PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

12 senatorial candidates face off on divorce, political dynasty and other issues in ABS-CBN's Harapan 2013

12 senatorial candidates bravely stepped forward and faced questions from a panel and the audience on relevant issues such as RH Law, political dynasty, educati
by Mark Angelo Ching
Published Apr 28, 2013
Ang mga dumalong kandidato sa Harapan 2013 noong April 21 sa La Consolacion College, Manila: (Top; L-R) Jun Magsaysay Jr., Sen. Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Ernesto Maceda, Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn, Rep. Teddy Casiño; (Bottom; L-R) Rizalito David, Atty. Marwil Llasos, Ramon Montaño, Mitos Magsaysay, at JC delos Reyes.

Walang alinlangang humarap sa publiko ang labindalawang kandidatong tumatakbo sa pagka-senador sa Harapan 2013: The Senatorial Debate ng ABS-CBN.

Naganap ang paghaharap noong Linggo ng gabi, April 21, sa La Consolacion College, Manila.

Dumalo rito sina Bam Aquino, Risa Hontiveros, Jun Magsaysay Jr., at Sen. Koko Pimentel ng Team PNoy; Ernesto Maceda at Rep. Mitos Magsasay ng United Nationalist Alliance; Rep. Teddy Casiño ng Makabayan; JC delos Reyes, Rizalito David, at Atty. Marwil Llasos ng Ang Kapatiran Party; at ang independent candidates na sina Mayor Edward Hagedorn at Ramon Montaño.

Isa nang tradisyon ng public affairs department ng Kapamilya Network ang Harapan, at pamilyar na ang manonood sa mala-fiestang format nito. Kahit malalim na ang gabi ay buhay na buhay ang lugar dahil sa tunog ng tambol, tribal dancers, at pati na rin ang mausisang live audience.

Si Ted Failon at Doris Bigornia ang naging mga host ng programa. Kasama naman sa mga panelists ang mga ABS-CBN news anchors na sina Lynda Jumilla, Tony Velasquez, at Prof. Prospero De Vera, University of the Philippines Vice-President for Public Affairs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Ilan sa mga isyung tinalakay ng mga kandidato ay ang divorce, political dynasty, RH Bill, at iba pa.

Narito ang ilan sa highlights ng Harapan.



“SER CHIEF” STEALS THE SHOW. Tanging si Jun Magsaysay, Jr. lamang ang nagdala ng kanyang celebrity endorser sa Harapan, sa katauhan ng Kapamilya star na si Richard Yap, na mas kilala bilang Papa Chen o Sir Chief.

Marami man ang natuwa sa pagdalo ng lalaking artista sa debate, marami rin ang nagtaka sa tahasang pagbanggit ni Magsaysay sa kanya. Sa kanyang closing remarks ay ipinakita pa nga niya ang suot niyang T-shirt na may larawan ni Richard Yap.

Sinubukan ng PEP.ph na makakuha ng panayam kay Richard Yap ngunit tumanggi ito.



POLITICAL DYNASTY AND BAM. Isa si Bam Aquino sa mga pinaka-interesanteng kandidato sa eleksiyong ito, dahil sa pagiging kamag-anak ni Pangulong Noynoy Aquino.

Nakababatang kapatid ni Benigno “Ninoy” Aquino Jr., na ama ni PNoy, ang ama ni Bam na si Paul Aquino, kaya magpinsang-buo sina PNoy at Bam.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Kaya naman hindi na maiiwasang itanong sa kanya lagi ang mga isyu tungkol sa kanyang pagiging Aquino, at tungkol sa political dynasty.

Sa isyu ng paggamit umano ni Bam sa kanyang mga kamag-anak para sa kampanya, binanggit nitong hindi rin naman matatawaran ang kanyang track record at mga achievements.

Sa isyu naman ng political dynasty ay si Bam lamang ang hindi nagsabing dapat itong pigilan. Ayon sa kanya, dapat na ito bigyang kahulugan sa batas para hindi mapigilan ang mga may balak umanong magbigay serbisyo na kabilang sa political dynasty.



AFFORDABLE ANNULMENT. Isa pa sa mga isyung tinalakay ng lahat ng mga kandidato ay ang divorce.

Sa 12 kandidato ay dalawa lamang ang sang-ayon dito: sina Edward Hagedorn at Risa Hontiveros.

Ayon kay Hagedorn, dapat nang ipasa ang divorce dahil meron na namang annulment. Ayon naman kay Hontiveros, nararapat lamang na magkaroon na nito para maprotektahan ang mga babaeng may asawang pisikal na nanakit sa kanila.

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

Para naman sa natitirang kandidato, dapat pigilan ang divorce dahil sa makasisira ito ng pamilya.

May ilan naman nagsabing dapat na lamang na palawakin ang sakop ng annulment, o kaya ay gawing mas abot-kaya ito para sa mahihirap.



PEACE OFFERING. Sa isang bahagi ng Harapan ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga kandidato na tanungin ang isa't-isa.

Ang naging pinakamainit na debate sa lahat ay ang nangyari sa pagitan nina Risa Hontiveros at Rizalito David ng Ang Kapatiran Party.

Kilalang tagapagsulong ng kontrobersyal na RH Bill si Hontiveros, samantalang kilalang kritiko nito si David at ang kanyang partido, na aminadong may pagkarelihiyoso.

Sa simula ng kanilang debate ay nag-abot ng prayer card si David kay Hontiveros bilang peace offering umano nito, dahil lagi't lagi na silang nagkakainitan dahil sa isyu ng RH Bill.

Gayunpaman, ang tanong pa rin ni Hontiveros kay David ay ukol sa RH Bill. Tinanong ni Risa kung mas pipiliin ba ni David ang isang pro-RH na kandidatong hindi corrupt, o isang anti-RH na kilalang corrupt.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

Marami ang nagulat sa sagot ni David dito. Ayon sa kanya, ang mga pro-RH umano ay anti-life, kaya naman hindi na maaasahan ang mga itong gumawa ng mabuti.



COMIC RELIEF. Kahit na naging mainit ang ilan sa mga harapan ay hindi pa rin naging mabigat ang pakiramdam ng mga nanood. Ito ay dahil may mga kandidato na nagbigay ng comic relief.

Isa na rito ang independent candidate na si Ramon Montaño, na dating chief ng Philippine Constabulary.

Mabagal kasi siyang magsalita at mag-isip, kaya naman lagi siyang nauubusan ng oras para sumagot.

Mabuti na lamang ay naging mabait ang host na si Ted Failon. Sa isang pagkakataon ay hinayaan niyang tapusin ni Montaño ang kanyang sagot kahit tapos na ang time limit.

Muling mapapanood ang Harapan 2013: The Senatorial Debate sa ANC sa Abril 27, 10:30 PM at Abril 28, 1 PM. Magkakaroon naman ng second round ng Harapan 2013 para sa iba pang senatorial candidates sa Abril 28, 9:45 PM.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓
Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Ang mga dumalong kandidato sa Harapan 2013 noong April 21 sa La Consolacion College, Manila: (Top; L-R) Jun Magsaysay Jr., Sen. Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Ernesto Maceda, Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn, Rep. Teddy Casiño; (Bottom; L-R) Rizalito David, Atty. Marwil Llasos, Ramon Montaño, Mitos Magsaysay, at JC delos Reyes.
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results