Ang Kapamilya actress na si Iza Calzado ang isa sa mga awardees para sa Dekada Award: Gallery of Distinction sa kakatapos na 10th Golden Screen Awards for Movies ng Entertainment Press Society.
Isa si Iza sa nanalo nang dalawang beses sa loob ng sampung taon sa Golden Screen Awards.
Ang una ay bilang Breakthrough Performance by an Actress noong 2004 para sa pelikulang Milan at sa pelikulang Dukot bilang Best Performance by an Actress in a Leading Role-Drama noong 2009.
Espesyal lang ngayong taong ito ang naturang kategorya ng Golden Screen bilang parangal sa mga past winners kasabay ng ika-isang dekada ng Golden Screen Awards for Movies.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Iza pagkatapos ng awards night sa Teatrino, Greenhills kagabi, April 27, itinanong namin kung ano ang pakiramdam na mabigyan ng Dekada Award.
Nakangiting tugon naman ni Iza, “Tama ang sabi ni Juday [Judy Ann Santos], ang lakas talagang maka-matanda. Yun talaga ang sinabi ko kay Noel [Ferrer, Iza’s manager] na ang lakas makamatanda, a. Pero, hindi na 'ko choosy.
“Wow, sabi ko nga sa speech ko, maihanay ka lang sa mga aktres na dekalibre talaga at hinahangaan at nirerespeto mo, malaking bagay na yun.
“At nagpapasalamat ako sa Entertainment Press dahil palagi nilang pinapahalagahan ang trabaho ko.
“Hindi ko alam nga—wala naman akong ginagawang special sa Enpress, pero talagang binibigyan nila 'ko ng love and support and damang-dama ko po yun, so, maraming-maraming salamat.”
Ang Breakthrough award ang unang napanalunan ni Iza sa Golden Screen at ngayon nga raw, ika-11 taon na ni Iza sa showbiz.
Kung tutuusin, hindi lang din siya sa Golden Screen nananalo ng awards, maging sa ibang award-giving bodies din sa loob lamang ng sampung taon niya sa showbiz.
Siguradong marami pang awards na puwede pa niyang masungkit?
“Harinawa, harinawa, “ ang nakangiti niyang sabi.
“Sana, mas maraming producers na magtiwala. Mas maraming oportunidad na dumating. Kasi, hindi naman ako mananalo ng award kung wala naman akong paghihirapan,” saad niya.
HAPPY WITH LOVE LIFE. Kitang-kita naman sa aura ni Iza na masaya ito ngayon maging sa personal niyang buhay. Sabi nga niya, sila pa rin daw ng boyfriend na si Ben Wintle.
Ayon kay Iza na natatawa, “Masaya, makulay—minsan pula, minsan blue, minsan pink. Iba-ibang kulay. Pangit naman kung isa lang.”
Wala pang planong kasalan?
“Wala, wala pa, bata pa 'ko,” nakangiti niyang sabi.
Kung tatanungin ang lagay ng buhay at puso niya ngayon, paano niya ilalarawan?
“Kuntento lang, kuntento lang ako. Happy and contented. Steady lang at hindi naman talaga ako nagmamadali. Talagang hindi ko naman kasi gustong ikasal nang bata. So, huwag niyo muna akong madaliin.”
THE BIGGEST LOSER. Sa ngayon, excited naman si Iza dahil malapit na raw talaga nilang simulan sa ABS-CBN ang taping ng The Biggest Loser kunsaan si Iza na nga ang magsisilbing host nito.
Kuwento nga ni Iza, “Hindi pa naman siya mapapanood agad, pero, sisimulan na namin. Kailangan kasi naming i-can yung first part ng show.
“Siyempre, hindi naman mangyayari na sa tatlong buwan, makaka-lose ng malaking amount ng body fat yung ating mga contestants.”
Gaano nga ba siya ka-excited sa show na ito?
“Sobra akong excited,” saad niya.
“Malapit ito sa puso ko.
“Ito ang pinagdaanan ko at isa itong malaking challenge para sa akin dahil hosting at ngayon ko lang talaga gagawin ang malaking responsibilidad ko sa isang show.
“Magandang oportunidad din na ibinibigay sa akin ng ABS-CBN para paghusayan ko ang kumbaga, talent... kung anuman ang meron ako sa hosting.”
IN THE FOOTSTEPS OF ATE SHAWIE. Ang Megastar na si Sharon Cuneta ang unang naging host ng naturang programa.
Maagap na sabi naman ni Iza, “Yes, at napakahusay niya.”
May pressure rin siyang nararamdaman na siya ang papalit kay Sharon bilang host?
Sabi naman ni Iza, “Lalo na noong pinapanood ko yung tape, sabi ko, ang galing ni Ate Shawie na mag-host. Klarong-klaro siya at alam niya kung saan papunta.
“Gagawin ko na lang po ang best ko at sana, magawa ko nang maayos. Basta gagawin ko ang best ko, at least, wala akong regrets.”
Sa tingin niya, magiging “personal” din siya sa mga contestants?
“It’s very personal kaya humanda na po kayo, siguradong iiyak ako palagi. At saka, nakakaiyak naman talaga, lalo na akong pinagdaanan ko pa,” pangwakas niyang pag-amin.
