Cristina Decena on ex-husband Ariel Villasanta: “Kahit gusto niya pa, ayoko na rin! Kasi tapos na. Naka-move on na ako.”

Cristina (shown in photo with Ariel Villasanta) on Mommy Elvie: “Siya yung kakuwentuhan ko lagi. Madalas ko siyang tawagan. Siya yung nasasabihan ko ng mga problema ko. Nahihingan ng payo. Recently nga, tatawagan ko siya sana para kuwentuhan ng nangyari sa akin buong maghapon. Nakalimutan ko na patay na pala siya. Nung naisip ko na patay na pala, bigla akong iyak nang iyak.”


More than two months na ang nakakaraan mula noong pumanaw si Mommy Elvie Villasanta, ang bida sa reality comedy show na Mommy Elvie@18 na umere ng tatlong season sa GMA News TV 11.

Pero madalas ay nakakalimutan daw ng celebrity businesswoman na si Cristina Decena na wala na ang kanyang itinuturing na parang tunay na ina.

Si Mommy Elvie kasi ang ina ng TV host at comedian na si Ariel Villasanta na nakarelasyon dati ni Cristina. Tiyahin din ito ng Eat Bulaga! host na si Joey de Leon.

“Nami-miss ko talaga si Mommy Elvie. Naging very close kasi kami na parang tunay na mag-ina talaga,” panimula niyang bungad nang makakuwentuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon sa Raw Matters Café sa may West Avenue, Quezon City.

“Siya yung kakuwentuhan ko lagi. Madalas ko siyang tawagan. Siya yung nasasabihan ko ng mga problema ko. Nahihingan ng payo.

“Recently nga, tatawagan ko siya sana para kuwentuhan ng nangyari sa akin buong maghapon. Nakalimutan ko na patay na pala siya.

“Minsan yung… kung paano ka mabubuhay na wala na yung isang taong naging malapit sa puso mo, yun ang mahirap, e. Yung season din ng adjustment.

“Nung naisip ko na patay na pala, bigla akong iyak nang iyak. Sabi ko… wala na akong kakuwentuhan,” himutok niya.

NO COMMUNICATION WITH ARIEL. May communication pa ba sila ng ex niyang si Ariel Villasanta, ang TV host-comedian na anak ni Mommy Elvie?

“Wala na. Totally wala na.

“Nagkita lang kami nung last night ng wake ni Mommy Elvie,” saad ni Cristina.

Bakit nagdesisyon siyang huwag nang makipag-communicate pa kay Ariel?

“Wala. Kasi parang ano… ganun naman dapat, di ba?

“Kapag tapos na, tapos na. Huwag mo nang babalikan,” diin niya.

SPECIAL TRIBUTE TV SHOW. Naka-tatlong season din ang reality comedy show na Mommy Elvie@18 na tinampukan nga nina Mommy Elvie at Ariel na napapanood tuwing Sabado ng tanghali na GMA News TV 11.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May mga na-tape nang ilang episodes para sa fourth season nito pero hindi na raw nakumpleto ang mga ito dahil nanghina na nga nang husto hanggang na-confine na sa ospital at tuluyang pumanaw na si Mommy Elvie.

Si Cristina ang producer ng nasabing show.

Kamakailan ay naisipan nila ng kanyang production team pati ng director ng show na gumawa na lang ng isang tribute para kay Mommy Elvie mula sa mga raw, unaired episodes na ito; isang TV special na pang-Mother’s Day na mapapanood sa GMA News TV 11 pa rin sa May 4, Saturday, 11:00 AM to 12:00 NN.

“Marami kasi kaming mga ginawang magagandang eksena... na nakakapanghinayang kung hindi makikita ng tao,” patuloy niyang kuwento.

“Tapos marami ring nakakatawa. Kasi si Mommy Elvie kapag nagpapatawa, hindi pilit. Natural yung pagiging kuwela niya.

“At marami ring mga nakakaiyak na eksenang dapat makita ng mga taong nagmamahal sa kanya.

“Kung paano nag-suffer ang isang matanda habang nakikipaglaban sa breast cancer na hindi marunong dumaing gaano man ang hirap at sakit na pinagdaraanan niya.

“Gusto niya laging masaya kahit in pain na siya. Iiyak lang siya kapag sobrang sakit na ng nararamdaman niya sa katawan niya.”

Alam naman daw ni Ariel ang tungkol sa tribute sa ina nitong si Mommy Elvie na pang-Mother’s Day Special nga sa GMA News TV 11.

“Nag-usap kami ng production staff tungkol dito. Tapos yung production staff, yung director, at si Ariel naman ang nag-usap.

“Tuwang-tuwa naman daw si Ariel. Nakipag-cooperate naman siya.

“Kasi may mga ilang interview din si Ariel para maidugtong yung show. Tapos yung mga videos na kuha sa wake ni Mommy Elvie hanggang sa pag-cremate, ipinahiram naman niya.

“Tapos nandun din ang iba nilang kaanak gaya nina Joey at Keempee de Leon na nagsulat pa ng mga messages para kay Mommy Elvie.

“Nakakatuwa kasi lahat ng mga nagmamahal sa kanya, ipinakita kung gaano siya kamahal.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Okey naman kami ni Ariel kahit wala nang communication. Huling pag-uusap naming yung sa wake ni Mommy Elvie na pati mga anak ko kinukumusta niya.

“Civil naman kami sa isa’t isa. Kaya lang para ibalik pa yung mga nakaraan, huwag na. Dapat kasi move on na, e. Di ba?

“Pero magkaibigan pa rin kami. Sabi nga niya, nandiyan lang daw siya lagi kung may maitutulong daw siya sa akin o sa mga anak ko.

“Ako rin naman, kung may maitutulong ako sa kanya, bukas pa rin ang pintuan ko palagi.

“Pintuan ng pagtulong, ha! Hindi pintuan ng puso,” tawa ulit ni Cristina.

HAPPILY SINGLE. Maaliwalas sa ngayon ang aura ni Cristina. Happy raw kasi siya right now.

May bago siyang special someone na nagpapasaya sa kanya?

“Wala,” sabay ngiti niya.

“Sobra akong ano… sobra akong dalang-dala na.

“Puwede ka rin naman palang masaya na na ang kasama mo lang ay ang mga anak mo. Tapos happy ka naman sa takbo ng mga business mo.”

May mga nagpaparamdam daw na gusto siyang ligawan. Karamihan daw sa mga ito ay mga showbiz individuals.

“Pero parang sobrang napapaso na ako kapag showbiz!” sabay tawa niya.

“Sabi ko… siguro, maganda yung kagaya ko na lang na negosyante rin. Di ba?

“Pero siguro dapat, pahinga muna. At saka dapat talaga lahat, pag-aaralan.

“Iyon ang natutunan ko sa buhay— na dapat, hindi pala nagmamadali.

“Kailangang lahat pinag-iisipan munang mabuti. Pinag-aaralan muna,” sabi niya.

NEW TV SHOW. Tuluy-tuloy pa rin daw ang pagpu-produce niya ng TV shows. By June ay magsisimula na raw umere sa GMA News TV 11 ang I Do na magpi-feature ng iba’t ibang klase ng unique na wedding at mga pambihirang kuwento ng mga relationships.

“May mga celebrities din kaming ipi-feature. Bukod sa mga pangkaraniwang mga tao na may kakaibang seremonya ng kasalan at pagmamahalan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang maganda sa show na ito, may mga aral na mapupulot. Lalo pagdating sa mga relationships nga na may mga na-overcome na problema.

“Yung buong detalye ng show na ito, hindi ko pa maisi-share. Siguro sa susunod na lang natin na kuwentuhan ulit.

“Basta magsisimula itong mapanood first week of June, every Saturday, 11:00 AM to 12:00 NN sa GMA News TV 11 din.

“Hindi na part ng production nito si Ariel. Sa Mommy Elvie@18 kasi, yung AVP [Ariel Viullasanta Production] ang ginamit ko. Dito sa bagong show na I Do, yung sarili ko nang CBC [Cristina B. Castillo] Production na.”

DEFINITELY NO RECONCILIATION WITH ARIEL. Nagsasalita na nang patapos si Cristina. Malabo o imposible na raw talagang magkabalikan sila ni Ariel.

“Kahit gusto niya pa, ayoko na rin! Kasi tapos na. Naka-move on na ako.

“At saka masaya na ako ngayon. Masaya na ang buhay naming ng mga anak ko ngayon.

“Kahit may mga gustong manligaw, parang hindi ’yon ang priority ko sa ngayon,” panghuling nasabi ni Cristina.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN