GMA News reporters react to Vice Ganda’s “rape joke” about Jessica Soho

“Bakit mo binibiktima ang mga taong seryoso sa trabaho nila? Huwag mo silang kasangkapanin para lang makapagpagpatawa,” ito ang buwelta ng GMA News broadcaster na si Arnold Clavio tungkol sa ginawang biro ni Vice Ganda sa kanilang kasamahan na si Jessica Soho.


Nakarating na sa mga reporter ng GMA News and Public Affairs ang pagbibiro ni Vice Ganda sa isa sa kanilang samahan sa kanyang nakaraang concert na I-Vice Ganda Mo ‘Ko Sa Araneta noong May 17.

Sa ikatlong segment ng concert na pinamagatang “Vice Ganda XXX,” binanggit ni Vice ang ilang mga kilalang pangalan sa industriya at paano kung naging “bold star” ang mga ito.

Kabilang sa mga nabanggit ni Vice ay ang GMA vice president for News and Public Affairs na si Jessica Soho.

Una, ginawang biro ni Vice ang timbang ng kilalang broadcast journalist. Matapos nito ay inilarawan niya kung ano ang posibleng senaryo kung may “rape scene” sa pelikulang pagbibidahan nito.

Ngunit ang birong ito ay hindi nagustuhan ng kasamahan ni Jessica sa GMA News and Public Affairs na si Arnold Clavio.

Kaninang umaga, May 28, sa kanyang radio show sa DZBB, inihayag ng broadcaster ang kanyang saloobin.

Ani Arnold, “Papatulan ko na siya kasi pag di natin siya sinita, hindi natin alam sino pa’ng isusunod niyang bibiktimahin.

"Si Nancy Binay noon, tapos si Jessica Soho..."

Sabi pa ng Kapuso newscaster kay Vice, “Bakit mo binibiktima ang mga taong seryoso sa trabaho nila?

“Huwag mo silang kasangkapanin para lang makapagpatawa.”

Dagdag ni Arnold, “Bakit hindi taga-diyan sa inyo ang gawin mong subject ng jokes mo? Bakit hindi taga-ABS?”

Ngunit sa buong segment na “Vice Ganda XXX,” nabanggit din ni Vice ang ilang Kapamilya personalities—tulad nina Kris Aquino, ang talent manager na si Boy Abunda, ang kanyang It’s Showtime co-host na si Kim Atienza, ang ABS-CBN news reporter na si Gus Abelgas, at ang mga singers na sina Aiza Seguerra at Charice.



GMA REPORTERS’ MESSAGE TO VICE. Bukod kay Arnold, nagpaabot din ng pagkadismaya ang iba pang reporters ng GMA-7 dahil sa ginawang biro ni Vice tungkol sa kanilang boss sa News and Public Affairs.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Idinaan nina Jiggy Manicad at Maki Pulido ang kanilang saloobin sa pamamagitan ng Twitter ngayong araw.

Sabi ni Maki sa kanyang Twitter account (@makipulido): "Vice ganda should realize that rape is not a joke. That rape is a form of violence. Pls RT hanggang umabot sa kanya."

Ayon naman kay Jiggy (@jiggymanicad): "Para kay Vice Ganda, personal ko ito. Hindi joke ang salitang "rape." Pakiretweet po hanggang makaabot sa kanya.

"At para mas maintindihan mo Vice Ganda, ipapakilala kita sa ilang biktima para maramdaman mo ang trauma nila. Bad joke bro.Pls retweet."


Ang huli niyang post ay naka-tag pa mismo sa Gandang Gabi Vice host: "@vicegandakoPara sa iyo Vice Ganda I hope you got my message loud and clear."

Sa ngayon ay wala pang reaksiyon ang Kapamilya TV host-comedian tungkol sa mga naging mensahe ng GMA reporters.

Ngunit mananatiling bukas ang PEP kay Vice kung sakaling may nais siyang ipahayag tungkol sa usaping ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN