Marami ang natuwa sa tuluyang paggaling ng singer na si Chad Borja mula sa kanyang pakikipaglaban sa sakit na cancer.
Ngayon, pagkatapos ng 15 years, ay masasabi na ni Chad na siya ay isang "cancer survivor."
“I’m back and thank God, I am cancer-free.
“I thank the Lord for giving me this new life and a chance to go back fully to my first love, which is singing.
“Marami na akong na-miss while I was going through my ordeal. This time, babawi tayo,” sabi ni Chad nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa The Jon Santos Show na ipinapalabas sa Viva Channel.
HEARTTHROB IN THE '90S. Sa mga hindi nakakakilala kay Chad Borja—whose real name is Quintin Singson—sumikat siya noong early ‘90s dahil sa kanyang hit single na "Ikaw Lang," na hanggang ngayon ay pinapatugtog pa rin at itinuturing nang isang OPM classic.
Naging in-demand singer si Chad dahil bukod sa maganda ang kanyang boses, guwapo ito at isa sa mga ikinunsiderang sex symbol ng dekadang ’90.
Naging matindi rin ang rivalry ni Chad noon kay Ariel Rivera, na kilala sa bansag noon na “Kilabot ng mga Kolehiyala.”
Laging puno ng mga tao ang mga pinagdarausan ng mga shows ni Chad, tulad ng Cosmo Bar sa Greenhills at Versomina sa Makati.
CHAD'S ORDEAL. Sa gitna ng kasikatan ni Chad ay bigla siyang na-diagnose with thyroid cancer noong 1998.
Kuwento niya, “I was with Kuh Ledesma at meron kaming series of shows sa US that time.
“Ako kasi, health buff ako. I would jog every morning and do my exercise.
“That particular day, hindi ko maintindihan kung bakit hinang-hina ako. Hindi pa ako nag-i-start tumakbo ay parang pagod na pagod na ako.
“I thought na baka dala lang ito ng pagod dahil sa rehearsals namin.
“Tapos pagdating ng gabi, para akong nilalagnat. Nilalamig ako.
"Never akong nakaranas ng ganung lamig sa katawan ko.
“Then I felt a small lump sa throat ko.
“Noong una, hindi ko pa muna pinansin dahil gusto ko munang tapusin ang shows namin ni Kuh sa US.
“Pagkatapos na lang ng lahat, I would have myself checked when we get back home to Manila.”
Pagbalik ni Chad sa Manila, through the recommendation of his doctor in Cebu, nagpa-checkup siya sa Cardinal Santos Hospital.
Doon nadiskubreng mayroon siyang cancer.
“Hindi pa nila sinabi agad na may sakit ako.
“I went through some tests muna until the doctor called me in sa clinic niya.
“There, he said it to me straight that I have thyroid cancer.
“Parang hindi pa ako makapaniwala na may ganun akong sakit.
“But the doctor said that yung type ng cancer ko was curable kung maooperahan ako kaagad.
“Then there are treatments that I will undergo to make sure that the cancer will not spread.
“Nagpasalamat ako na may pag-asa pang gumaling.
"But the very fact na sinabihan ka ng may cancer, iba ang pakiramdam—parang nag-iba ang lahat para sa akin.”
Delikado ang gagawing operasyon kay Chad sa kanyang lalamunan. Magkamali lang daw sa operasyon ay maaapektuhan ang kanyang boses.
LOSING HOPE. Inamin ni Chad na muntik na siyang mawalan ng pag-asa noon.
Saad niya, “Hindi ko alam ang mangyayari after the operation.
“It’s either I still have a voice or mawawala na ito.
“I kept praying that all goes well. Alam naman ng Diyos na bata pa lang ako, ang pagiging singer na ang gusto kong marating.”
Naging successful naman ang operasyon ni Chad at pagkatapos nito ay dumaan siya sa radiation treatment.
“Yun ang mahirap kasi nalagas ang mga buhok ko. Tapos naging dry ang mga balat ko. And I lost so much weight.
“But all through that, tiniis ko ang lahat ng ‘yan dahil alam ko na babalik din ako sa pagkanta.
“Hindi ko lang alam kung kailan, pero dasal lang ako nang dasal that I will soon get back to singing.”
Matagal ang naging paggagamot ni Chad kaya bumalik muna siya sa Cebu kasama ang kanyang pamilya.
Nagpapasalamat si Chad na naging very supportive ang kanyang asawa, na laging nasa tabi niya noong nagpapagamot siya.
Aniya, “If not for my family, baka tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.
“May dahilan pa kung bakit ako gumaling and that is for my family.
“They motivated me to be strong and they made things better for me.”
CANCER SURVIVOR. Ngayon, after 15 years, ay sinabihan na siya ng kanyang doktor na magaling na magaling na siya.
Nabasa raw ni Chad ang libro ng isa ring cancer survivor, ang Tour de France champion cyclist na si Lance Armstrong. Doon daw siya na-inspire na pagbutihan ang kanyang second chance in life.
“Noong twelfth year ko nga ng treatment, things were looking good na. But my doctor wanted to be sure na okay na lahat.
“He gave me permission na to work, pero kailangan maging maingat pa rin ako. I was still under medication.
“I was already doing shows. Gusto ko na kasing masanay ulit ang boses ko sa pagkanta.
“Unti-unti, I was getting back the groove. Medyo maingat pa rin ako since I was still recovering.
“Until dumating nga ang fifteenth year at sinabihan na ako ng doctor ko na I’m cured.
"I’ve survived the Big C!” nakangiting sabi ni Chad.
CHANGED FOR THE BETTER. Nasabi nga ni Chad na, in a way, nagpapasalamat siya na nagkaroon siya ng sakit dahil kung hindi dahil sa cancer ay hindi magbabago ang buhay niya.
“Cancer changed my life for the better.
“Imagine, nandoon ka na sa peak ng iyong career, tapos biglang mangyayari iyon.
“It opened my eyes to so many things that I literally took for granted.
“Sinabi ko nga, e, kung hindi cancer ang tatapos ng buhay ko, baka ibang bagay pa ang gumawa no’n.
“Before kasi, I will admit, abuso ako sa katawan ko.
“Lahat yata ng hindi magandang bisyo ay ginawa ko na noong kasikatan ko—sigarilyo, alak, babae... you name it. Excessive lahat.
“Kaya natigil lahat iyon noong magkasakit ako.
“Kung hindi pa ako nagkaroon ng cancer, baka nasira rin ang buhay ko dahil sa mga pinagdaanan kong mga bisyo.
“Kaya nga, may purpose si God kung bakit binigyan Niya ako ng pagsubok sa buhay.
"Naintindihan ko lahat iyon and I am thankful for what happened to me."
VIVA TALENT. Kamakailan lang ay pumirma si Chad ng managerial contract with Viva Artist Agency. Nais i-revive ni Viva big boss Vic del Rosario ang singing career ni Chad.
Kuwento ni Chad, “Matagal ko nang kilala kasi si Boss Vic. Napapanood niya ako noon pa sa mga shows ko sa Cosmo Bar.
“Noon pa man, gusto na niya akong kunin sana for Viva Records.
“Pero that time, may iba akong manager and I was with another recording company na.
“But we retained our friendship through the years and nakakatuwa nga na ngayon ay manager ko na siya after almost twenty years in the business.”
Marami raw gagawing shows si Chad at magkakaroon siya ng bagong album.
Gusto ni Chad na matuloy ang dati pa niyang collaboration with Japanese songwriter/producer Yutaka Yokokura.
Nasimulan na raw niya ang pakikipag-usap dito noong 1998 bago pa siya nagkasakit.
“Yutaka produced one of my albums in 1998 [Show Me The Way]. Pero that was the time that I was already diagnosed with cancer.
“Hindi masyadong na-promote yung album because of my situation at that time.
“Now that everything is going well, nakipag-meet uli ako with Yutaka and we might come up with a good comeback album.”
Napansin din si Chad na ibang-iba na ang music scene ngayon.
Bago siya nagkasakit ay mabentang-mabenta sa record stores ang CDs ng OPM singers.
Ngayon kasi ay iba na ang sitwasyon dahil libre na ngang maida-download ang mga music gamit ang Internet.
Saad ni Chad, “Many things have changed talaga. Sinabi nga sa akin na survival of the fittest na sa local music scene.
“Iba ang nagawa ng Internet. Noong panahon ko kasi, wala pang mga ganyan . People really go out and buy music.
"Ngayon, one click lang sa isang website, meron ka na.
“But I am still hopeful that people will support OPM music.
“Musika natin ito and we need the support of every Filipino out there.
“And I hope that they will support my upcoming album.
“Sana nandiyan pa ang mga dati nating fans. I just want to let them know that I am back and I am doing very well.”
