Wowie de Guzman recalls how breakup of loveteam with Judy Ann Santos affected his career: "Hindi madali para sa akin kasi mas na-identify talaga ako kay Juday."

Masama ang loob ni Wowie de Guzman sa mga “nawala” niyang kaibigan. Aniya: “Nakakalungkot mang aminin, pero masakit na bigla kang iiwan ng mga taong ito na inakala mo ay dadamayan ka sa panahon ng pangangailangan mo.”


Mahigit tatlong taon nang hindi aktibo sa showbiz ang dating miyembro ng Universal Motion Dancers at ka-loveteam dati ni Judy Ann Santos na si Wowie de Guzman.

Huling napanood si Wowie sa ABS-CBN primetime drama na Rubi, at kamakailan lang ay nag-guest siya sa The Little Champ.

Sa one-on-one interview ni Wowie sa The Jon Santos Show ng Viva Channel, nagkuwento ito tungkol sa kanyang mga pinagkaabalahan noong nawala siya sa showbiz ng ilang taon.

Pinaka-unforgettable daw kay Wowie ang tambalan nila ni Judy Ann.

Kuwento niya, “Yun ang masasabi kong pinakamasayang part ng showbiz career ko noon.

“Kasi from being a dancer, na madalas kaming mag-guest sa Eat Bulaga! at That’s Entertainment, nabigyan ako ng chance na magkaroon ng solo career at maitambal nga ako kay Juday.

“Yung Mara Clara ang pinaka-una kong drama series na ginawa, at nag-audition pa talaga ako para sa role na Christian.

“Tandang-tanda ko pa na kaya ako nakuha dahil natandaan ng isang taga-production ng show yung nunal ko sa mukha.

“Mukhang babagay daw ako na ka-partner ni Mara.

“Kaya doon nagsimula iyon, kaya nagkaroon ng Judy Ann-Wowie na loveteam.”


MOST POPULAR. Naging isa sa top loveteams noong ‘90s ang tambalan nila ni Juday.

Mahigpit nilang kalaban noon ay ang loveteam nina Angelu de Leon at Bobby Andrews sa GMA-7.

“Noong kapanahunan pa namin ni Juday, grabe ang mga fans talaga.

“Hindi ko akalain na aabot kami sa ganoong level ni Juday noon.

“Ako kasi, nasanay na ako sa mga tili ng fans kapag sumasayaw kami ng UMD sa Broadway Centrum noon.

“Pero mas tumindi noong nagkasama na kami ni Juday.

“Though may iba rin mga loveteams noon, tulad nga ng kina Angelu at Bobby, naging kaibigan naman namin sila.

“Nakasama namin ni Juday si Bobby sa pelikulang My Pledge of Love.

“Si Angelu naman, naka-partner ko siya sa Isinakdal Ko Ang Aking Ina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Healthy ang competition noon.

“Kahit na magkakaiba ang TV networks namin, nagkakasama naman kami sa ilang mga showbiz event.

“Mga friends kaming lahat noon talaga,” sabi pa ni Wowie.


BREAKUP OF LOVETEAM. Malaki ang naging epekto kay Wowie noong mabuwag na ang loveteam nila ni Juday.

Doon na naramdaman ni Wowie na pabawas na nang pabawas ang kanyang popularidad.

“Hindi ko naman maidi-deny na malaki ang nagawa sa career namin ni Juday… yung loveteam namin.

“Pero siyempre, dumating din ang time na kailangang mag-move on na kaming dalawa mula sa loveteam namin.

“Hindi na rin kasi nagwu-work dahil may iba nang nali-link noon kay Juday at meron ding ibang nali-link sa akin.

“Ayaw na rin naming maguluhan pa ang mga fans kaya naging desisyon na rin namin ni Juday na tuldukan na ang loveteam namin.

“Hindi madali para sa akin kasi mas na-identify talaga ako kay Juday.

“Si Juday, nakita ninyo naman, hanggang ngayon ay nandiyan pa siya at kahit na sino ang i-partner sa kanya ay tanggap ng marami.

“Siguro nga, hanggang doon na lang ang pagsasama namin ni Juday talaga,” diin niya.


STILL IN TOUCH. Ang maganda naman daw ay hanggang ngayon, kaibigan pa rin niya ang dating ka-loveteam.

Bukod kay Juday, ang mag-asawang Gladys Reyes at Christopher Roxas ang mga kinukunsiderang close friends pa rin ni Wowie.

“Yung samahan nga namin sa Mara Clara, hanggang ngayon solid pa rin.

“Silang tatlo ang tanging masasabi kong mga tunay kong mga kaibigan through thick and thin.

“Lalo na si Juday, akala ko noon after ng loveteam namin, tapos na. Pero nandiyan pa rin siya bilang kaibigan.

“Kahit na may sarili na siyang pamilya, maaabot mo pa rin siya.

“Tulad nga rin nila Gladys at Chrisopher, makaasa ka ng tulong sa kanila bilang mga tunay na kaibigan,” ngiti niya.


LOST FRIENDS. Nagkuwento rin si Wowie tungkol sa mga inakala niyang tunay na mga kaibigan, na biglang nawala noong hindi na siya gaanong sikat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Marami silang biglang nawala—ni hindi na sila nagpakita na ulit sa akin.

“Yun ang isa sa pinakamalungkot na nangyari sa akin sa showbiz.

“Yung mga inakala mong mga true friends mo, yung mga laging nandiyan noon dahil sikat ka pa, sila pala ang unang mawawala noong walang-wala ka na.

“Nakakalungkot mang aminin, pero masakit na bigla kang iiwan ng mga taong ito na inakala mo ay dadamayan ka sa panahon ng pangangailangan mo.

“Kaya masaya ako na may mga tao na tulad nila Juday, Gladys at Christopher, na kahit anong mangyari, nandiyan sila para maging isang tunay na kaibigan.”


BUSINESS PARTNERS. Naging mag-business partners pa sila ni Christopher sa isang food business na naging successful naman sa mga unang buwan ng operation nito.

“Ganoon naman talaga ang business, e… talagang susugal ka.

“Naging okay naman ang negosyo namin ni Christopher.

“Pero siyempre, nagkaroon kami ng mga kakompetensya, naging mahirap na sa amin yung makipaglaban pa.

“Kaya tanggap naman namin pareho na kailangan mag-move on kami sa ibang negosyo. Kahit papaano, may kinita naman kami.

“May mga ibang mga negosyo naman akong pinasok, e—may mga okay, may mga hindi naman—hit and miss.

“Pero marami naman akong natututunan sa mga pinasok kong iyan.”


WHIRLWIND ROMANCE. Dahil sa isang negosyo ni Wowie kaya niya nakilala ang kanyang misis na nagngangalang Sheryl Ann Reyes.

Sa kuwento ni Wowie ay mabilis nga raw silang nagka-in love-an ng kanyang misis.

“May isang business ako noon na may kinalaman sa pagbenta ng mga speakers, mga earphones. Isa siya sa mga kumuha sa akin.

“E, na-type-an ko siya, kaya mabilis ko siyang niligawan.

“Siguro mga three months pa lang kami, nagpakasal na kami. Civilly wed kami noong 2012 pa.

“Sabi nga nila, whirlwind romance, kasi ilang months pa lang kami talaga.

“Pero kung siya ang destined para sa akin, bakit ko naman hindi tatanggapin iyon, di ba?” sabi pa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa kay Wowie, business-minded ang kanyang misis at maging ang pamilya nito ay may sariling negosyo na siya na ang nagpapatakbo ngayon.

“Pinagkatiwalaan nila ako sa business nila kaya pinagbubuti ko talaga.

“Kaya nga matagal din akong hindi nagparamdam sa showbiz dahil mas gusto kong mag-concentrate sa negosyo ng pamilya namin.

“Kaya pa-guest-guest lang ako ngayon. Ilang beses din akong ng guest sa Maalaala Mo Kaya at Wansapanataym, tapos kelan lang ay sa The Little Champ.

“Mga ganoon lang muna dahil pinangako ko sa misis ko na ang focus ko ay sa aming family.”


THEATER STINTS. Kung may gusto mang balikan si Wowie, ito ay ang entablado.

Naging suki si Wowie ng iba’t ibang stage production ng Gatimpala Theater Foundation, Tanghalang CCP, Ballet Philippines at PETA.

Lumabas siya sa mga stage plays na Florante at Laura, Ibong Adarna, El Filibusterismo, Noli Me Tangere, The Bomb, Alikabok, Lorenzo Ruiz, Romeo Loves Juliet at Perlita Ng Silangan.

“Mas nagustuhan ko ang paglabas sa theatre talaga.

“Mas nahasa ang utak ko sa pag-memorize at kailangan mabilis ang pag-isip at pagkilos mo sa entablado.

“Sa theatre kasi, instant reaction ang makukuha mo from the audience.

“Hindi tulad sa TV at pelikula na shoot ka lang nang shoot, pero hindi mo alam kung nagugustuhan ba ng manonood ang mga ginagawa mo.

“Sa theatre, marami akong natutunan. Yung disiplina sa trabaho ang mahalaga sa mga taga-teatro.”

Kelan naman ang plano ni Wowie na magkaroon ng baby ng kanyang misis?

“Pinaplano pa namin. Sa ngayon kasi, gusto muna naming nagta-travel kaming dalawa muna,” sabay ngiti niya.

“Kapag may chance na magbakasyon kaming dalawa, ginagawa namin.

“Kasi, kapag nabuntis na siya, hindi na kami masyadong makakapagbiyahe.

“So we are enjoying one another habang wala pa yung baby namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN