Pasiklaban ang mga kandidato sa pagka-senador sa kani-kanilang mga plataporma upang mahikayat ang mga mamamayan na sila ang iboto sa darating na May 13 elections.
Marami sa mga kandidatong ito ang nagsusulong ng affordable and quality education, lalo na para sa mga estudyanteng hirap sa pag-aaral.
Sa 1st Inquirer Senate Forum na ginanap sa UP Diliman Film Center, Quezon City noong April 10, natanong si senatorial candidate at former Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chair Richard “Dick” Gordon kung ano ang kanyang gagawin upang maging "affordable" sa mga estudyante ang edukasyon kung siya ay maluklok muli sa puwesto.
TEACHERS FIRST. “[There are] more things that have not been done than [what have been] done,” simula ni Gordon, na nagsilbing Tourism secretary sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Pagpapatuloy niya, ang sikreto upang mai-angat ang edukasyon sa bansa ay nakasalalay sa mga guro.
“If you do not pay the teachers well, you are not gonna get any advances in the future.
“The poor are gonna remain poor because natuturuan sila ng mga teachers na overworked, underpaid, and have other issues."
Pahayag pa ni Gordon, “I predict the next suicide will be a teacher.”
Ang tinuran ng dating senador ay may kinalaman sa pagsu-suicide noong Marso 15, ng UP Manila Behavioral Sciences freshman na si Kristel Tejada sa dahilang hindi ito makabayad ng kanyang tuition.
Pagpapatuloy pa ni Gordon, “P17,000 lang [ang] starting salary ng teacher.
“Ang teachers natin when compared with others teachers in Japan P125,000 equivalent [ang sahod ng teachers]; Singapore P92,000; ang Korea P85,000; ang China P35,000.
“It’s not enough,” pagdedeklara ni Gordon, patungkol sa kasalukuyang halaga ng sinasahod ng mga guro sa bansa.
Diin pa niya, nararapat daw na itaas ang suweldo ng mga guro dahil sa dedikasyon nila sa trabaho.
“It’s not the question of standard of living, it’s a question of commitment,” ang sabi pa ng 67-anyos na pulitiko.
“Committed ba tayo na mag-invest in education?"
Dagdag pa ni Gordon, para umangat ng kondisyon ng mga guro, kailangang makapagbigay ng tulong para sa “self-help, self-reliance, and enabling them, and ennobling them in the process.
“You do not pay the teachers well, forget it! Matatalo tayo,” aniya sa kanyang speech.
Saad pa ng kandidato, “Tuwing mag-e-eleksiyon tayo, bumababa ang [ranking ng] Pilipinas against all other countries.”
Inisa-isa ni Gordon ang ilan sa mga Asian countries na nangunguna ngayon sa mga bansang may mataas na kalidad na edukasyon.
“Japan went up, [South] Korea went up.
“Look at their education, they beat America now—Shanghai, China, Finland—all these countries put money in education.
“America is going down because their education is not there.”
PHILIPPINES IS NOT ON THE LIST. Noong November 2012, naglabas ang Pearson—isang international educational firm— ng listahan ng mga bansang may pinakamataas na antas ng edukasyon.
Ang nasabing report ay pinamagatang, “The Learning Curve,” na isinagawa ng Economist Intelligence Unit o EIU.
Ang EIU ay isang independent business na kabilang sa Economist Group, isang London-based multinational media company na tumututok sa international business at world affairs information.
Nagsasagawa ng economic research at analysis ang EIU upang magbigay ng forecast at advisory sa mga kliyente nito sa iba’t ibang bansa para umunlad ang negosyo.
Sa website ng Pearson na www.thelearningcurve.pearson.com, ipinaliwanag nito ang kahalagaan ng “analysis of school systems’ performance in a global context.”
“We’re sharing the data and conclusions to help researchers and policymakers identify the common elements of effective education,” ayon sa website.
Sa nasabing listahan, nangunguna ang Finland bilang bansang may “best education.”
Ang mga sumunod ay mga bansa sa Asya.
Pumapangalawa ang South Korea, sumunod ang Hong Kong, pang-apat ang Japan at nasa ikalimang puwesto ang Singapore.
Nasa ika-17 puwesto lamang ang USA.
Ang nasabing listahan ay kinabibilangan ng 40 bansa pero hindi pasok sa listahan ang Pilipinas.
Nasa bottom two ang Brazil at Indonesia.
Sa nasabing pag-aaral, ang naging basehan ng the EIU ay international test scores, graduation rates noong 2006-2010, at bilang ng mga “higher education seekers.”
GORDON’S SOLUTION. Ang solusyon naman daw ni Gordon sa problema sa edukasyon sa bansa para sa mga estudyante ay ang Study Now, Pay Later Policy.
Dagdag pa niya, ang mungkahi niya ay pautangin ang mag-aaral at bigyan siya ng 15 taon na bayaran ang utang pagkatapos niyang mag-graduate.
Saad pa niya, investment naman daw ito para sa pamahalaan.