Ang mga malalaking shows at concerts ng mga foreign acts ang isa sa mga unang prinodyus ni Ronald Singson noon.
At hindi naman lingid sa kaalaman ng karamihan ang nangyari sa kanya sa Hongkong kunsaan nagkaroon siya ng kaso rito dahilan para makulong siya at manatili roon ng matagal-tagal din.
Pero kahapon, April 5, sa City Best Restaurant, humarap si Ronald sa entertainment press kabilang ang iba pang mga kasamahan niyang producer sa Fearless Productions at Brownsugar Entertainment para sa indie film na Coming Soon, bilang isang indie film producer naman.
HELPING LOCAL FILM INDUSTRY. Ano nga ba ang nag-udyok sa kanya para pasukin naman ang pagpo-prodyus ng pelikula?
“Kasi nga dati, nagpo-prodyus tayo ng mga concert na may foreign artists.
“E, ngayon, ang tatas ng talent fee nila, hindi na biro. Parang milyun-milyon na ang napupunta sa kanila.
“So, I thought, kung gagastos din lang naman tayo, bakit hindi na lang tayo mag-invest sa local industry?
“Anyway, kaibigan naman natin yung mga artista. Kaibigan naman natin yung mga tao rito sa industriya.
“Imbes na ibigay natin sa foreign artists, mag-produce na lang tayo sa local industry,” panimula niyang bungad.
Kung tutuusin, ang mga independently-produced films ngayon ay hindi pa rin talaga masasabing pinapasok ng husto ng manonood dahil hindi pa rin naman lahat aware sa ganitong tema ng pelikula.
Bukod dito ay hindi rin ipinapalabas sa karamihang sinehan ang mga pelikulang ito.
Kumusta naman si Roland pagdating sa balik ng perang ipinuhanan niya rito; ano naman ang inaasahan niya?
“In terms of returns, like I’ve said, sa concert industry, napakalaki ng exposure compared dito. Yung unang budget lang namin is five million, so I thought, that would be easy to recover in a business perspective.
“So, sabi ko, kung five million lang, okay lang yan, kayang bawiin.”
Dugtong pa niya, “Kaya nga para sa akin, mabawi lang ang puhunan, mapatawa ko lang ang mga tao at masabi ko lang na nakagawa ako ng magandang pelikula, enough na yun na return of investment sa akin.”
Kung sakali ba, mauulit ang pagpo-prodyus niya ng indie film?
“Kung mag-succeed man siya, mag-click man siya o hindi, I’m bent on producing another movie. In fact, I’m thinking now of producing a suspense-thriller, pero hindi ko pa nadi-discuss sa mga partners ko.
“Apparently, my partners now, si Boy 2 [Quizon] at si Neil [Arce] are working on a project na hindi ako kasali dahil busy rin ako sa kampanya and I said, hindi ako makakatulong sa inyo, kayo na lang muna.
“So, yung susunod na project, siguro pagtutulung-tulungan namin,” dagdag niya.
CASTING THEIR EXES. Noong presscon proper, natanong ang tatlong producers ng pelikula kung hindi raw ba kinonsider ng mga ito na isama sa cast ang mga ex-girlfriends nila.
Si Neil kay Maxene Magalona.
Si Boy 2 kay Rufa Mae Quinto at si Ronald kay Lovi Poe.
Ayon naman kay Ronald, isa raw si Lovi sa kinunsider nilang maging cast ng Coming Soon.
Aniya, “Yes, we considered her and we even talked about it at ang role pa nga niya rito, magiging tomboy siya at manggugulpi siya ng isang tao with the signature moves ni FPJ [Fernando Poe Jr.], mangbubugbog tapos, aanuhin sa tainga.
“Ganoon dapat ang cameo niya, pero, unfortunately, nagkagulo nga sa schedules.”
ON LOVI POE. Dito na namin kinumusta si Ronald kung ano na nga ba talaga ang estado sa pagitan nila ni Lovi.
Kahit nasusulat na hiwalay na sila, meron pa ring nagsasabi at naniniwala na sila pa rin naman daw talaga.
Ano ang totoo?
“Hindi na, hindi na, we’re just good friends now,” ang mabilis niyang sagot.
Pero yung “friendship,” hindi nawala kahit na iba rin ang pinagdaanan ng relasyon nila?
“Well, I guess, we just tried to maintain the good relationship and yung pinagdaanan din naman namin, hindi rin naman biro. Marami rin kaming pinagdaanan, so, we don’t want to throw that away.
“I’m thankful na the feeling is mutual between us,” saad niya.
May bagong ka-relasyon na ba siya ngayon?
“Wala, wala pa,” paglinaw niya.
Pagkatapos ni Lovi, wala pa rin siyang nagiging bagong girlfriend?
“Wala pa, I’m dating once in a while, pero hindi pa natin alam.”
RUNNING FOR REELECTION. Muli namang tumatakbo si Ronald bilang Congressman sa Ilocos Sur. Noong nangyari ang insidente sa Hongkong International Airport noong 2010 at nasintensiyahan siya ng 18 months, nagbitiw si Ronald sa kanyang posisyon sa Kongreso.
Pero ngayong 2013, isa si Ronald sa tumatakbong muli bilang Congressman sa Ilocos Sur.
Aniya, “I’m running again for Congress and we’re on the middle of the campaign now. Katulad nga ng sabi ko, dumating lang ako rito for the press conference and then, babalik din ako sa Ilocos.
“Kampanya ulit, todo-kayod at very promising naman ang campaign namin.”
Sa palagay niya, hindi kaya naka-apekto ang nangyari sa kanya sa Hongkong?
“Kung naka-apekto man, sa tingin ko, balewala na yun ngayon. Tapos na yun, napagbayaran ko na yun, nasa likuran ko na yun.
“Ang sinasabi ko taong bayan, ang pag-usapan natin, huwag yung nakaraan ko kung hindi kung ano ang maitutulong ko sa inyo ulit. At sinasabi ko nga, sabik na sabik na kong magsilbi ulit.
“At siguro, dahil doon sa nangyari, mas hihigitan ko pa ang gagawin ko ngayon kesa sa ginagawa ko dati.”
Dugtong pa niya, “Like, I have something to prove ngayon which is good kasi, mas inspired ako ngayon.”
HEALTHIER LIFESTYLE. Kung titingnan siya ngayon, puwedeng sabihin na mas okay si Ronald ngayon.
“Well, kayo ang makakapagsabi noon, pero ako, I feel so much better. Like I’ve said, I’m into the healthy lifestyle now. I stopped smoking. I go to the gym thrice a week. I play basketball once a week. I swim. I jog.
“Wala, I’m just feeling good right now.
“You know, at this age, I haven’t felt healthier and fitter,” pag-amin niya.
Saan nanggaling yung “drive” niya ngayon to live a healthy life?
Ayon naman kay Ronald, “Siguro, dahil na rin sa nangyari. It’s something that you know, masakit din sa akin. So, para makabangon ako, I have to do something that's something good for myself.
“So, why not start with quitting cigarettes? Then, after that, nakaugalian ko na rin ang exercise at nagtayo na rin kami ng bagong gym sa Metro Walk.
“And then, ang dami ring taong nagpupunta, nakakatuwa rin.”
RIFT WITH JOMARI? Sa huli, kinumusta namin sa kanya si Jomari Yllana.
Sila kasi ni Jomari ang partner o magkasosyo noon palagi sa mga concert na pino-prodyus nila. Pero may paniniwala ang ilan na hindi na sila magkaibigan ngayon.
Na nagsimula raw dahil sa insidente nga sa Hongkong at si Jomari raw ay tila hindi nagbigay ng suporta sa kanya?
Pero nilinaw ito ni Ronald.
Aniya, “Yun na nga, yun na nga ang hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil hindi kami nakikitang magkasama ngayon o nagpo-prodyus ng concert. Kasi, tumigil talaga akong mag-produce ng concert.
“At tulad nga ng sinasabi ko, unang-una, dapat kami ni Jomari ang magpo-produce ng movie, yung Palibhasa Lalake sequel, but unfortunately, hindi natuloy yun. So, ito na muna ang kinonsentreyt namin.
“Pero, walang hidwaan, walang galitan sa amin.”
