Sa huling panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Derrick Monasterio ay nabanggit nito ang pagre-record niya ng isang album na hindi pa rin matapus-tapos.
Kaya sa Party Pilipinas noong Linggo, April 14, ay inusisa namin siya tungkol dito.
Sabi niya, “Nililinis pa ata yung isang kanta kasi nilalagyan pa po ata ng blending and other stuff kaya hindi pa magawa yung next song.
“Okay lang, kasi, ano... maganda naman ang boses ko, e. Joke!”
Ang usap-usapan ay lagi raw kasi siyang pagod every time pupunta siya sa recording studio kaya hindi ito matuluy-tuloy. Totoo ba ito?
Paliwanag niya, “Ganito po kasi yun... yung time na nagre-recording kami, lahat yun ay galing kami sa taping ng Paroa.
“Ngayon ay hindi naman akong masyadong busy kaya maaasikaso ko na.
“At saka, medyo nakakapag-rest na ako at may tulog pa yun. Sana nga matapos ko na.”
COMEDIAN. Pagkatapos ng Paroa ay isang sitcom naman ang pinagkakaabalahan ngayon ni Derrick, ang Vampire Ang Daddy Ko.
Other than this, wala pang nababalitang may gagawin siyang teleserye o fantaserye for that matter.
“Ganito kasi yung paliwanag,” umpisa niya.
“Siyempre nasa desisyon naman ‘yan ng management kung ano ang gagawin o plano nila sa akin.
“Kasi, ganoon naman ang mga artista, kapag after ng isang project, hindi naman susundan agad ‘yan.
“For now, okay lang po sa akin yung ganito na pahinga muna at naghihintay kung anong show ang ibibigay sa akin.”
Biro namin sa kanya na baka tuluyan na siyang makalimutan ng publiko.
“Huwag naman sana,” sambit niya.
“Basta ako, gagawin ko ang best ko—gagawin ko kung ano ang makakabuti para sa akin.”
Ngayong nagku-comedy siya, ano naman sa tingin niya ang naging improvement niya in terms of comedy acting?
Sagot ni Derrick, “I think, I became a more natural comedian... yung kahit wala sa script yung lines, ibinabato ko pa rin.
“So, parang naging mas spontaneous ako—nae-enjoy ko na siya.
“Sobrang idol talaga namin si Bossing [Vic Sotto]... sobra sa bait, sobra kung mag-asikaso sa amin.”
COMPETITION. Nagiging malakas na ang competition ngayon among GMA-7 teen stars dahil halos ng mga kapanabayan niya ay nagkakaroon na ng sari-sarili nilang drama show.
Tulad ni Alden Richards na merong nang Mundo Mo’y Akin at si Kristoffer Martin na katambal naman ni Kim Rodriguez sa Kakambal ni Eliana.
Sabi ni Derrick, “Okay po yun sa akin. May kanya-kanya naman kaming lugar at chances.
“Like noong ginagawa ko yung Paroa, parang sila naman ang nagpapahinga.
“Kaya parang ano... well, wala naman yun sa akin yung competition na ‘yan—wala namang inggitan sa amin, e.”
EX-LOVETEAM. Kumusta naman sila ni Barbie Foteza ngayon?
Nang huling makausap ng PEP si Barbie, parang wala itong ganang sumagot kapag tungkol kay Derrick ang pinag-uusapan.
“Talaga?” parang nagulat na reaksiyon ni Derrick.
“Ang alam ko, kapag magkasama kaming dalawa, kung ano ang treatment namin sa isa’t isa ay ganoon pa rin.
“Siguro, mas walang time lang kami sa isa’t isa ngayon kasi hindi katulad noong nasa Paroa kami, e, halos araw-araw kaming magkasama.
“Sa Party P na lang, pero nagku-communicate naman kami... kung ano kami noon, ganoon pa rin kami ngayon.”
May picture na lumabas daw sa Facebook na nakasandal si Barbie sa balikat niya na parang sweet-sweetan sila.
Nangiti at tipid na deklara ni Derrick, “Wala yun. Gising naman siya noon, parang napagod lang.”
Totoo bang ayaw niya para kay Barbie si Ruru Madrid? May karapatan na ba siyang magbawal... may selos factor?
Tugon niya, “Ako naman, I’m just here para i-guide siya.
“Sa kanya naman ang huling desisyon kung gusto rin ba niya.
“Sa akin, advice lang naman. Yung selos factor, wala naman yun!”
GOOD PHYSIQUE. Pinansin namin ang mga braso ni Derrick na nagiging muscled na.
Sabi niya, “Kaka-gym ko ito. Pero, seventeen pa lang naman ako kaya medyo kinu-control ko.
“Summer kasi kaya may time akong mag-gym ngayon.
“Pabuhat-buhat lang ako, pero hindi ko pa naman kina-career siya.
“Isang pandesal pa lang ang abs ko,” sabay pakita niya nito.
Kaya nga ang biro ay siya na ang susunod sa yapak ni Aljur Abrenica.
Sabi naman niya, “Natutuwa naman ako. Siyempre kasi, Aljur Abrenica na ‘yan, di ba?
“Basta ako, gagawin ko ang lahat para ma-reach ko ang goal ko to be on top. Compliment ‘yan sa akin.
“Pero mas gusto kong makilala ako hindi sa katawan ko, kundi dahil sa talent ko.”
