Bukod sa pagiging komedyante, may itinatagong din palang talent sa pagsusulat si Dennis Padilla.
Kuwento niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Ang Latest ng TV5, “Creative consultant, tsaka kami ni Woodrow Serafin yung sumulat.
“Pero yung story, kami ni Herbert [Bautista] yung nagtulong.
"And siyempre, marami ring input si Randy [Santiago] dahil dati ring director tsaka malikot, malikot ang isip.
“Kaya maliban dun sa pagiging director niya, marami rin siyang na-contribute dun sa story at sa mga punchlines, dami.”
Ang tinutukoy ni Dennis ay ang pelikulang Raketeros, kung saan nag-last shooting na ito noong April 11, Huwebes, sa isang warehouse sa may Novaliches.
Dagdag pa niya, “Nagtutulungan kami lahat, kaya talagang ano, e, teamwork.
“Para kaming isang basketball team na lahat nagtutulungan—may coach, may assistant coach, may players.
“So maganda… maganda yung pelikulang ito and na-miss namin ang isa’t isa.
“For many, many years… kamukha ni Andrew E, huli kaming nagkasama niyan e Mokong, Astig, Gamol—that was in 1997 o ’98.
“So parang reunion movie naming magbabarkada.
“And siyempre, masaya kami lahat dahil first time din ni Randy na magdirek ng isang full-length film.”
SACRIFICE. Kasagsagan ngayon ng kampanyahan para sa local elective positions, pero isinakripisyo raw ni Dennis ang isang araw para lang sa ikakaganda ng pelikula.
Tumatakbo si Dennis bilang Board Member sa lalawigan ng Laguna sa ilalim ng United Nationalists Alliance (UNA).
Sabi niya, “Itong araw na ito, sinacrifice [sacrificed] ko dahil last day ng movie, pero actually may dalawa akong caucus mamayang gabi.
“Tapos kaninang umaga, na-miss ko yung house-to-house.
"So sacrifice lang ako ng isang araw dahil kailangan naming tapusin ang pelikula.
“Dahil ang hirap naming pagsama-samahin dahil si Mayor nagkakampanya rin—si Joey Marquez, nagkakampanya rin.
“Tatlo kaming tumatakbo na nasa film, ang hirap pagsama-samahin ng schedule namin.
“Si Ogie [Alcasid], sobrang busy, may TV show, may live show, andaming ginagawang commercials.”
Bukod kay Dennis ay tumatakbo rin si Joey bilang congressman ng Parañaque at si Herber naman ay tumatakbong muli bilang mayor ng Quezon City.
JULIA, THE NEXT CLAUDINE BARRETTO? Hindi naman mapawi ang ngiti sa mukha ni Dennis nang mapadako ang usapan sa anak niyang si Julia Barretto, na kamakailan lamang ay inilunsad bilang miyembro ng Star Magic 2013.
Pagmamalaki ng dating konsehal ng Caloocan City, “Noon pa naman, naniniwala na ako diyan.
"Dahil dun pa lang sa Walang Kapalit, sa Palos, makikitaan mo na si Julia na malalim…
“Malalim siya sa pag-arte, malalim siya mag-isip, so sigurado ako na magiging magaling na actress siya.
“At sigurado akong sisikat siya, ang galing, e!”
Dagdag pa niyang nagpapatawa, “May brilyo, at saka maganda, e, iba ang lahi namin, e.
“On both sides naman—sa side nila Barretto, puro artsita; sa side namin ng tatay ko, si Dencio Padilla, tapos ako.
“Kaya pinagsama mo yung ano, e, yung drama side; tapos sa kabilang side, mga comedian naman.
“So pinagsama kay Julia yun.
“So pag pinag-drama mo si Julia, siguradong may ibubuga. Pag pinag-comedy, may ibubuga rin yun.
“And I’m sure, maaaring siya ang susunod na Claudine Barretto ng ABS-CBN or higit pa.”
Bilang ama, labis-labis daw ang suporta at very proud siya sa anak nila ng dating asawang si Marjorie Barretto.
Saad pa ni Dennis, “Kaya, I’m proud and nakikita ko na kahit sumikat yung bata, mababa yung loob and humble naman si Julia and kilala ko naman siya na…
“Sabi ko nga sa kanya pag tini-text ko siya... pag napanood ko, sabi ko, ‘Napanood kita sa The Buzz,’ sabi ko, ‘and I’m very proud of you.’
“And sabi ko sa kanya, pagbutihin niya ang career niya and noon pa sinasabi ko sa kanya na maging friendly ka sa mga fans, yung mga ganun ba?
“And very appreciative naman si Julia, and sabi niya, ‘Thank you, Paps!’ Paps ang shortcut niya sa akin, imbes na Papa.
“Dalaga na nga, ayaw nang tumawag ng Papa, Paps na lang.”
Pagdating naman daw sa mga lalaking magkakagusto sa anak, bilin ng ama sa mga ito na antayin munang magdalaga si Julia.
Pabiro niyang pakiusap, “A, huwag ninyo na munang ligawan, bata pa yun, sixteen years old lang yun, e.
“Siguro pag 18 or 19, saka na kayo manligaw.
“Sixteen lang yun, e, binabantayan ko yun.”
Dagdag pa niya, “Sixteen years old pa lang naman si Julia so i-enjoy lang muna niya yung career niya.
“So yung mga crush-crush, okay lang ‘yan.
“Kahit naman ako, nung sixteen ako, nagkaka-crush din ako.
“Alam ko naman na ang mga kasama niya sa ABS e mababait na bata.
“And magaling naman kumontrol si Mr. M [Johnny Manahan] at ayaw mo namang ma-bad shot kay Mr. M, di ba?
“Ibig sabihin kasi, parang tatay naman ng lahat yun, e.
“So, yun lang, and good luck kay Julia.”
