Ricky Davao on the "remake trend" in local showbiz: “Maganda rin naman. It’s really good, so bakit hindi natin i-share sa mga nakababata?”

Ricky on the difficulty of directing young kids: “Very hard... I remember the late FPJ saying: ’ang bida sa pelikula, ang superstar na mga bata.’ Kapag may mga bata, hinihintay talaga.”


Sa huling teleserye na dinirek ni Ricky Davao, ang Forever sa GMA-7, nagpahiwatig itong gusto niyang muling balikan ang pag-arte.

Nabigyan naman daw siya ulit ng pagkakataon ng GMA-7 sa Home Sweet Home kunsaan nag-guest siya, pero bigla raw inalok na naman sa kanya ang pagdi-direk.

Si Ricky ang director ng bagong teleserye ng GMA-7— ang Basang Sisiw— na remake ng pelikula noong 1981 na nagtampok kina Julie Vega, Sheryl Cruz, Che-Che, at Janice de Belen.

“Gusto ko sana, gumawa muna ng teleserye, acting naman.

“E, nabigyan naman tayo ng chance, sa Home Sweet Home nga, guesting siya, pero, yung role, puwedeng bumalik-balik.

“Naiinggit nga ako rito kay Raymond Bagatsing,” natatawang sabi pa niya sa karakter ni Raymond na tatay ng mga bata.

Bakit hindi niya sinabi sa GMA-7 na pahinga muna siya sa directing at balik-acting namang pansamantala?

“Okay lang naman, ito yung dumating and besides, beggars cannot be choosy,” natatawang sabi niya.

NEW KIDS ON THE BLOCK. Ayon naman kay Direk tungkol sa bago niyang teleserye kunsaan binisita nga ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang location ng taping nila sa Veterans Hospital noong Biyernes, May 24, “Ang alam ko ha, hit na hit yung pelikula na yun noong araw.”

Ipinaalala nga namin sa kanya ang theme song ng pelikula na nakakaiyak marinig pa lang noong araw.

“Oo, grabe ang mahal pala no’n,” sabi niya.

Ang mga bagong batang gaganap naman ngayon sa teleserye ay nagdaan din daw sa audition

Kabilang dito sina Renz Valerio, Bianca Umali, Kimberly Fulgar at Hershey Tan na kasama sa mga bagong ipapakilala ng Kapuso network.

Isa raw si Ricky sa mga nag-audition at pumili sa kanila.

Ano ang mga katangian ng mga ito na sila ang napili?

“Well, lahat ng napili at least, may potential na maging bida,” pagmamalaki niya.

“Tapos, magagaling namang lahat. Yung youngest, yung five years old, si Miko, medyo mahirap pa pero yun talaga ang role niya. Medyo malaro pa.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mahirap bang mag-direk ng mga bata?

“Very hard,” mabilis niyang sagot.

Dugtong pa niya, “I remember the late FPJ saying, ’ang bida sa pelikula, ang superstar na mga bata.’ Kapag may mga bata, hinihintay talaga.”

THE TROUBLE WITH REMAKES … Puro mga remake ang kadalasang ipinalabas ngayon.

Sa pagbubukas nga ng panibagong season, ilang remake ang mapapanood, hindi lamang sa Kapuso network kundi maging sa Kapamilya network din.

Ayon naman kay Ricky, “Well, sa totoo lang naman, sa new generation, hindi na nila alam yan.

“Maganda rin naman. It’s really good, so bakit hindi natin i-share sa mga nakababata? Kapag pinanood naman nila, dated na yun, iba na rin.”

Pero sinasabi rin ng karamihan, wala na bang maisip, wala nang originality ang mga creative people?

“Siyempre, desisyon ng management yan at creative. Tama rin yun, may point din doon. Ang daming kuwento... bilyon. Bilyon ang tao sa mundo, e di bilyon ang kuwento, di ba?” pagsang-ayon niya.

Nakikita ba niyang “healthy” pa rin na binabalikan na lang ang mga nauna nang naipalabas o nag-hit at bilang director, may challenge ba sa kanya na parang dinu-duplicate na lang niya ang nagawa noon?

“Well, even in Hollywood, di ba, ginawa nila.

“Like yung Psycho, kinuha nila ang production book mismo.

“Yung layo ng props.. lahat, ginaya nila. Of course, hindi nag-click. Pero, ginawa yun. Ibang artista lang. Marami rin ni-remake doon.

“Siguro kasi, may franchise na, kilala na, so ganoon din,” sabi niya.

NEW ELEMENTS. Dito naman daw sa Mga Basang Sisiw, marami pa rin daw ang babaguhin sa orihinal.

Sabi nga niya, “Iba na rin kasi ang mga bata ngayon, very independent. May computer na tayo, cellphone.

“Noong araw, wala lahat yun. May mga dagdag din na character. Yung situation, medyo ibabago ng konti.”

Bukod sa mga bata, kasama rin sa Mga Basang Sisiw sina Raymond Bagatsing at Lani Mercado, Mike Tan at Maxene Magalona.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

IMPRESSED WITH LANI MERCADO. Pagkatapos ng eleksiyon, nakikita naman daw niyang nakahanda na si Lani na mag-taping muli.

May naalala namang kuwento si Ricky tungkol kay Lani.

Aniya, “Yung last namin na taping ko with Lani, medyo very sad for her. Hindi ko rin naman alam, hindi niya sinabi.

“Nagti-taping kami, mga eksena niya, naka-black. Nagluluksa kasi, pinatay ang asawa niya [in the story].

“Sa Makapiling Kang Muli. So, taping kami... ang last day niya, ang eksena niya, magsu-suicide siya. Anak niya si Carla Abellana.

“Noong day na yun, malungkot siya... tahimik. Pero, nagsu-shoot. Tapos, lahat ng eksena niya, iyak.

“Inabot siya ng 2:30 A.M., 3:00 A.M sa last scene. Sabi ko, sorry, blah, blah... napuyat ka. Magkaibigan naman kami, sabi niya, okay lang.

“Then, umalis na siya, pero, after mga fifteen minutes, nag-text, nakaalis na siya. Text niya sa amin, ’wala na si Mama.’

“Hindi ko naman alam na ang Mama niya, nasa I.C.U. Hindi niya sinabi na ganoon na, pero, alam ko na nasa hospital, may sakit.

“Pero, nakakaano... yun ang showbiz na the show must go on, napaka-professional, di ba?”

Dugtong na kuwento pa ni Ricky, “Noong malaman ko, nagpunta ako sa burol.

“May misa, katabi ko pa si Senator Bong [Revilla], tinanong ko nasa loob daw si Lani.

“Tapos, sinabi hindi na nga raw nakita ang Mama niya. Sinabi ni Bong, ’E, kasi, ang tigas-tigas ng ulo ni Candy.’

“’Sinabi ko nang huwag nang mag-taping, e, ang kulit ng taga-GMA.’

“Sabi ko, ’A, ako ang director,’” natatawa niyang kuwento.

Sabi naman namin kay Ricky, ngayon naman, masaya si Lani sa pagsasama nilang muli at pagbabalik nito sa pag-arte dahil nanalo ito at ang anak na si Jolo sa pagtakbo nila sa Cavite.

NO TO POLITICS? Pero siya, mukhang hindi na talaga niya binalikan ang pulitika dahil noong nakaraan pang eleksiyon ng 2010, tatakbo na siya noon pero, bigla siyang hindi tumuloy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro, meron talagang hiyang, merong hindi,” saad niya.

Sa palagay niya, hindi na siya tatakbo sa pulitika?

“Sa tingin ko, hindi siguro para sa akin. Unang-una, mahirap, it’s very hard. Unang-una, magastos.

“Ngayong campaign nga, wala rin akong nasuportahan o natulungan kasi, busy. Usually, I volunteer pa,” nanghihinayang niyang saad.

DANCE OF THE STEEL BARS. Sa isang banda, natutuwa naman daw si Ricky na maipapalabas na ang Dance of the Steel Bars, ang international documentary film na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes.

Siya raw ang gumanap na warden sa pelikula.

Sumayaw rin ba siya?

“Oo!,” pagmamalaking sabi pa niya.

“Sana yun ang ipakita nila, yung sa ending... 1,700 inmates tapos, sabay-sabay kaming nagsasayaw sa gitna. Yung sayaw ko naman, pang-ending lang, parang light lang.”

Dahil sa mismong jail sa Cebu sila nag-shooting, kinumusta namin kung hindi naman sila nahirapan sa ganoong environmen

“Okay naman, pero, siyempre, noong una, medyo nakakatakot, totoong jail.

“Hindi mo alam... rapist, killer... pero okay naman. Mababait naman. Yung iba nga, nakakaawa ang kuwento.”

Tuwang-tuwa rin si Ricky nang malaman na Graded A ang pelikula nila na ipapalabas na ngayong June 12.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN