Nakaapekto nga ba sa relasyong Rayver Cruz at Cristine Reyes ang hidwaan ng aktres sa kapatid nitong si Ara Mina?
Balita kasing madalas daw napagbubuntunan ng sama ng loob at kawalan sa mood ni Cristine si Rayver noon.
Kalaunan nga, nagdesisyon ang dalawa na tapusin na ang kanilang relasyon at maging magkaibigan na lang.
Ngunit noong nakaraang Holy Week ay nagkasundo na rin sa wakas ang magkapatid na sina Cristine at Ara.
Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Rayver sa ASAP 18 noong Linggo, April 7, sinabi niyang masaya siya sa pagbabati ng dalawa.
“Siyempre masaya… Nakita ko naman sa mga posts sa Instagram, siyempre happy ako for them.
“Tinext ko naman si AA [Cristine] na happy ako sa nangyari sa kanila.
“Ganoon naman, e, lahat naman ng problema sa buhay ay mareresolbahan.
"Oras lang talaga ang kailangan… panahon,” saad ng young actor.
FAMILY FEUD. Sa isang interview noon kay Ara, nabanggit nito na isa sa dahilan ng breakup nina Cristine at Rayver ay dahil sa naging away nilang magkapatid.
Lumala ang away-magkapatid na nauwi pa nga sa pagsasampa ng demanda ni Ara laban kay Cristine.
Sinabi naman ni Rayver na hindi lang sa ex-girlfriend niya maraming dapat ayusin na isyu kundi maging sa kanya rin.
Paliwanag niya, “Siyempre pamilya ‘yan, e… lahat naman tayo.
“Basta ang importante masaya na ang lahat, okay na sila, so happy tayo para sa kanila.
“Marami naman kasi talaga dapat na ayusin sa kanya, sa akin, sa aming parehas. Ganoon siguro.
"Basta ang importante, sa puno’t dulo ng lahat, magkaibigan pa rin kami, wala pa ring nagbago sa amin.
“Pag nagkikita kami, ganoon pa rin kami ka-close.”
Hindi ba nagsasara ng pinto si Rayver sa posibilidad na magkabalikan sila ni Cristine, lalo’t magkaibigan pa rin naman sila hanggang ngayon?
Tugon niya, “Tingnan na lang natin in the future. Hindi naman natin masasabi ‘yan… nasa Panginoong Diyos na ‘yan.
“Kung kayo, kayo talaga. At kung hindi, okay lang din. At least, magkaibigan kami.
“Mahirap magsalita nang tapos kahit naman sa kanya din, di ba?”
MOVING ON. Patuloy naman si Rayver sa paggawa ng mga proyekto.
Magkasama sila ni Cristine sa cast ng upcoming ABS-CBN primetime series na Bukas Na Lang Kita Mamahalin.
Kuwento niya, “Balik-taping na kami, marami-rami na.
"Masaya naman sa set... maganda yung show, excited na nga akong maipalabas.
“Masaya sa set, kaibigan ko ang lahat. Yung mga first time kong makatrabaho, hindi naman pressure, ang babait nila.
“Sobrang bait ni Dawn Zulueta. Sa una, nakakakaba, pero pag nakausap mo na, sobrang bait pala.”
Balita noon na dapat ay kasama si Rayver sa Ina Kapatid Anak kunsaan gaganap sana siya bilang nawawalang anak na lalaki ni Cherry Pie Picache.
Hindi ba nanghihinayang si Rayver na hindi siya natuloy sa seryeng ito ng ABS-CBN na consistent na mataas ang ratings?
Sagot niya, “Sa management naman yun… sila naman ang nagsabi na doon na ako sa Bukas Na Lang Kita Mamahalin.
"But, thankful din ako.
“Sobrang nakakatuwa, kasi first time kong nakatrabaho si Gerald, e.
“Si Gerald, sobrang… yun ang kaibigan kong sobrang happy ako na magkatrabaho kami."
Bilang matalik na kaibigan ni Gerald Anderson, hiningan din namin ng reaksiyon si Rayver sa balitang relasyon nito ngayon kay Maja Salvador.
“Oo naman. Kung saan siya masaya, masaya ako para sa kanya,” maikli niyang tugon.
PROUD ACTOR. Katatapos lang gawin ni Rayver ang pelikulang On The Job kasama sina Gerald at Piolo Pascual.
Proud si Rayver sa kinalabasan ng pelikula dahil pang-international daw ang kalidad nito.
Aniya, “Sobrang masaya, sobrang blessed ako na nakakasama ako parati sa mga magagandang mga projects.
“Sobrang ganda, sobrang exciting ng mga proyekto na nakakasama ako, so happy ako.
“Yung teaser nga, nasa YouTube na, sobrang ganda pag pinanood nila.
“Grabe, kaya pala natin ang ganitong action-thriller na palabas!
“Noong pinapanood ko, kinikilabutan ako… pang-international siya talaga!”
