Nancy Binay on current partial tally of votes: “Gusto ko ho talaga dun sa siguradung-sigurado.”

Hindi raw importante kay Nancy Binay kung panglima siya sa partial results ng May 2013 election at mas mahalaga raw ay pasok siya sa Magic 12.


Lumalabas na panglima ang senatorial candidate na si Nancy Binay sa unofficial at partial tally of votes with 11, 512, 371 votes as of May 14, 2013, Martes, sa ika-5:07 ng umaga.

Ito ay sa kabila ng maraming batikos kay Nancy, partikular ang hindi niya pagkakaroon ng karanasan sa lower government office.

Kung pagbabasehan ang pre-election results ng poll bodies, consistent ang pagiging pasok ng anak ni Vice-President Jejomar Binay sa top 5.

Sa final pre-election survey nga ng Social Weather Stations (SWS), nasa 3rd to 4th place nga si Nancy with 48 percent of voting preferences, ka-tie si Senator Chiz Escudero.

Sa Eleksyon 2013 ng GMA News and Public Affairs Special Coverage, noong Mayo 13, bago sumapit ang hatinggabi, nakapanayam nina Mel Tiangco at Mike Enriquez si Nancy via live feed.

“Ako ho’y nagpapasalamat at kahit papano po ay pumapasok ho tayo do’n sa Magic 12. Pero alam mo, Ma’am Mel, gusto ko pa ring hintayin yung official results ng Comelec para siguradung-sigurado na pasok ho tayo,” nakangiting simula ni Nancy.

Sumunod na tanong ni Mel ay kung ano ang nararamdaman ni Nancy ngayong tapos na ang kampanya at sinimulan na ang bilangan.

“Alam n’yo, Ma’am Mel, hindi na rin ho bago ang ganitong pinagdadaanan. Dahil tuwing eleksiyon ho, kapag may kapamilya ho ako na lumalaban e ganito din ho yung nerbiyos na nararamdaman ko ho,” tugon ni Nancy.

Bukod kay Nancy tumatakbo rin sa pagka-Mayor ng Makati City ang kapatid nitong si Junjun at para sa pagka-Konggresista naman ang kapatid ding si Abigail sa second district ng Makati. Nangunguna rin sina Junjun at Abigail laban sa kanilang mga katunggali.

Nang tanungin ni Mel si Nancy kung kinakabahan pa ba siya kahit na nasa panglimang puwesto siya sa bilangan, ang tugon ni Nancy, “Sabi ko nga ho sa inyo, Ma’am Mel, para ho sa akin gusto ko pa rin hintayin yung resulta ng Comelec.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kahit daw na lumalabas na malakas ang laban ni Binay sa pagka-Senador, diin niya, “Gusto ko ho talaga dun sa siguradung-sigurado.”

Sumunod ay tinanong siya ni Mike sa kung ano talagang ranking ang tinatarget ni Nancy sa pagtatapos ng bilangan.

“Kasi, Sir Mike, para ho kasi sa akin, ang importante ho makapasok lang ho sa Top 12, regardless of ranking, basta pasok dun sa Top 12,” ani Nancy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN