Kaugnay ng nalalapit na May 2013 elections, magkakaroon ng concert sina Pokwang, Chokoleit, Pooh, at K Brosas sa Music Museum na pinamagatang 4 Da Vote.
Ang nasabing show na itatanghal sa April 19, 20, 26, at 27, ay mag-i-spoof at mag-i-impersonate ng mga pulitiko, kabilang na rito si Sen. Loren Legarda, na ginaya ni K Brosas.
Nagkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media na mahingan ng reaksiyon ang senadora, tungkol sa panggagaya sa kanya ni K.
Nangyari ang interview sa presscon para sa bagong collaboration project ni Loren with Brillante Mendoza noong Abril 17, sa Romulo Café sa Scout Tuazon, Quezon City.
“Ay, natutuwa ako," bungad ni Legarda.
"Nakita ko siya sa Sta. Rosa, Laguna. Cute siya. Nakakatuwa naman. Siguro pinapanood niya ako."
Sinundot naman ito ng tanong ng PEP kung hindi ba siya napipikon kapag ginagaya siya ng isang komedyante.
“No, I’m honored. Okay lang kasi hindi naman ako pikon, e."
Dagdag pa niya, "Gusto kong mapanood [yung concert]. I’ll get tickets and treat my whole staff.”
Willing pa nga raw siyang tulungan si K para mas maging epektibo ang panggagaya nito sa kanya.
“Padalhan natin ng climate-change kit si K Brosas at sina Pokwang. Totoo iyan. Padalhan natin with a letter."
Sasabihin daw niya sa liham na napag-alaman niya ang tungkol sa kanilang parody show at imumungkahi sa kanila, lalo na kay K, na panoorin ang kanyang documentary tungkol sa climate change dahil nagsilbing narrator dito si Legarda.
Sa pamamagitan din daw nito ay mas magiging updated sila sa mga isinusulong ng TV journalist turned politician.
“Kasi pag mali ang kanilang batas, baka i-correct ko sila onstage... biro lang,” sabay tawa ni Loren.
INSTRUCTIONAL DOCUMENTARY. Kabilang sa gustong ibigay ni Legarda kina K Brosas at Pokwang ay ang bago niyang handbook na Gabay sa Kahandaan sa Sakuna at Paunang Lunas at ang bago niyang instructional documentary film na Ligtas.
Magpe-premiere sa ilang sinehan ang Ligtas sa Lunes, Abril 22, na itinaon sa paggunita ng Earth Day.
“Tinatalakay sa Ligtas ang isyu ng disaster-risk reduction o ang tamang paghahanda sa panahon ng kalamidad— mula sa mga dapat gawin upang manatiling ligtas kung may bagyo, baha, landslide, lindol, pagsabog ng bulkan o tsunami, hanggang sa mga tungkulin ng bawat tao sa kalikasan, upang maiwasan ang mga ganitong pangyayari."
Naisip gawin ni Legarda ang Ligtas upang maiwasan ang pagdami ng mga nasasaktan o namamatay sa tuwing mayroong kalamidad dahil sa kakulangan sa paghahanda at kaalaman tungkol sa pagresponde sa ganitong situwasyon.
Si Legarda ang nag-akda ng mga batas na gaya ng Climate Change Law, Philippine Clean Air Act, at Ecological Solid Waste Management Act. Ang mga ito ay may layuning pangalagaan ang kalikasan at labanan ang mga mapanganib na epekto ng climate change.
Pinangunahan din niya ang pamimigay ng mga geo-hazard maps para turuan ang mga Pilipino sa mga posibleng panganib na haharapin nila sa mga lugar na kanilang tinitirhan.
Ang Ligtas ang ikalawang proyekto nina Legarda at direk Brillante.
Noong 2010, ginawa nila ang Buhos, isang documentary na nagpapaliwanag kung ano ang climate change. Ngayon pa lang ay may naiisip na rin silang pangatlong proyekto na isang feature film, tungkol naman sa buhay ng climate-change refugees at pagbangon ng mga ito pagkatapos ng isang kalamidad.
CAMPAIGN MATERIAL? Dahil lalabas nga ang Ligtas ngayong panahon ng kampanya, hindi ba't bahagi ito ng kanyang campaign strategy?
“Ligtas ay aking public-service and information material. Maaari ring gawing campaign material pero hindi political campaign, kundi environmental or DRR [disaster-risk reduction] campaign.
“Ang aking kampanya kasi, kaya siguro matagumpay, ay hindi puro pulitika. Hindi pulitika, DRR lecture sa mga eskuwelahan, climate-change lecture.
“Bago pa man magkampanya, ginagawa ko na iyan ilang taon na.
“Yung pagtatanim ng punong-kahoy, ilang dekada ko nang ginagawa iyan.
“Paggawa ng dokumentaryo at mga batas para ligtas ang pamumuhay, taun-taon ko ginagawa iyan.
“Kaya siguro pag tinatanong ng mga tao, ‘Bakit siya matagumpay?’ Dahil ang aking ibinibigay sa taong bayan ay hindi intrigang pulitika, hindi usaping pulitika, hindi pangako.
“Nararamdaman na nila yung kongkretong mensahe at yung magagandang epekto ng ating mga batas.”