Emosyunal na kaagad si Kim Chiu nang magkaroon siya ng live interview sa The Buzz kahapon, April 21, kaugnay ng kanyang kaarawan.
Nagdiwang ng kanyang 23rd birthday si Kim noong April 19.
Naluha ang young actress nang mapanood ang VTR message sa kanya ng mga kapatid, ng ka-loveteam niyang si Xian Lim, at ni Sarah Geronimo.
Lalo pa siyang napaluha nang ipakita ang footage ng ginawa niyang charity event sa isang lugar sa Navotas.
Pagkatapos nito’y sunud-sunod na ang naging tanong ni Boy Abunda kay Kim.
PAINFUL EXPERIENCES. Sa pitong taon ni Kim sa showbiz, may pagkakataon bang nasabi niyang sana ay hindi na lang siya sumikat para hindi na lang niya napagdaanan ang pain?
Tugon ng kauna-unahang Pinoy Big Brother Teen Edition winner, “Sa akin, wala akong nire-regret ni isa sa mga pinagdaanan ko sa buhay.
“Thankful ako na naranasan ko yun at an early age at naharap ko sila at nalagpasan ko sila isa-isa.
“Kasi yung iba, darating ang problema, matanda na sila.
“So for me, bata ka pa lang, humarap na ako ng mga problema—from my parents and now to my friends.
“Sa lahat ng nangyayari sa akin sa buhay, ayun, thankful ako, kasi ganito na ako tumayo ngayon.”
Walang moment na nagsabi siya na sana, hindi na lang ganito?
“Wala, ano lang, prayers lang na, ‘Lord, tulungan mo ako. Give me strength.’
"Ibinigay naman Niya nang husto.”
FAMILY’S SUPPORT. Sa klase ng trabaho mayroon ang mga artista, marami silang nakikilala, nakakasalamuha, nagiging kaibigan.
Pero kailan sa buhay ni Kim na nasabi niyang sa pamilya pa rin siya uuwi at sa pamilya pa rin siya humuhugot ng lakas?
Sagot ng Kapamilya star, “Sa akin, una, inspiration ko na ang mga kapatid ko. Kaya naman ako pumasok dito sa showbiz dahil sa kanila.
“And sa lahat ng mga nangyayari, wala ka talagang pagkakatiwalaan na tao kung hindi yung pamilya mo.”
Sa puntong ito ay hindi na napigilan ni Kim na mapaluha.
Dugtong niya, “And na-prove ko yun, kasi sa lahat ng nangyayari, nandiyan yung mga kapatid ko.”
Nasabi ng kapatid na lalaki ni Kim na tatapusin niya ang pag-aaral niya dahil pinaghihirapan iyon ni Kim. Masarap ba itong pakinggan?
Sabi ng young actress, “Oo naman, kahit paulit-ulit yun sa tainga ko, palagi niyang sinasabi, pero naiiyak pa rin ako.
“Kasi, natupad niya ang pangarap ko na hindi na katulad ng dati na, 'Makakapag-aral pa kaya tayo? Sino ang magpapaaral sa atin?'
“Kaya pinasok ko itong showbiz."
Nabanggit din ng isang kapatid niya na ano pa raw ba ang mahihiling nila gayong kapatid nila ang isang Kim Chiu.
Lumuluhang sagot naman ni Kim, “Lahat naman tayo, gusto silang mabigyan ng magandang buhay. Lahat naman tayo, gusto yun.”
KIM AS A FRIEND. Bilang kaibigan, kumusta naman si Kim?
“Bilang kaibigan, hindi ako masyadong nagtitiwala sa isang kaibigan.
“Kung may pagkakatiwalaan man akong isang kaibigan, isa lang o dalawa lang. Kasi, I’m not used to having a friend.
“Kasi sa buhay ko, palipat-lipat kami ng lugar. Iba-ibang cities ako nag-aaral. So, I don’t usually have a best friend.
"Pero siyempre, bilang kaibigan, ibibigay ko sa iyo ang lahat, ikukuwento ko sa iyo ang lahat.
“I’ll treat you like a brother or a sister.”
Mula sa Tacloban, nanirahan daw sila sa Mindoro, General Santos, Cagayan, Cebu, at Manila.
Takot ba ang kay Kim na mag-invest sa isang kaibigan at pagkatapos ay mawawala rin?
“Siyempre, maa-attach ka sa mga kaibigan mo.
“Kaya after noong palipat-lipat na kami, I don’t usually have a best friend. Parang okay lang kahit wala.”
KIM AS A GIRLFRIEND. Bilang girlfriend, kumusta siya?
Sabi ni Kim, “As a girlfriend naman, siguro ibibigay ko ang lahat para kung maghiwalay, hindi ako nagkulang.
“Parang hindi ako yung mali, parang ganoon. At the end, hindi ko ginawa ito, hindi ko ginawa yun.
“So for me, kapag nag-love ako, ibubuhos ko na.”
Sa mga nangyari sa kanila ng ex-boyfriend niyang si Gerald Anderson, takot na ba siyang umibig muli?
“Hindi… dati oo… but now, sobrang tagal na noon,” sagot ni Kim.
Hindi naman ito nakaapekto sa kapasidad niya na magmahal muli?
“Hindi, pero yun nga, palaging nasa isip ko na everything happens for a reason.
“You won’t meet that person if he has no purpose in your life–—so he or she ‘yan.
“Kaya nangyari yun kasi you will learn a lesson.”
Ano ang lesson na nakuha niya pagdating kay Gerald?
“Ano ba yun? Siya talaga?” natatawang sabi ni Kim.
LESSONS IN LOVE. Pagdating na lang sa pag-ibig, ano ang natutunan niya?
“Pagdating sa pag-ibig, huwag mong pagsisihan lahat ng nangyari.
"Kasi, hindi naman, sa love, puro happiness, puro sadness.
“Yun nga ang sabi, it always has a lesson for you, sa buhay mo. Na parang after everything that has happened, heto na ako.”
RIFT WITH MAJA. Hindi naman lingid sa publiko ang nangyayari sa kanila ng dati niyang kaibigan na si Maja Salvador.
Nagkaroon ng alitan ang dalawa nang maugnay si Maja sa ex-boyfriend ni Kim na si Gerald.
Magkasama sila sa mga eksena sa primetime soap na Ina Kapatid Anak, gaano kahirap at paano nila nama-manage?
Sabi ni Kim, “Professionalism siguro, number one. And sa pagmamahal ko sa trabaho ko, kaya ganoon.”
Napatawad na ba niya si Maja?
“It’s easy to forgive,” makahulugan niyang sabi.
At dinugtungan ni Boy ng: “It’s hard to forget.”
Sinang-ayunan naman ito ni Kim.
Nakalimutan na ba niya?
“No,” mabilis niyang tugon.
Dugtong pa niya, “Siyempre madaling magpatawad, pero mahirap kalimutan yung ginawa nila.”
Nabanggit iyon ni Kim sa pagitan ng pagpigil ng kanyang luha.
Ayon kay Boy, marami kasing kabataan ang nagmamasid at humahanga sa katapangan ni Kim.
Sabi naman ni Kim, “Sila kasi yung weapon ko.”
Sa kabila ng lahat, nangangarap pa rin ba si Kim na magiging maayos ang lahat sa pagitan nila nina Gerald at Maja?
Sagot niya, “Oo naman, wala namang nangangarap ng hindi magandang buhay.
"Time will tell and, siguro, hindi pa ngayon.”
BIRTHDAY WISH. Ngayong birthday niya, ano ang dasal ni Kim?
“Prayer ko? For God to give me more strength para maitayo ko ang sarili ko and tinutulungan naman Niya ako, alam ko naman yun.
“Wala na, e. I’m so thankful and I’m so blessed na meron akong family na nagmamahal sa akin.
“Mga fans na binibigyan ako ng pagmamahal at suporta.
"At yung mga birthday bash nila para sa akin, ginagastusan nila, sobra akong nagpapasalamat.”
XIAN LIM. Natawa naman si Kim nang tanungin ni Boy if she and Xian Lim are officially together?
“Hindi ko masagot ‘yan, pero masaya ako na nandiyan siya.”
Is that another way of saying, ‘Yes, Tito?’
“Basta ano, thankful ako na nandiyan siya for me,” tugon ni Kim.
