Naging matunog ang balitang ikakasal na raw si Angel Locsin sa kanyang boyfriend na si Phil Younghusband, pagkatapos magsalita ang Azkal player na nakita na niya sa aktres ang babaeng gusto niyang pakasalan at makasama habambuhay.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Angel sa 61st FAMAS Awards sa AFT Theater kagabi, April 21, ay kinuha namin ang reaksiyon niya dito.
Saad ng Best Actress winner, “Ang daming nagtatanong sa akin kung magpapakasal na ako.
"Hindi ko talaga alam kung paano ito... nung narinig ko ito, hindi ko alam, hindi ako maka-react pa.
"Siyempre, kung may taong mahal mo na very vocal sa nararamdaman niya, nakakakilig naman talaga, di ba? Kinikilig lang ako.
"Ayoko munang isipin kasi wala namang intensiyon yata... wala pa."
Sa mga panayam kay Phil ay consistent ito sa pagsasabing si Angel na ang "the one" para sa kanya.
Sa parte naman ng aktres, masasabi rin ba nito na si Phil na ang lalaki para sa kanya?
Sagot niya, “Sa ngayon, gusto kong isipin na oo, oo.
"Masaya talaga kami and yung happiness na ibinibigay niya kasi sa akin, ibang klase rin talaga.
"Napakabait na tao ni Phil talaga and napaka-blessed ko na naging parte siya ng buhay ko.
“Alam ninyo naman ako, as much as possible sana, yung pribadong buhay ko, yun muna yung sa akin.”
Marami ang nakakapansin na kung si Angel ay sunud-sunod ang suwerte sa kanyang career, ganito rin naman ang nangyayari sa kanyang boyfriend kung saan sunod-sunod din ang pagkapanalo ng Azkals sa mga laban nito.
Maigsi lang ang naging sagot dito ng aktres: “Alam ninyo na, alam ninyo na, bagay talaga kami.
ANOTHER BEST ACTRESS TROPHY. Sa kabila ng ilang beses na ring nanalo ng acting awards si Angel, masayang-masaya pa rin siya sa ipinagkaloob na karangalan sa kanya ng FAMAS bilang Best Actress para sa pagganap niya sa One More Try.
Sabi niya, “Ang sarap lang sa pakiramdam na binigyan ka ng ganito kalaking karangalan talaga, maraming-maraming salamat po FAMAS.
"First acting award ko ito sa FAMAS talaga and first time kong nakahawak ng trophy nila. Salamat, salamat talaga.
"Para sa isang struggling talaga, hindi naman kasi ako nagda-drama talaga, sa umpisa action star ako, tapos pinagkatiwalaan nila ako sa drama.
"So maraming-maraming salamat talaga.
“Sobrang thank you talaga, ibang klaseng happiness, pinagpe-pray ko talaga ito.
"Ma-nominate ka lang, iba na sa pakiramdam, ipinagpe-pray ko talaga na sana minsan mapansin ako ng FAMAS, mabigyan din ako ng award ng FAMAS.
"Kaya ngayon, parang hindi ko mabitawan itong trophy.”
Ayon kay Angel, utang na loob niya ang lahat sa Star Cinema na siyang nagbibigay sa kanya ng magagandang proyekto.
“Very blessed talaga, suwerte naman kasi na gumagawa sila [Star Cinema] ng pelikula na katulad ng One More Try na nakaka-relate ang mga tao, magandang kuwento ng mga tao.
"Star Cinema, maraming-maraming salamat.
“Mas namimili ang Star Cinema ng projects for me. Ang suwerte ko lang talaga na nalagay ako sa One More Try.”
Isa rin ba ang co-star niya sa One More Try na si Angelica Panganiban sa pinaghahandugan ni Angel ng kanyang award?
Sagot niya, “Actually sa lahat ng kasama ko sa One More Try talaga, kahit sa kanya sine-share ko ito.”
BIRTHDAY GIRL. Bukas, April 23, ay magdiriwang ng kanyang 28th birthday si Angel. Ano ang plano niya sa kanyang espesyal na araw na ito?
“Magwo-work ako, kasama ako ng Toda Max. Work, work, work,” sagot niya.
