Nilinaw ni senatorial reelectionist Loren Legarda na walang katotohanan ang mga kumakalat na text messages na nagsasabing nilagdaan daw niya ang isang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang mga benepisyo o suweldo ng mga government workers, kagaya ng mga guro, sundalo, pulis, at bumbero.
Aniya, tila naulit ang nangyari sa kanya noong 2010, nang tumakbo si Loren para sa pagka-Bise Presidente, na running mate ni former presidential candidate Manny Villar.
Ganito rin daw ang “black propaganda” na ibinato sa kanya: nagsumite umano ang senadora ng bill na humaharang na taasan ang sahod ng mga guro at isa pang bill na nagtatanggal ng leave of absence ng mga sundalong nagretiro.
Isang Senate Certification ang kanyang inilabas para linawin ang pangalan ni Loren sa mga akusasyong ito sa kanya.
“Ito na naman sa akin, kung puwede lang, tulungan niyo ako i-disseminate yung impormasyon.
"Masyadong kumakalat yung mga text messages na meron daw akong sinign na bill para tanggalin ang benepisyo o suweldo ng teachers, sundalo, pulis, bumbero [at] kung ano pa man,” ang mahabang simula niya sa ginanap na 1st Senatorial Forum— na pinangunahan ng Philippine Daily Inquirer at Inquirer Group— ngayong araw, April 10, sa UP Diliman Film Center, Quezon City.
“Uulitin ko po, wala pong bill, wala pong panukalang batas para tanggalin o bawasan ang suweldo ng teacher, sundalo, pulis, o bumbero, o ninumang government worker,” diin ni Loren.
“’Yan ay pawang black propaganda, paninira at kasinungalingan po.”
Paniniyak niya sa mga nasasangkot na government workers, “Kaya huwag pong mabahala ang ating mga teachers, pulis, sundalo, bumbero, wala pong bill para tanggalin ang inyong benepisyo o suweldo."
Ang katotohanan daw ay siya pa ang nagsusulong para taasan ang sahod nga mga guro, pati na rin ang benepisyo ng mga sundalo.
Pahayg ni Loren, “Nakalulungkot na kailangan humantong sa ganito ang mga tinatawag na paninira sa panahon ng kampanya.
"Dahil sa kabila po nito, ako po ang nag-file ng Magna Carta for public school teachers para taasan po ang suweldo.
"At meron din akong bill para taasan ang combat pay at ang subsistence allowance ng ating mga sundalo."
Ang hamon ng Kapamilya brodkaster, “Sana po yung mga nasa likod ng mga paninirang text na hindi naman totoo ay humarap na lang po sa atin sa debate."
THE CULPRITS. Alam ba niya kung sino ang nasa likod ng mga paninirang ito laban sa kanya?
“Alam naman po natin [kung sino] pero hindi naman po natin masabi ngayon.
“Siguro pagkatapos ng Mayo ay maaari kong sabihin sa inyo.
“Pinaimbestigahan ko na po at meron naman akong intel [intelligence].
“Ako’y lieutenant colonel po sa Armed Forces, e, malakas po ang aking intel network."
Pagpapatuloy ni Legarda, “Alam ko naman po [kung sino] pero siguro po ay hindi puwedeng ipahayag ngayon dahil mga kandidato rin po.
"Pero huwag naman sana, dahil walang katotohanan talaga.
“It doesn’t hurt me. I just want, as a former journalist, I just want the truth out.”
Si Legarda ay nakilala bilang anchor ng news-and-public-affairs programs ng ABS-CBN, ang The World Tonight at The Inside Story.
REMOVE HER FROM THE TOP SPOT. Ano kaya ang nasa likod ng mga negatibong propaganda laban sa kanya?
Aniya, “Hindi ko malalaman kung ano ang motibo, pero siyempre para ibaba ako mula sa number one.”
Sa mga datos na inilabas ng Pulse Asia survey noong April 4 at ng SWS (Social Weather Stations) survey noong April 1, si Loren ang nangunguna among the senatorial bets.
Siya rin ang kauna-unahang babaeng senatorial candidate na dalawang beses nag-top sa senatorial elections, noong 1998 at 2007.
Sa pagpapatuloy ni Loren, “Yun lang ang nakikita kong [dahilan], kasi hindi naman ikakatalo ito, di ba?
“Siguro para ibaba ako sa number one. Yun ang nakikita kong motibo. Hindi naman tayo nagmamaang-maangan dito na yun po siguro ang pakay.
"Pero hindi po natin alam kung ano yung tunay na pakay. Kaya lang, recycled po ito ng kasinungalingan.”
Nang matanong kung paano naman ina-address ni Legarda ang kasalukuyang isyung ito sa kanya, sagot niya, “Sumulat po ako sa DepEd [Department of Education], kay Secretary [Armin] Luistro. At alam naman po nila na di totoo ‘no.
“Natatawa nga siya. Sabi niya, ‘Ano ‘yan? Inuulit na naman?’
“Kausap ko rin si PNP [Philippine National Police] Chief General Alan Purisima.
“Natatawa din siya, sabi niya, ‘Wala pong naniniwalang pulis.’
“At sinulatan ko rin ang AFP [Armed Forces of the Philippines] Chief [General, Emmanuel T. Bautista], at susulatan ko si Secretary [Francisco] Duque sa Civil Service [Commission]."
IN THE NAME OF TRUTH. “Pero as a former journalist of 20 years, importante sa katotohanan. We only work for the truth,” diin ng tumatakbong senadora.
“Kaya kung may mga kasinungalingan at meron pa silang mga senate bill na wala namang gano'ng number, I really have to come forward and challenge those behind it.
“And I know who you are, don’t hide behind false text messages,” matapang niyang babala sa kanyang mga detractors.
Nang hiritan siya kung saang partido kabilang ang mga sinasabi niyang naninira sa kanya, paiwas na tugon ni Loren, “Hindi ko sasabihin kung anong partido, pero alam natin kung sino at sila’y kandidato.”
Nang matanong kung kinausap na ba niya ang mga detractor-candidates na ito, sagot ni Legarda, “Siguro huminto tayo do’n.
“Pagkatapos [ng] Mayo a-trese, 'pag tayo’y nasa victory party, kukuwento ko sa inyong lahat,” pagtatapos niya.