ABS-CBN news reporter Sol Aragones wins congressional race in Laguna


Mula sa pagiging reporter ng ABS-CBN News and Current Affairs ay nahalal bilang representative ng Third District ng Laguna si Sol Aragones nitong katatapos na eleksyon.

Sa kanyang panayam sa Umagang Kay Ganda kanina, May 17, tinanong si Sol tungkol sa naging karanasan niya sa pangangampanya at ang strategy na ginamit niya para manalo.

Saad niya, “Ang sikreto dun ay ang house-to-house campaign. Talagang baba ka sa tao para makilala mo.

“Yung third district sa Laguna, mga 220 barangays yun. So, talagang ginamit ko yung panahon ng kampanya para bumaba sa kanila.

“Nilakad ko talaga yun—bundok, tubigan, bridge... lahat talaga ng pinakadulong barangay ay inabot ko.

“Importante kasi sa kanila na hindi lang nila ako nakikita sa telebisyon.

“Ang importante sa kanila ay makilala at marinig nila ako kung ano ang gusto kong gawin sa buhay nila.”

Tadisyunal na pamamaraan daw ang ginamit niya sa pangangampanya.

“Effective yun," sabi ni Sol.

“Ang isa pa ay yung pagbibigay nga ng picture. Kasi ang puhunan nga lang natin ay sipag lang.

“Kaya ang ginagawa ko, pag halimbawa gusto nilang magpa-picture ay nagpu-pose lang ako nang pose na ganyan.

“Tapos halimbawa, tanghali na, pagkatapos ng ilang oras at tapos na yung picture, ipapabalik ko na yun sa kanila.

“Ang photographer ko ay ang asawa ko lang. Kami-kami lang.

“Kasi yung mga kalendaryo o yung shirts na ipinamimigay nila [ibang kandidato], wala ako nun. Masyado pang mahal.

“Pero ang picture, mura lang yun at itatago nila yun na minsan ay nagkasama kami.”

TURNING TABLES. Bilang dating taga-News, ang isa sa trabaho nila ay ang magpuna. Siya ba ngayon, bilang congresswoman, ay handa na ring punahin?

Sagot ni Sol, “Oo naman. Kasi inihanda ko na ang sarili ko na kung marunong kang pumuna ay dapat handa ka na ring mapuna.

“Ito ay isang bagong aral sa buhay ko. Handa akong matuto at marami pa akong dapat na matutunan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Along the way, kung meron mang dapat ipuna sa akin, willing naman ako.”

PORK BARREL. May naiisip na ba siya kung saan o paano niya gagamitin ang nakalaang pork barrel sa kanya bilang kongresista?

Aniya, “Oo. Ako kasi, napag-aralan ko na ’yan sa pag-ikot ko.

“Sabi ko nga, parang sa pag-ikot ko sa buong distrito ay para akong gumagawa ng isang dokumentaryo ng sa kababayan ko.

“Mula dun ay nakikita ko ang kanilang pangangailangan.

“Unang-una ay nakita ko na ang nanay at tatay tuwing pasukan ay kailangang may libreng sapatos at uniform ang mga bata.

“Hindi na siya mangungutang ng five-six [lending business] para may maipambili. Ganung simpleng pangangailangan na puwede nating sagutin.

“Pangalawa, importante talaga ang scholarship sa amin.

“Importante na maging unibersidad yung eskuwelahan sa amin para makapag-aral at madagdagan ang mga kurso.

“At saka yung hospital namin ay gawing secondary hospital para yung mga kababayan namin ay…

"Kasi kapag malubha na ang kanilang karamdaman ay kailangan pa nilang pumunta ng Maynila.

“Kaya dun pa lang ay magagamot na kaagad sila, hindi na sila mahihirapan.”

GRATITUDE. Pinasalamatan naman ni Sol ang mga taong malaki ang nagawa upang manalo siya bilang congresswoman sa kanilang lugar.

Pahayag ni Sol, “Unang-una ay gusto kong pasalamatan ang aking pamilya na tumulong sa akin.

“Si Mayor Vic Amante na tumulong sa akin. Si Boy Zuñiga at marami pang iba.

“At siyempre, ang pinakamalaking tulong na nagbigay sa akin ay ang taong-bayan.

“Kasaysayan kasing maituturing ito.

“Kasaysayan na nagsama ang malalaki at maliliit na tao para magkaisa at tulungan ako na kahit kaunti lang ang budget ay nagsama-sama.

“Maiisip mo pala na kahit wala kang pera at tao ang nagsalita ay kayang-kaya mo pala.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN