Robert Ortega on writer Dan Brown’s description of Manila in Inferno: “Baka nga naman may problema. Silipin natin ang bakuran so we can fix it.”

Ngayong tapos na ang eleksyon, gusto ni Manila councilor Robert Ortega na makabalik sa Please Be Careful With My Heart. Sabi niya, “Para naman magkaroon ng magandang closure yung character ko doon. Kasi yung character ko doon, parang nagloko, e, para makaalis ako. Kasi, during that time ay nangangampanya na ako.”


Ang former That’s Entertainment member na si Robert Ortega ay muling nahalal bilang councilor ng Maynila nitong nakaraang May 13 elections.

Bilang councilor, sinabi niyang ipagpapatuloy niya ang mga adhikain at programa na kanyang nasimulan para sa mga taga-Maynila.

Sabi niya, “Ganoon pa rin, hindi naman tayo magpapahinga.

“Kumbaga, new term lang… ipagpatuloy ang mga nasimula natin, di ba?

"Kasi, yung nakaraang term natin ay nasa oposisyon tayo, kaya medyo naantala yung mga proyekto natin.

“Pero ngayon, ipagpapatuloy natin with Mayor Erap [Estrada].”

Si former President Joseph Estrada ang iprinoklamang bagong mayor ng City of Manila matapos nitong talunin ang outgoing mayor na si Alfredo Lim.

Natiyempuhan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Robert sa GMA-7 Studios noong Sabado, May 25.



GOOD ENOUGH. Hindi raw inisip ni Robert na tumakbo sa mas mataas na posisyon kahit marami ang nag-uudyok sa kanya.

Aniya, “Pinag-aralan ko rin pero mabigat ang laban, kaya pinili ko na lang na maging konsehal ulit.

“Anyway, ang pagiging konsehal ay madali lang naman, e, at hindi magastos sa kampanya.

“At saka sa tingin ko, mas marami na akong magagawa ngayon kasi nandiyan ang support ni Mayor Erap, ni Vice Mayor Isko [Moreno]… so, yun.”



POPULAR RECALL. Inamin ni Robert na naging malaking tulong sa tagumpay niya ang kanyang poster na may slogan na “Please Be Careful With Your Vote.”

Ang slogan ay hango sa morning soap ng ABS-CBN na Be Careful With My Heart kung saan isa siya sa cast members.

Naging advantage din para sa kanyang panalo ang poster picture niyang naka-transparent eyeglasses na tipong "Ser Chief" ni Richard Yap ang peg.

Pag-amin ng actor-politician, “Actually, bago pa man yung Be Careful ay suot ko na ito [eyeglasses].

“Nagkataon lang na yung kay ‘Ser Chief’ ay pareho lang, pero mas maliit ng konti yung sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero yeah, malaking tulong yun kasi part nga ako ng show…

“Sikat na sikat yung show at sina Ser Chief and Maya [Jodi Sta. Maria], so malaking tulong sa name recall ko.

“Pero I made sure na hindi ko talaga siya ginaya kasi baka mahalata, yun ang magiging problema.

“Kumbaga, parang nanghiram lang ako ng idea, pero hindi ko kinopya.”



CLOSURE. Napag-usapan na rin lang ang Be Careful With My Heart, inamin ni Robert na gusto niyang makabalik dito.

Aniya, “Heto nga, nakikipag-negotiate tayo.

“Gusto nga naming makipag-usap sa management ng ABS-CBN kung pababalikin tayo.

“Para naman magkaroon ng magandang closure yung character ko doon.

“Kasi yung character ko doon, parang nagloko, e, para makaalis ako. Kasi, during that time ay nangangampanya na ako.

“Kung wala kasing kampanya, siguro up to the end ay nandoon ako, e.”

Sobra ang pagmamalaki ni Robert sa kanilang programa.

Saad niya, “Ako yung partner dito ni Ser Chief.

"Malaking bagay yun kasi yung exposure doon ay malaking bagay dahil number one siya.

“Kahit yung primetime na mga palabas ay pinapatumba niya—ganoon kalakas yun.

“At saka, dito, kung hindi ninyo napapansin, heto ang palabas na walang kontrabida, di ba? Pambihira yun!

“Saan ka nakakita ng palabas na number one, e, walang kontrabida?

“Kaya nga noong nangangampanya ako, yun ang sinasabi ko sa kanila—na gawing number one ang Maynila na walang kontrabida. ’Kaya tulungan ninyo ako at sama-sama tayo.’”



ORDER OF BUSINESS. Nagkausap-usap na raw si Robert at sina mayor-elect Erap, vice mayor-elect Isko, at ang iba pang opisyales na nahalal sa Manila.

Ano ang kanilang napag-usapan at ang kanilang mga plano?

Mabilis niyang tugon, “Marami kaming plano.

“Pero ang uunahin na muna namin ay ang pag-aayos ng koleksyon ng pondo.

“Kasi, doon nawawala ang pera ng Maynila sa koleksyon, di ba?

“Hindi mo kailangan ng bagong batas. Ang gawin mo, i-review ang existing laws, tapos i-implement mo nang maayos.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tanggalin ang ‘kotong’ cops, ayusin ang peace and order, kasi kapag magulo ang siyudad mo, walang mag-i-invest sa iyo na negosyante, di ba?

“At saka yung health care ng Maynila, gusto naming gawin yung style ng Makati.

“Di ba, meron silang yellow card? Kami, gagawa kami ng orange card."

INFERNO. Bilang konsehal ng Manila, tinanong ng PEP si Robert kung ano ang reaksiyon niya sa paglalarawan ng bestselling author na si Dan Brown sa Manila bilang "gates of hell" sa bago nitong libro na Inferno.

Na ang Maynila raw ay pugad ng prostitusyon, mahaba at buhul-buhol ang trapiko, sobra ang polusyon, at iba pa.

Kahit fictional ang pagsasalarawan nito sa libro, malaki ang naging epekto nito sa imahe ng Pilipinas, lalung-lalo na sa lungsod ng Maynila.

Sabi ni Robert tungkol dito, “Baka naman misinformed lang siya.

“Unang-una ay nakapunta na ba siya dito? Baka ‘yan ay kuwento-kuwento lang.

“Kung ako ang tatanungin mo ay walang basehan yun...

"We are not perfect. Although, oo, meron diyang konting prostitusyon, konting ano… kung anuman yung mga binabanggit niya.

“Pero, it’s not as bad as it seems doon sa pinu-project niya… hindi naman tayo ganoon kasama, di ba?”

Dagdag pa ng konsehal ng Manila, “Para sa akin, dapat lang siyang humingi ng paumanhin.

“Pero kung ayaw niya ay gagalangin ko yun kasi opinyon niya yun.

“Ayaw kong maging critical sa mga tao. Dapat nga yung mga sinabi ni Dan Brown ay maging eye-opener sa atin, e.

“Na baka nga naman may problema. Silipin natin ang bakuran so we can fix it.

“Huwag naman sana tayong mag-overreact… but I love Manila.

“Yung sinabi niyang words na ‘gates of hell,’ parang sobra naman!

“Na kung gusto mong pumunta sa impiyerno ay dapat ka sa Maynila, na parang portal tayo.”



CHALLENGE. Malaking hamon ito sa kanilang mga bagong halal na opisyales ng Maynila upang mabago ang imaheng ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yes, definitely,” mabilis na pagsang-ayon ni Robert.

“We take criticisms… magagamit namin yun para sa positive naman, di ba?

“It’s a challenge na handa kaming tanggapin.

“With the new administration, magagawa naming baguhin ang image na ‘yan.

"It will take sometime pero gagawin namin.

“Hindi naman kasi ganoon kadali na ayusin ang santambak na problemang iniwan ng past administrators ng ating lungsod.

“Bigyan muna kami ng tamang oras at panahon para gawin yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN