Secretary Jesse Robredo’s widow Leni hopes to have leadership like her late husband

Naniniwala si CamSur Congresswoman-elect Leni Robredo na makakaya niyang maging isang mabuting lider.


Si Atty. Leni Robredo ang nagwaging congresswoman sa third district ng Camarines Sur. Tinalo niya ang pinakamalapit na katunggali na si Nelly Villafuerte.

Sa panayam sa kanya sa Umagang Kay Ganda sa ABS-CBN kaninang umaga, Mayo 16, inamin ng biyuda ni dating DILG Secretary Jesse Robredo na hindi niya inaasahan ang napakalaking suporta ng mga taga-Camarines Sur sa kanya.

Bungad ni Leni, “Siyempre masaya tayo kasi hindi natin inasahan na ganito ang magiging margin.

“Nag-umpisa kami na sobrang hirap ang kampanya.

“Konting-konti ang mga nakaupong officials na sumusuporta sa amin, pero siguro ay nadala rin sa hardwork, nadala din sa masusing pangangampanya.”

Ano ba ang advocacies niya sa pagsisimula niya sa Kongreso?

Aniya, “Yung problema kasi, yung sa pag-ikot ko ay napansin ko na meron talagang problema sa delivery ng basic services—yung sa health, education, at kabuhayan.

“Yung sa akin, malaking bagay kung maisabatas ang mga initiative ng asawa ko sa DILG.

“Kasi makakatulong yun para mapilitan ang mga local government units na mag-excel.

"Kung sila yung sa delivery ng basic services, ang dami-daming problema na mareresolba.

“Kaya nga yung first ano ko ay yung department orders ng asawa ko ay maisabatas na."



SUPPORTIVE KIDS. Paano niya ngayon hahatiin ang kanyang oras bilang isang ina at congresswoman?

Saad niya, "Nung nag-file ako ng aking certificate of candidacy ay nag-iyakan ang mga anak ko kasi hindi nila maintindihan kung bakit kailangan kong tumakbo dahil alam naman nilang ayoko.

“Pero nang makita ang sitwasyon at nakita nila na ito talaga ang pangangailangan, ano naman… on the day I filed, supportive naman sila.

“In fact, nagpalitan sina Aiza at Aika [mga anak niya] sa pag-uwi para lamang makatulong sa aking pangangampanya.”

Dugtong pa ni Leni, “Napag-usapan na rin namin na lilipat kami sa Maynila kasi mahirap na magkakahiwalay kaming apat.

“Ngayong nanalo na ako bilang kongresista at ang trabaho ay nasa Manila na talaga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"So, half of my work ay magkakasama kasi kailangan ko ring umuuwi dito sa distrito namin.

“Siguro ay maiiwan ang mga anak ko sa Manila kasi dun sila nag-aaral, dun sila nagtatrabaho. Ako na lang yung uuwi-uwi.”



LEGACY OF HER HUSBAND. Aasahan ba sa kanya ang isang leadership na tulad na ipinakita ng kanyang yumaong asawa nang naging mayor ito ng Naga City—yung tinatawag na “Tsinelas Leadership?”

Ayon kay Leni, “Oo, kasi yun naman ang natutunan ko talaga.

“Sabi ko nga ay ang dami kong nagawa ngayon na akala ko ay hindi ko kaya.

“Ang daming hindi ko akalain na kaya ko.

“Kaya yung klase ng liderato na ipapakita natin dito sa distrito ay parehong-pareho siguro sa kanya [Jesse], kasi dun naman ako aral.

“At saka, naniniwala din naman ako dun sa style of leadership niya na talaga namang bumababa sa tao.

“Para naman yung mga tao ay hindi nag-aalangan na ipaabot sa kanya nang direkta ang kanilang pangangailangan.”

Sabi pa niya, “Sa palagay ko ay yun ang pinaka epektibong engagement sa tao na meron.”



LENI FOR SENATOR? Naranasan na niya kung gaano kahirap ang mangampanya. Sa tingin kaya niya ay kakayanin niya ang demand nito kung sakaling senator slate ang kanyang tinakbuhan?

Marami kasi noon ang naglalayon na sa senado siya ilaban.

Reaksiyon ni Leni, “Naku, hindi ko alam.

“Ito ngang sa Kongreso na isang distrito lang ang kampanya, e, kaya nga ang itim-itim ko na ngayon.

“Nagsisimula ako ng alas-singko ng umaga, naglalakad, humihinto ako ng ala-una o alas-dos na ng umaga ulit.

“Hindi ko na alam kung gaano na kagrabe ang national.

“Buong bansa na yun, kaya hindi ko alam kung gaano na ka-demanding yun.

“Hindi naman natin iniintindi ang national kasi hindi pa nga ako nakakapag-umpisa dito sa bagong pagsubok.”

Inaasahan nga raw sa kanya ang isang maayos na pamamalakad sa kanilang distrito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Salamat,” sambit naman ni Leni.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN