataas ang tiwala at paniniwala ko sa bawat botanteng Pilipino na hindi sa salita lamang ng isa, dalawa, o tatlong tao ay paniniwalaan nila ang kahit anong paninira.
“Dahil labinlimang taon naman na akong naninilbihan sa pamahalaan, at kahit minsan wala kaming ipinakita na ganyang uri ng pag-uugali o pag-asta o mga binabatikos nilang paninira sa akin.”