Ruru Madrid aims for an acting award: “Ba’t pa ako nag-artista kung hindi ko pinapangarap na magka-award, di ba?”

Sinasabayan ni Ruru Madrid ang pag-level up ng competition ng mga artista pero sa iba namang direksiyon. Sabi niya, “Hindi talaga ako nakikipag-compete sa kanila. Alam ko po kung kanino ako nakikipag-compete—sa sarili ko po.”


Pagkatapos maging finalist sa Protégé: The Battle For The Big Artista Break, napasabak na si Ruru Madrid sa mga malalaking proyekto, tulad ng defunct fantaserye Paroa: Ang Kuwento Ni Mariposa at ang upcoming film na My Lady Boss.

Isang indie movie rin ang kasalukuyang ginagawa ng 15-year-old actor, ang Above The Clouds, with rock legend Pepe Smith.

Sa pagbabalik niya sa Party Pilipinas noong Linggo, April 14, nakakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ruru.

Inisa-isa nito ang mga pinagkakaabalahan niya ngayon.

Saad niya, “After Paroa, dumiretso na kaagad ako sa shooting ng Above The Clouds.

“Tapos, mahaba yun kaya tumagal ako sa Baguio at Sagada ng twenty-seven days.

“Hindi ako nakapag-Party Pilipinas, tapos babalik na naman ako sa shooting sa Quezon Province naman, sa Bicol, at magte-taping din ako for Teen Gen.

“Then, nagpo-promo din ako para sa My Lady Boss, pero tumigil muna kami kasi di ko alam kung kailan ang showing noon.

“Then, may gagawin uli akong isang indie film with Ms. Lorna Tolentino naman po yun.

“Excited ako dito kasi ang director ko ay si Direk Maryo J. [de los Reyes].”

MY LADY BOSS. Ano ang alam niya sa pagkaka-postpone ng showing ng My Lady Boss, kunsaan gumaganap siya bilang kapatid ni Marian Rivera?

Tugon ni Ruru, “Ako talaga, wala akong alam sa mga nangyari.

“Basta ako, tutulong lang ako sa pag-promote, pupunta sa premiere night. Ganoon lang po.

“Pagdating sa ganoong bagay, hindi na ako nakikialam, kasi sila naman ang nakakaalam niyan.

“Baka may mas maganda silang plano doon.”



FIRST INDIE FILM. Ikinuwento rin ni Ruru ang role niya sa Above The Clouds.

“Apo ako dito ni Pepe Smith... tapos, lahat sila namatay noong Ondoy.

“After that, hindi ko alam kung nasaan sila. Nakita ko na lang sa clearing site na mga patay na pala sila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yun, nagpaka-emo [emote] ako.

"Nakitira ako sa kapitbahay ko, tapos sinundo ako ni Pepe na nagpakilala na lolo ko daw siya.

“Pinuntahan namin lahat ng mga lugar na pinupuntahan ng mga magulang ko.”

Paano ba niya hinaharap ang ganitong challenge bilang isang baguhang artista?

Sabi niya, “Doon kasi sa Paroa ako natutong mag-arte. Pero doon sa indie, sobrang magkaiba pala.

“Sa teleserye, parang kailangang nakikita lagi ang mukha mo, pero sa indie film, kailangan natural ka.

“Marami pa akong dapat matutunan bilang isang baguhan—ang dami kong hindi alam.

“Kaya hindi rin ako tumitigil sa pagle-learn...

"Lahat ng pagkakataon na puwede akong matuto, gina-grab ko na.

“Humuhugot ako ng inpirasyon doon sa mga nauna sa akin.”

Anticipated na ni Ruru na puwedeng isali ang Above The Clouds sa international film festivals.

Sabi niya, “Ang pagkakaalam ko po ay ilalaban ito sa Venice filmfest. Tapos, ilalaban din daw sa Cannes.

“Ang director po nito ay si Pepe Diokno na siyang nag-direct ng Engkuwentro ni Dominic Roco at nanalong best film.”



BACK TO PARTY P. Sa pagkawala niya sa Party Pilipinas for a few weeks, na-miss niya raw ito nang husto.

“Sobra!” natatawang pag-amin ni Ruru.

“Pag nakakarinig ako ng kantang may sayaw, parang mas gusto ko ring sumayaw.

“Kaya lang, sobrang iba din yung experience na makasama ka sa isang pelikula, kaya grinab [grabbed] ko na yung chance na yun.

“Minsan lang naman darating ‘yan.”

Dagdag niya, “Noong mag-report ako dito sa Party P, naramdaman ko na marami ang naka-miss sa akin.

“Maraming yumakap sa akin na sabi nila ay tumaba daw ako.

“Siyempre, natuwa naman ako kasi dati, ang lagi nilang sinasabi ay ang payat ko.

“Ngayon, may laman na ako!”



COMPETITION. Tumataas daw ang level of competition ng mga baguhang artista sa Kapuso network. Ano ang ginagawa ni Ruru para makipagsabayan sa kanila?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sagot niya, “Hindi talaga ako nakikipag-compete sa kanila. Alam ko po kung kanino ako nakikpag-compete—sa sarili ko po.

“Kasi halimbawa, for this show ay heto ang ginawa ko. And then, sa susunod na show, tataasan ko pa yung level of performance ko.

“Pero, hindi ko iniisip na mga kalaban ko sila, kasi mga kapatid ko naman sila dito sa GMA.”



WITH LORNA T. Excited ding binanggit ni Ruru ang pagsasama nila ng award-winning actress na si Lorna Tolentino sa pelikula.

“Yung sa akin kasi, yung pagbanggit pa lang sa akin nina Direk Maryo J na siya ang makakasama ko, na-shock ako.

“Sobra yung saya ko kasi Lorna Tolentino yun.

“Noong napapanood ko yung mga pelikula niya, natutuwa ako, humahanga ako sa kanya, kasi ang galing niyang umarte.

“So, kapag dumating yung time na magkakasama na kami sa eksena, alam ko po na hindi maiiwasang ma-intimidate ako sa kanya.

“Pero, siyempre kailangang galingan ko at kailangang makipagsabayan sa kanya—ayaw ko namang mapahiya.”



ACTOR’S DREAM. Pinapangarap din daw ni Ruru na manalo ng acting award.

Sabi niya, “Kahit sino namang baguhan, yun ang iniisip. Ang sarap ng feeling na tatanggap ka ng acting award.

“Kasi, di ba? Ba’t pa ako nag-artista kung hindi ko pinapangarap na magka-award, di ba?

“Darating din ako diyan. Sa ngayon, pinagbubutihan ko na muna ang acting ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN