Kim Rodriguez finally meets her biological father after 18 years

Lumaki si Kim Rodriguez na hindi niya kilala ang kanyang ama. Ngunit isang araw ay nagulat siya nang isang lalaki ang bumista sa kanyang bahay at magpakilala na siya raw kanyang ama.


Masayang-masaya ang bagong Kapuso leading lady na si Kim Rodriguez dahil sa magandang pagtanggap ng pinagbibidahan niyang afternoon drama series, ang Kakambal Ni Eliana.

Maganda ang ratings ng kanyang teleserye kaya doble ang sipag ni Kim at ng mga kasama niya sa show.

Sabi ni Kim, “Tuwing sasabihin nga po nila ang good news sa amin, lalo kaming sinisipag sa taping.

“Kasi nga po, kabadung-kabado kami noong umpisa dahil hindi namin alam kung tatanggapin po ba kami or hindi.

“Ngayon nga po, dahil sa mataas na ratings ng show, patunay lang na may audience kami at inaabangan nila ang mga episodes namin mula Lunes hanggang Biyernes.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kim sa taping ng Kakambal Ni Eliana sa Heroes Hill Subdivision sa Quezon City last May 10.

MEETING HER DAD. Sa likod ng kamera ay madrama rin buhay ni Kim.

Lumaki siya na hindi nakilala ang kanyang tunay na ama, pero noong labinwalong taon na siya ay nagpakilala ito sa kanya. Artista na raw siya noon.

Kuwento ni Kim, isang araw ay ginising siya ng kasama niya sa bahay dahil mayroon siyang bisita—na nagpakilala na siya raw tunay niyang ama.

“Nagulat talaga ako. Akala ko dyinu-joke lang ako. Pero tatay ko nga raw at hinahanap niya ako.

“Siyempre po, nahihiya akong humarap sa kanya.

“Kasi, never ko po talaga siyang nakilala. Ano ang puwede kong sabihin sa kanya, di ba?

“Pero naisip ko po na ama ko pa rin siya. Kung gusto niya akong makita, wala namang masama.

"Ipinagpasalamat ko pa na, heto, makikilala ko na siya.”

Inamin ni Kim na awkward ang feeling niya noong nagkaharap na sila sa wakas ng kanyang biological father.

“Pagkaharap ko sa kanya, nagmano po agad ako.

“Wala naman pong iyakan na naganap sa aming dalawa.

“Kinumusta lang niya ako at nagpakilala siya sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sinabi pa po niya na yung mga kapatid ko sa kanya ay nanonood daw ng Kakambal Ni Eliana. Gusto rin daw nila akong makilala balang-araw.

“Kahit na medyo awkward nga po, natuwa naman ako sa mga ikinuwento niya sa akin.

"At least sa maiksing oras na iyon, nakapag-usap kami at nakilala ko siya kahit papa’no.”

Gusto pa nga raw sanang makipagkuwentuhan nang matagal ni Kim, pero kailangan na niyang maghanda dahil sa may taping siya noong araw na iyon.

Wala naman daw hiningi sa kanya ang kanyang ama noong magpakita ito sa kanya. Pero kung sakaling humingi ito ng tulong, hindi naman daw niya iyon ipagkakait.

Sabi ni Kim, “Yun naman po ang turo ng mommy ko sa akin.

“Kahit ano pa ang nangyari, ama ko pa rin siya at irerespeto ko siya.

“Sinabi ko naman po na if ever na kaya ko siyang tulungan, lalo na sa mga kapatid ko, gagawin ko ang makakaya ko.”

Pagkatapos ng pagkikita nila ng kanyang ama ay hindi pa raw ulit ito nagpapakita sa kanya. Ni hindi nga raw nag-iwan ng anumang numero kung sakaling gusto niya itong kontakin.

Saad ni Kim, “Pakiramdam ko po ay parang nahihiya rin siya sa akin.

“Medyo awkward nga naman ang nangyari sa amin. Kasi nga after 18 years, doon lang siya nagpakilala sa akin.

“Sana naman, makilala ko pa siya nang husto at ang ibang mga kapatid ko sa kanya.”

SAVING FOR THE FUTURE. Dahil sa sunud-sunod na trabaho ni Kim, nakakapag-ipon na raw siya kahit paano. Iniingatan din daw niya ang kanyang mga kinikita.

Una raw na gusto niyang bilhin ay second-hand na sasakyan para magamit niya sa kanyang taping.

“Ngayon po kasi, yung service van ng GMA-7 ang ipinapagamit sa akin.

“Kapag may sapat na po akong ipon, isang second-hand na van po ang bibilhin ko. Para rin kasi sa work ko iyon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May mga locations po kasi kami sa Rizal at Cavite. Para may mapaglagyan ng mga gamit ko at may matutulugan ako kapag inaabot kami ng madaling-araw sa set.

“Kaya sa ngayon po, ipon lang ako nang ipon. Konting sakripisyo muna tayo.

“Nagpapasalamat lang po ako na meron tayong trabaho at unti-unting matutupad ang mga pangarap ko para sa pamilya ko.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN