Mainit na pinag-uusapan ngayon ang "chikang" diumano ay tatakbong Vice President ng bansa si Kris Aquino matapos ang termino ng kapatid nitong si Pangulong Noynoy Aquino sa 2016.
Ito ay tinuligsa ng retiradong arsobispo na si Archbishop Oscar Cruz.
Ngunit sa panayam ng gmanetwork.com kahapon, April 4, sa pinsan ni Kris na si Paolo Benigno "Bam" Aquino IV, naniniwala itong magiging magaling at mahusay na public servant ang kanyang pinsan sakaling pumasok ito sa pulitika.
Aniya, "Alam mo kung malinis naman ang puso mo at gusto mo talagang manilbihan, that already has the beginning of a good public servant."
Hindi pa raw niya nakakausap ang pinsan tungkol dito pero naniniwala siyang may mga katangian ng isang mahusay na lider ang Kapamilya star.
Pero mas magandang kay Kris na lang daw manggagaling ang kumpirmasyon kung may balak nga ba itong pumalaot sa mundo nang pulitika o hindi.
Saad pa niya, “To be very frank, si Ate Kris naman said na gusto niyang manahimik muna. Kung hindi ako nagkakamali yung news item na 'yan, sinabi ni Archbishop Cruz na narinig niya from unnamed source so palagay ko ang maganda, allow na lang natin si Ate Kris na manahimik muna."
Ang pagkakaalam daw niya, gusto munang umiwas ni Kris sa mata ng publiko.
Ani Bam, "Sabi naman niya she wants to get out of the limelight, concentrate on her family. So bigyan na lang natin siya ng oras na maging tahimik sa kanyang buhay."
Sa ngayon daw, kahit wala naman daw sa pulitika ang pinsan ay may mga ginagawa namang tulong ito sa mga tao.
Aniya, “Alam ko may puso siya na gustong tumulong sa mga tao, yung public service mismo.
"Again, wala pa siyang nababanggit sa akin... Pero in terms of helping other people, ginagawa naman niya yun."
Kasalukuyang nasa bakasyon pa ngayon si Kris kasama ang mga anak na sina Josh at Bimby. Si Bam naman ay tumatakbong senador sa ilalim ng Team PNoy.
