Richard Gomez on losing mayoralty race in Ormoc: "Ganun talaga, e, life goes on."

Nabigo sa ikatlong pagkakataon ang aktor na si Richard Gomez sa kanyang hangaring sumabak sa pulitika nang matalo siya bilang mayor ng Ormoc City noong nakaraang eleksyon.


Hindi pinalad na manalo ang aktor na si Richard Gomez sa kandidatura nito bilang mayor ng Ormoc City nitong May 2013 election.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at Cinema News si Richard sa 44th Box Office Entertainment Awards noong Linggo, May 19, sa Meralco Theater.

Nagwagi si Richard at ang kapareha nito sa Walang Hanggan na si Dawn Zulueta bilang All-Time Favorite Loveteam on Movies and TV.

Tinanong namin ang aktor kung paano niya tinanggap ang pagkatalo sa nakaraang eleksyon.

Sagot niya, “Okay naman...Si Lucy won, but I lost—but that’s the game.

"Ganun talaga, e, life goes on. You have to start on your own, you have to move on, kailangang mabuhay.

"We’re here for public service, pero ngayon we have to make people happy.”

Ang asawa niyang si Lucy Torres-Gomez ay muling tumakbo bilang kongresista ng fourth district ng Leyte at inihalal namang naman ulit.

Sa muling pagkapanalo ni Lucy, nangako si Richard na tuloy pa rin ang pagtulong at suporta niya sa asawa para sa tungkulin nito.

“Yeah, ganun pa rin, tuluy-tuloy. I’ll be helping her," sabi ng aktor, na siya ring tumatayong chief of staff ng asawa.

Ito na ang ikatlong pagkakataong nabigo si Richard sa kanyang hangaring sumabak sa pulitika.

Noong 2007 ay tumakbo siya sa pagka-senador bilang independent candidate, ngunit natalo siya.

Noong 2010 ay tumakbo siya bilang congressman ng fourth district ng Leyte, ngunit na-disqualify siya dahil sa residency issue.

Pinalitan siya ng asawang si Lucy Torres-Gomez na nagwagi naman. At ngayong taon nga ay nanalo na naman si Lucy sa parehong puwesto.

(Mukhang walang epekto ang ibinabang desisyon ng Korte Suprema ngayong taon lang na hindi lehitimong kandidato si Lucy noong 2010.)

Ngayong 2013 ay tumakbo si Richard bilang mayor ng Ormoc City, ngunit muli siyang nabigo.

Sa kabila ng mga kabiguang ito, may balak ba si Richard na ituloy ang kanyang pagsabak sa pulitika sa mga susunod na eleksyon?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tugon niya, “Di ko inisip yun, magtatrabaho muna ako. Marami akong dapat gawin.”

GOMA-DAWN LOVETEAM. Samantala, ipinagpapasalamat ni Richard ang pagkakatanghal sa kanila ni Dawn bilang All-Time Favorite Loveteam on Movies and TV.

“We’re very happy. Imagine pinaglagpas na natin ang mga teenagers na loveteam, and yet Richard and Dawn is still here.

"Tonight we won the Loveteam award, so we’re happy.”

Naging mainit ang pagtanggap ng mga manonood sa tambalan nila ni Dawn sa teleseryeng Walang Hanggan. May kasunod kaya silang proyektong gagawin?

Sabi ni Richard, “May movie kami pero wala pa akong pinipirmahang kontrata e. Yung Sugo, yes, hinihintay namin.

"Last time naka-schedule na siya na i-shoot yun, pero because of the election, nahinto. Ngayon, hinihintay lang namin, next schedule.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN