PEP SCOOP Ai-Ai delas Alas files civil case against husband Jed Salang

Idinetalye ni Ai-Ai delas Alas ang mga abusong naranasan diumano niya sa pagsasama nila ng asawang si Jed Salang sa isinumiteng petition ng komedyana kasabay ng pagsasampa niya ng kaso laban kay Jed.


Violence against Women and their Children o paglabag sa RA 9262 ang civil case na isinampa ni Ai-Ai delas Alas sa Quezon City Regional Trial Court laban sa kanyang estranged husband na si Jed Salang.

Isinampa ang kaso noong May 24, 2013, kasama ang hiling ni Ai-Ai sa korte na bigyan siya ng Temporary and Permanent Protection Order.

Ayon sa isang source na malapit sa aktres, natatakot si Ai-Ai na baka raw pumunta si Jed sa bahay niya para saktan siya, ang kanyang pamilya, at mga kasambahay.

Dagdag pa ng source, idinetalye raw sa petition ang pananakit na ginawa sa kanya ni Jed noong May 2, sa bahay ng Kapamilya star sa Quezon City, kung saan humingi si Ai-Ai ng proteksiyon sa barangay dahil sa takot na balikan siya ni Jed.

Kumonsulta rin daw si Ai-Ai sa isang psychologist na nagsabing nasa "state of depression" siya at dumaranas ng "acute post-traumatic stress disorder (PTSD)."

Ito ay dulot umano ng mga karanasan nito noong sila pa ni Jed.

Narito ang ilang mga insidente na isinalaysay ni Ai-Ai sa kanyang isinumiteng petition:


LOVE STORY GONE SOUR. Nagkakilala sina Ai-Ai at Jed sa Opus Restaurant and Lounge sa Resorts World Manila noong February 3, 2012.

Si Jed ang unang lumapit at nagpakilala kay Ai-Ai. Nagpalitan sila ng cellphone numbers at nagkasundo na mag-date kinabukasan.

Nagpatuloy ang kanilang pagkikita hanggang pumunta si Ai-Ai sa Jerusalem, Israel.

Nang malaman ni Ai-Ai na may girlfriend at anak si Jed, sinabi niya sa huli na hindi na siya makikipagkita pa.

Pero tiniyak daw ni Jed na wala na silang relasyon ng babae at si Ai-Ai ang kanyang tunay na mahal.

Nang bumalik si Ai-Ai mula sa Jerusalem, nagulat siya nang makita niya si Jed sa airport na may dalang bulaklak.

Sinabi ni Jed na nakipaghiwalay na ito sa kanyang girlfriend at si Ai-Ai lamang daw ang nag-iisang babae sa buhay niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MONTHLY ALLOWANCE. Mula nang magkaroon sila ng relasyon, tumatanggap daw si Jed ng P40,000 monthly allowance mula kay Ai-Ai.

Bukod sa monthly allowance, humihingi rin daw siya ng mga materyal na bagay gaya ng branded glasses, sapatos, bags, at damit.

Sa tuwing pumupunta sila sa ibang bansa, naka-charge daw sa credit card ni Ai-Ai ang lahat ng mga binibili ni Jed para sa kanyang sarili at mga pasalubong para sa pamilya niya, anak, kaibigan, at dating girlfriends.

Nang malaman ng nanay at mga kaibigan ni Ai-Ai na nagpaplano sila ni Jed na magpakasal, mahigpit ang kanilang bilin na magkaroon ng pre-nuptial agreement.

Mariin daw itong tinutulan ni Jed pero wala itong nagawa sa kagustuhan ng aktres.

Noong hindi pa sila ikinakasal at nagkakaroon sila ng mga pagtatalo ni Jed, nakaranas daw si Ai-Ai ng verbal at physical abuse.

Naranasan din daw niya na duraan ni Jed sa mukha na naging dahilan para makipaghiwalay siya at pumunta sa Amerika pagkatapos ng concert nila ng Korean pop singer na si Psy noong February 16, 2013.

Hindi raw pumayag si Jed na makipaghiwalay sa kanya si Ai-Ai.

Bilang peace offering, inalok niya ng kasal si Ai-Ai na agad namang naniwala kaya nagpakasal sila sa Las Vegas noong April 3, 2013.

THE HOTEL INCIDENT. Isang araw pagkatapos ng kanilang civil wedding, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa sa kuwarto nila sa hotel.

Tinakpan daw ni Jed ng unan ang mukha ni Ai-Ai na nagpumiglas dahil hindi siya makahinga.

At nang makawala, tinangka niya na lumabas ng kuwarto.

Hindi natuloy ang pagtakas ni Ai-Ai dahil nakakuha raw si Jed ng gunting at nagbanta na sasaksakin ang sarili at tatalon sa building.

Inumpog daw ni Jed ang kanyang ulo hanggang magalusan siya.

Tumigil lamang daw si Jed nang mangako si Ai-Ai na gagawin at susundin nito ang lahat ng kagustuhan niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa kanilang mahigit isang taon na relasyon, natuklasan ni Ai-Ai na gambling addict si Jed at patuloy na nakikipagkita sa dating girlfriend.

Noong May 18, 2013 ang huling pagtatagpo nina Ai-Ai at Jed dahil nalaman nito na nasa isang beauty parlor ang aktres.

Nagtago si Ai-Ai sa banyo pero hindi umalis si Jed at nang lumabas siya, bigla raw lumuhod sa kanyang harap si Jed at nakiusap na magbalikan na sila.

Muntik nang maawa si Ai-Ai pero natauhan daw siya nang sabihin ni Jed na: "Tingnan mo itsura mo. Hindi ganyan asawa ko. Asawa ko, maganda, sexy, sikat, at mula ngayon, I will be your number one fan."

TEMPORARY PROTECTION ORDER. Humihingi si Ai-Ai ng TPO mula sa korte dahil natatakot siya sa posibleng gawin ni Jed sa kanya, sa pamilya at mga kasambahay niya.

Kasama sa mga hiling ang pagbawalan si Jed na i-harrass siya sa pamamagitan ng texting, pagtawag sa telepono, at email.

Na huwag payagan si Jed na makalapit kay Ai-Ai—at least 100 meter—sa bahay at mga lugar na madalas na pinupuntahan ng aktres.

Hinihiling din ni Ai-Ai sa korte na pagbawalan si Jed na magsalita tungkol sa kanilang relasyon sa TV, radio, diyaryo, magazine, Internet sites, at email.

Kinontak ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang opisina ni Jed sa KIA Alabang nang dalawang beses, pero hindi raw ito pumapasok.

Muling tinawagan ng PEP ang numerong ito ngayong hapon ngunit nagri-ring lamang ang telepono.

Nagpadala na rin ang PEP ng message sa company email ng KIA Alabang ngunit wala pa kaming natatanggap na sagot.

Bukas ang website na ito sa anumang pahayag ni Jed.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN