Actor-politician Yul Servo offended by Dan Brown’s “gates of hell” description of Manila

After being described in the book as “gates of hell,” Councilor Yul Servo says it’s time to change the image of Manila: “Sa tingin ko, panahon na rin. Biruin mo, di ba, dati okay pa? Pero ngayon, napag-iwanan na ng mga kalapit na lugar.”


Aminado ang actor-politician na si Yul Servo na hindi niya nagustuhan ang paglalarawan sa Manila ng kilalang author na si Dan Brown sa bago nitong novel na Inferno.

Ayon kay Yul—na muling nahalal bilang konsehal ng Maynila—sang-ayon siya sa ginawang pagpapadala ng sulat ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino sa American author.

(Read: Should Filipinos react to Dan Brown’s description of Manila as "Gates of Hell"?)

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang media kay Yul sa press conference ng Anna Karenina noong Martes, May 28, sinabi niya, “Siyempre, bilang isang councilor sa Manila, medyo nasaktan ako.

“Parang ang pangit naman ng ‘gates of hell,’ e, hindi naman ganun ang Maynila.

“Ang dami namang puwedeng magaganda sa Maynila.”

Pero hindi naman itinanggi ni Yul na may mga hindi kaaya-aya sa paningin talaga sa Maynila.

Pero giit niya, “Hindi naman lahat sa Maynila ay pangit. Marami din naman magagandang katangian ang Maynila.”



NEW MAYOR, NEW HOPE. Ayon kay Yul, marami namang paraan para mabago ang imahe ng Maynila sa mga banyaga.

Sa katunayan, positibo siya na sa pamamahala ng bagong luklok na alkalde ng Maynila na si dating President Joseph “Erap” Estrada, tiyak na magiging mas maganda na ang imahe ng kanilang lungsod.

“Ngayon, bago na ang mayor natin, tiyak na may pagbabago na sa Maynila na magaganap—magiging maganda at maayos,” sabi ni Yul.

Anu-ano ang mga unang gagawin ng pamunuan ni Mayor Estrada para sa Maynila?

“Ang unag-unang narinig ko kay Mayor, lilinisin na muna niya yung sa garbage.

“Tapos yung peace and order, ‘yon na muna ang pinaano niya kay Vice [Isko Moreno].”

Dagdag pa niya, “Yung mayor, gusto ng pagbabago talaga.

“Yung vice mayor, marami ring pangarap sa Maynila.

“Siyempre, mga ulo ‘yan ng mga mamamayan, so yung mga konsehal, makakasunod kung ano ang maganda.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi na katulad ng dati na kung ano yung project ni ganito… alam mo yung kapag kalaban?

“Sa tingin ko, panahon na rin. Biruin mo, di ba, dati okay pa? Pero ngayon, napag-iwanan na ng mga kalapit na lugar.”

Dahil dito, natutuwa rin si Yul na marami ang may gustong mapalitan na ang alkalde ng Maynila nang ihalal nila si Erap kontra sa kasalukuyang mayor na si Alfredo Lim.

“Ngayon, tama na rin ang naging desisyon ng mga Manileño na iba naman ang mayor,” ani Yul.



LAST TERM AS COUNCILOR. Bukod sa pagkakaroon ng bagong alkalde, ikinatuwa rin ni Yul ang muling pagkakahalal sa kanya bilang konsehal ng ikatlong distrito ng Maynila; kung saan sakop niya ang mga lugar ng Binondo, Quiapo, at Sta. Cruz.

Para kay Yul, maaaring nagustuhan ng mga tao sa kanilang lugar ang kanyang serbisyo kaya sa ikatlong pagkakataon ay naihalal siya sa puwesto.

“Siguro naging maganda, naging successful naman ang paglilingkod ko sa third district,” sabi niya.

Dahil ito na ang huli niyang termino bilang konsehal, may balak kaya si Yul na sumabak sa mas mataas na posisyon sa susunod na eleksyon?

“Wala pang plano sa pag-level up,” nakangiting sagot niya.

Wala pa rin daw siyang tiyak na plano para sa kanyang political career.

Gayunman, sabi ni Yul, “Siyempre, libre lang naman ang mangarap.

“Noon, nangarap lang akong maging number one sa buong Maynila.

“Siyempre, may plano rin at libre rin naman ang mangarap—gusto ko ring maging vice mayor o kaya congressman.”

Sa tingin ni Yul, kakayanin na rin naman niya ang trabaho ng mas mataas na posisyon sa lokal na pamahalaan.

Bukod daw sa pagkuha ng mga crash course tungkol sa pulitika, “Kumuha rin ako ng magagaling na adviser na nakapaligid sa akin, [mag-a-advice] kung ano ang gagawin ko sa pulitika, paano ang diskarte, paano ang trabaho.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero matagal pa raw ang susunod na eleksyon. Gusto muna raw ni Yul na ituon ang kanyang atensiyon sa kanyang distrito bago ang susunod niyang plano sa pulitika.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN