Kaugnay ng pagpapalit ng manager ni Marian Rivera ay marami ang interesadong malaman kung hindi ba maaapektuhan nito ang kanyang kontrata sa GMA-7
Ano ang mangyayari sa nalalabing kontrata niya sa Kapuso network gayong si Popoy Caritativo pa ang manager niya nang pumirma siya rito?
Sabi ng aktres, “Hindi pa namin 'yan napag-uusapan, pero uupuan namin 'yan ni Tatay [Tony Tuviera, her new manager] at ng team ng Triple A. Pag-uusapan namin ang detalye.
"At siguro, hihingi rin kami ng isang araw para makausap namin si Popoy at kasama ang team namin.”
Kasunod nito ay tinanong na rin si Marian kung sa paglipat ba niya sa Triple A Management ay posibleng lumipat na rin siya ng ibang network.
Sabi niya, “Actually, may kontrata pa ako sa GMA, by August 'yan.
"Pero hindi ko sinasarado ang pintuan ko sa ibang network.
"Dahil nga sa sinasabi kong freedom e gusto kong mag-try ng iba't ibang klase ng hindi ko pa nagagawa.
"Pero ngayong may kontrata pa ako sa GMA, e, ayoko naman pong magsalita.
"Sa August po, magkita-kita tayo kung saan ako pupunta," pambibitin niya pa sa press.
May kinakausap na ba sila mula sa ibang istasyon?
Sabi ni Marian, "Noong manager ko pa si Popoy, nasabi niya 'yan sa akin na meron talagang lumalapit.
"Pero ngayong hindi na ako kay Popoy, ipapaubaya ko na kay Mr. T."
Kung siya ang masusunod, may napipisil na ba siyang network na gusto niyang pagtrabahuhan?
Nakangiting sagot ni Marian, "Ang hirap naman po ng tanong ninyo.
"Hanggang August pa po ang kontrata ko sa GMA at bilang respeto po sa GMA, e, GMA muna po ako."
INSTAGRAM ACCOUNT. Samantala, ibinalita naman ni Marian sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang miyembro ng media na nagbukas na siya ng kanyang sariling Instagram account, isang photo-sharing website.
"May Instagram na ako ngayon para malamn ninyo. Sundan ninyo ako—therealmarian.
"May picture na, nag-post na ako kanina.
"Isa-isa muna at medyo syongaers. Hindi ko pa alam.
"Natatakot akong mag-post ng mga salita at baka ma-wrong spelling.
"Medyo, 'Hay, ito bang picture na ito, ie-edit ko, pagagandahin ko ba?
"Nakakatuwa kasi for seven years, ngayon lang ako nagkaganito."
Ang kanyang Instagram account ang kauna-unahang social-networking site na sinalihan ni Marian. Wala pa rin siyang Twitter at Facebook accounts.
Hindi ba siya nagpaturo sa kasintahan niyang si Dingdong Dantes tungkol sa paggamit ng Instagram?
Sabi ni Marian, "Actually, yun nga ang dahilan.
"Nagpatulong ako sa kanya, sabi niya, 'Tingnan mo ha, ila-like kita.'
"After isang oras, ilan na likes ko, nasa thousand na dahil finallow [followed] niya ako."
Nagkatawanan naman nang may magsabi kay Marian na yun pala ang problema nito—ang Instagram. Sa loob kasi ng pitong taon ay pinagbawalan siya ni Popoy na gumawa ng accounts sa anumang social-networking sites na maaaring pagmulan ng bashers.
Tatawa-tawang sagot naman niya, "Hindi naman. Naiintindihan ko naman si Popoy sa mga ganyang bagay na pinoprotektahan niya ako.
"Alam niya kasi na madali akong mag-react sa mga bagay-bagay.
"Hindi ko masisisi si Popoy na minsan, naiilang siya na pagganyanin ako at naiintindihan ko lahat 'yan.
"Thankful ako sa lahat ng ginawa sa akin ni Popoy."
Nakahanda na ba siya sa mga bashers?
"Bashers? No! Delete!
"Tinuruan na akong mag-delete saka block, nakalagay... report abuse!
"Kaya kayo, kung gusto ninyo akong sundan, huwag nang mag-hate-hate diyan."
Si Popoy ba ay pina-follow na siya sa Instagram?
Nakangiting sabi ni Marian, "Ay, ipa-follow ko siya."
Nagkatawanan naman nang may magbirong "iba-block" daw siya ng dating manager.
Sabi ni Marian, "Feeling ko naman hindi, kilala ninyo naman si Popoy, love ako noon.
"Seven years... pero siyempre, kung anuman ang mangyari sa buhay namin, irerespeto ko yun."
