Tila wala namang problema sa pagitan ni John Prats at ng co-star niya sa Banana Split na si Melai Cantiveros.
Ang sinasabi kasing dahilan ng pamimisikal ng ex-boyfriend ni Melai na si Jason Francisco kay John bago mag-Holy Week ay dahil muli raw sinusuyo ni Jason si Melai.
(CLICK HERE to read related story.)
Nakapanayam ng The Buzz si John sa taping ng Banana Split noong April 4 sa Club Mwah. Ipinakita rin ang pagre-rehearse nina John at Melai.
Sabi ni John, “Okay na kami. I mean, mahal ko yung tao, e, mahal ko si Melai, e. Ang dami naming pinagsamahan.
“More than anyone, siya ang importante sa akin—si Melai.”
Ayon pa sa aktor, nagkausap sila ni Melai ilang araw pagkatapos ng insidente sa pagitan nila ni Jason.
Aniya, “Sabi niya, ‘Hindi ko talaga alam, Kuya John.’
“Hindi raw niya alam kung saan nanggaling yung reaksiyon ni Jason na yun.
“Sobra raw siyang na-shock dahil hindi pa raw sila nakakapag-usap noong dumalaw kasi si Jason that time.
“Tinanong ko siya, ‘Ano’ng nangyari, nag-away ba kayo?’
“Sabi niya, hindi. ‘Hindi, Kuya, galing ako sa van, tapos nang makita ko siya pagpasok ko ng Music Museum, hindi kami nag-usap at all. He went straight to you at ginawa na niya yun.’”
Kuwento pa ni John, “Sinasabi ni Melai sa akin, ini-explain niya, kasi yung rason daw ni Jason, that was two years ago na pangbu-bully pa ang term.”
BULLYING ISSUE. Base rin sa ilang lumalabas, diumano, ang pambu-bully raw kina Jason at Melai ng ibang cast members ng Banana Split ang dahilan kung bakit nagawang saktan ni Jason si John.
Pero ayon kay John, hindi nila ginagawa sa Banana Split ang sinasabing bullying.
“We don’t do that here in Banana Split.
"Even si Melai, sabi nga niya, ‘Oo nga, Kuya John. Tropa kasi tayo at kapag tropa, normal lang na nagkakaroon ng asaran, di ba?’
“Tinanong ko rin siya kung, ‘Ikaw ba, Melai, napipikon ka kapag nagkakaroon ng asaran?’
“Sabi niya, hindi raw. Kasi nga, lambing namin sa isa’t isa yun, e.”
Ipinagtataka naman ni John kung bakit ngayon lang lumabas ang mga galit ni Jason, lalo na kung ang mga tinutukoy nitong insidente ng bullying ay dalawang taon na pala ang nakalilipas.
Sabi niya, “Kung kahapon yun o during that time nagkaroon ng asaran, napikon, maiintindihan ko.
“Pero, two years ago yun.
“Nagkaroon pa tayo ng… Hanggang sa umalis siya sa Banana, nag-resign siya, nagkatrabaho tayo sa Happy Yipee Yehey, tapos nag-Angelito pa kami.
“Saan siya nanggagaling, di ba? At bakit ako?
“Of all people na malakas mang-asar sa inyo, hindi po kami ganoon dito sa Banana Split.
“Bullying is not the term. I think it’s more on asaran sa tropa.”
Dugtong pa ni John, “Sa tinagal-tagal ng Banana Split, first time na mangyari ito.
“At itong nangyaring ito, yung gumawa ng pangyayaring ito, e, two years nang wala sa amin. Bumisita lang at biglang ginawa ‘to.
“At ako, sa sarili ko, alam kong wala akong ginawa sa kanya kaya nakakaharap ako nang maayos.
“The day after the incident, noong tinawagan siya [Jason] ni Jayson Gainza, ‘Bakit mo ginawa yung ginawa mo?’
“Sabi niya, ‘Hindi ko alam.’ Nag-snap daw siya.
“Sabi pa niya, ‘Kung gusto mo, balik ako sa Music Museum, gulpihin ako ni Kuya John.’
“You know, it’s not about that. It’s not about getting even.”
TO SUE OR NOT TO SUE. Sa kabila ng lahat, parang nagdadalawang-isip pa si John kung itutuloy niya ang pagsasampa ng kaso laban kay Jason.
“Parang gusto nang magpatawad but yung half of me, parang, ‘Ganoon na lang ba?’
“Minsan kasi, kapag sobrang mabait ka, naabuso ka or palalampasin mo na lang yung nangyaring ganoon?
“Well, magulo pa sa ngayon, but we’re still talking sa lawyer and titingnan pa namin kung ano’ng magandang solusyon sa ngayon.
“Sa totoo lang, ako nga, ayoko nang pag-usapan but I have to explain my side.
“Kasi, yung sinasabi ni Jason na binu-bully siya, yun ang lumalabas sa telebisyon.”
Kinausap din ng The Buzz ang production manager ng Banana Split na si Cynthia Jordan. Pinabulaanan dito nito na walang nagaganap na bullying sa cast ng gag show ng ABS-CBN.
Ayon kay Cynthia, “Kung ang term ni Jason, e, binully siya, I think that’s not true.
“Kapag nararamdaman naman nila na, ‘Wait, sumusobra na ang harutan…’
“Kasi, hindi naman lahat ng tao, lahat good mood at the same time.
“Lahat naman sila, ‘Bro, awat muna, bad mood ako.’
“Sa tingin ko, wala, walang bullying.”
