Sa mismong rancho ng pamilya ng Kapuso talent na si Carlo Gonzalez sa Ibaan, Batangas ginanap ang pictorial ng ilang contract stars ng PPL Entertainment Inc. noong nakaraang linggo.
Bahagi rin si Carlo ng PPL na pinamamahalaan ng talent manager na si Perry Lansigan.
Ang Rancho Gonzalez, na sa lawak ay hindi na halos maabot ng tanaw ang dulo nito, ay nagsisilbing pahingahan ng pamilya nina Carlo.
Kuwento ni Carlo sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Ito yung family rest house namin.
“Actually, ang original plan was for my dad… stable for the horses kasi horse enthusiast ang dad ko.
“Yun lang talaga, pero naisipan niya na since malaki naman ang lote, magtayo na ng parang rest house.
“So, nandito kami kapag weekend, yung ganun.”
Pero dati raw iyon na halos every weekend ay nasa rancho sila. Pero ngayong busy na ang karamihan sa pamilya nila, kaya kapag may oras o okasyon na lang sila nakakapunta rito.
Kumpara sa kanyang daddy, si Carlo raw ay wala masyadong hilig sa kabayo. Ang Kuya Eddie Boy lang daw niya ang nagmana sa hilig ng kanilang ama.
“Siya ang kuya ko na namamahala rito. Dito na rin siya nakatira with his family.
“So, siguro siya na ang pinakamahilig among everyone.”
Ayon pa sa Kapuso talent, lima silang magkakapatid sa kanyang ama at ina, pero lahat-lahat daw ay nasa labindalawa raw silang magkakapatid.
Pang-karera raw ang mga kabayo ng daddy niya.
Sabi pa niya, “Yung iba, medyo wild horses. Hindi mo siya masyadong malalapitan without supervision.
“Hilig lang talaga ng dad ko.”
PPL SHOOT. Ideya ba ni Carlo na sa rancho nila mag-shoot ang PPL talents?
Kuwento ni Carlo, “Tinawagan ako ni Perry, sabi niya, kung puwede rito.
“Ipinaalam ko sa dad ko, okay lang naman.
“Nag-shoot na rin naman dito si Dong [Dingdong Dantes, his cousin] for pictorial, so okay lang naman.”
Palagi bang nasa rancho nila si Dingdong?
“Well, actually, kaming magpipinsan, si Art [Arthur Solinap], palagi kaming nandito.
“Lalo na noong nagawa na ang expressway, kapag wala kaming magawa minsan, isang yaya lang, okay na. Parang Tagaytay lang ang layo.”
BUENA FAMILIA. Dahil may sarili silang rancho, ibig sabihin nito ay mayaman pala talaga siya?
Natawa naman si Carlo at sinabing, “No, hindi ako, ang daddy ko—ako hindi.”
Dahil anak siya ng daddy niya kaya mayaman din siya.
“Hindi, nakikiano lang ako, just enjoying the pleasure of being the son of my father,” sabi naman ni Carlo.
So, okay lang pala kahit hindi na siya mag-artista?
Sagot niya, “Well, like I’ve said before, yung pag-aartista ko ay hindi naman yung means na kumita.
“It’s my passion and this is what I love to do.
“Kung yung means na monetary, hindi siya ang priority.
“Meron pa rin namang ibang napagkukunan ng funds, so to speak.”
CHEF CARLO. Graduate si Carlo ng Culinary Arts at may sarili rin siyang restaurant. Napapakinabangan pa ba ni Carlo ang pagiging chef niya?
Sagot niya, “Napapakinabangan ko naman kasi may knowledge ako, like sa kung ano ang dapat kong kainin.
“Like sa diet ko, kung kailangan kong mag-diet, alam ko ang dapat kong kainin at alam ko ang dapat kong lutuin.
“Kung sabihin natin na may intimate gatherings at mag-i-invite ka ng guests, pero ayaw mo naman silang pakainin ng mga take-out, alam ko mag-entertain kumbaga.
“Pero the business of it, to practice it talaga, hindi ko na-pursue.
“Siguro, ultimately, gusto kong magkaroon ng restaurant of my own na yung foods ko, yun talaga.
“Pero yung magtse-chef ako seven days a week, nasa kusina ako, hindi ko yata kaya yun.”
Pero gusto niya talaga ang pagluluto?
“Gusto ko talaga. I love foods and yung creative side of it, yun ang gusto ko.”
Gusto rin ba niyang magkaroon ng cooking show? Sa built ng katawan niya, puwede siyang maging “sexy chef.”
Natatawang sabi naman ni Carlo, “Yes, why not? Like si Chef Boy Logro, idol ko ‘yan.
“Ako talaga, bilib ako sa kanya. Hindi pa siya sikat, parang nakasama ko siya.
“Medyo napakilala na siya sa akin at very down-to-earth talaga.
“Magaling talagang magluto.”
Ang training daw niya ay French traditional way of cooking.
“Kahit ano siguro kaya kong lutuin.”
BUKOD KANG PINAGPALA. Napapanood ngayon si Carlo sa afternoon soap ng GMA-7 na Bukod Kang Pinagpala.
Masaya raw si Carlo sa serye niyang ito.
Lahad niya, “Natutuwa ako dahil napasama ako sa Bukod Kang Pinagpala dahil parang ang light sa set.
“Kapag trabaho, trabaho kaagad and nakaka-inspire magtrabaho dahil ang huhusay ng mga kasama ko.”
Ginagampanan dito ni Carlo ang papel ni Oscar, ang best friend ni Mark Anthony Fernandez.
Ano ang challenge ng role sa kanya bilang “best friend” muli ang karakter niya?
Sabi ni Carlo, “Well kasi, ang ikinaiba nito sa mga past roles ko na best friend, mas vital siya sa story kasi may kinalaman sa kaguluhan.
“Siya yung parang isa sa nag-suggest na gawing sikreto ang bata at relationship.
“Siya rin yung mediator. Parang meron siyang say.
“Masaya ako bukod sa mataas ang rating, maganda rin ang feedback pati sa aming mga supporting cast.”
Bukod sa afternoon soap niya, natapos na ring gawin ni Carlo ang pelikulang The Bride and The Lover.
May love scene ba siya sa pelikula?
“Yes, may love scene with Jennylyn [Mercado] at kung anu-ano,” nakangiting sabi niya.
Masaya ba si Carlo sa itinatakbo ng kanyang carrer?
“So far, oo, wala naman akong masasabi.
“Kasi, tuluy-tuloy ang projects. Paganda nang paganda ang exposures, yung role, mas nakikilala.
“Parang mas unti-unti akong nakokonsider, na puwede nating bigyan ng ganitong role. Mas nakikita ang potential.”
RELATIONSHIP WITH LUANE. Samantala, mas tumitibay raw ang relasyon nila ng girlfriend niyang si Luane Dy.
Ano nga ba ang sikreto nila?
“Well, ano naman, wala namang complication. Wala namang mga issues about anything, walang mga drama…
“Well, siguro nagkakaroon din naman, pero hindi na namin pinapalaki para wala nang drama.”
Dumaan din ba sila sa cool-off stage?
Sabi ni Carlo, “Hindi kasi ako naniniwala dun.
“Feeling ko lang, kung dumating man ang panahon na yun, when that time comes na feeling mo kailangan ninyo ng cool-off, hindi mo na dapat i-pursue.
“Kumbaga, what for, di ba?”
