Maja Salvador says Gerald Anderson took a "big risk" by admitting their relationship

Bagamat umamin na sila sa kanilang relasyon, sinabi ni Maja Salvador na wala silang balak ng kasintahang si Gerald Anderson na idetalye ang mga nagaganap sa kanilang relasyon. Sabi ng aktres, “Ang sa akin siguro, hanggang doon na lang po yun na alam nilang kami. Pero yung magdetalye kami sa bawat sa kung ano ang bawat gagawin namin, parang hindi naman. Kasi hindi naman kami loveteam para subaybayan din."


Wala raw pagbabagong magaganap sa takbo ng relasyon nina Maja Salvador at Gerald Anderson ngayong umamin na sila.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment) kay Maja sa shooting ng comeback movie ni Senator Jinggoy Estrada—na may working title na Project Tatay—sa Bantayog Park, Taguig City, noong Martes ng gabi, June 4, sinabi nitong gumaan ang kalooban niya matapos aminin ni Gerald ang tunay na estado ng kanilang relasyon.

“Siyempre, nakakagaan po sa kalooban kasi yung mga nagtatanong, yung mga haka-haka, at least alam na rin. Yun.

“Kaming dalawa naman po, walang plano na itago o anuman—sa tamang panahon,” sabi ng young actress, na ang tinutukoy ay ang pag-amin ng kanilang relasyon ni Gerald.

GERALD’S REVELATION. Ano ang pakiramdam na kay Gerald nanggaling ang pag-amin?

“Ayun po, sinabi ko na po na parang doon ko naramdaman na importante po talaga ako sa buhay niya,” sagot ni Maja.

Sa pagkakaalam ng lahat sa showbiz, ito ang unang pagkakataon na umamin si Gerald na mayroon siyang karelasyon.

Ano ang masasabi ni Maja dito?

Isa munang ngiti ang pinakawalan ng dalaga bago siya nagsalita.

Saad niya, “Noon pong sinabi niya yun sa akin, akala ko nagdyu-joke siya.

“Inaantay kong bawiin niya, hindi niya binabawi. ’Ay, seryoso siya!’ So, yun.

“Tapos nung lumabas na yung magazine [Star Studio], sabi niya, ’Sana okey lang yung mga sinabi ko.’”

Hindi ba nagpaalam sa kanya si Gerald na ganun ang magiging laman ng interview niya?

Sabi ni Maja, “Wala. Sabi lang niya, ’May pictorial lang ako.’ Kasi nga yung condo nga niya.

"Sabi ko, ’Okay.’

“Tapos after nun, doon lang niya sinabi.”

Ano ang naging reaksiyon niya nang aminin ni Gerald ang tungkol sa kanilang dalawa?

“Malaking risk yung ginawa niya,” sambit ni Maja.

“Kasi hindi mo alam kung ano ang magiging epekto sa career.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Pero yun nga, sobrang naramdaman ko kung gaano talaga ako kaimportante para sabihin yun at gawin yun—para umamin in public.

“Sobrang thankful ako, sobrang grateful ako na ganun siya, ganun pala siyang tao na alam magpahalaga ng mga mahal niya sa buhay.”

OUT IN THE OPEN. Kailan niya unang naramdaman ang importansiyang ibinibigay sa kanya ni Gerald?

“Ano, simula noong nagpahiwatig siya,” sabay ngiti ni Maja, na tila biglang kinilig.

Puwede rin bang sabihing naramdaman niya ito nang mag-arkila si Gerald ng helicopter para sa date nila last Valentine’s Day?

“Oo naman... may gano’n?” sabay ngiti niya.

Ngayon niya lang ba naramdaman yung ganitong pagpapahalaga mula sa isang lalaki?

“Ano lang, gaya nga ng sinabi ko, puwede palang maranasan yung ganito.

"Hindi naman sa hindi mo naranasan sa iba mong naging karelasyon. Pero may darating at darating sa buhay mo na yung unexpected happiness na parang puwede naman palang mangyari?”

Naiisip ba nila ni Gerald na maging maingat ngayon sa kanilang mga kilos dahil lantad na ang relasyon nila sa publiko?

“Ang sa akin siguro, hanggang doon na lang po yun na alam nilang kami.

"Pero yung magdetalye kami sa bawat sa kung ano ang bawat gagawin namin, parang hindi naman.

“Kasi hindi naman kami loveteam para subaybayan din. So, yun po.

“Hindi natin maiiwasan na mapakialaman yung personal life namin.

"Pero hanggang kaya na... alam mo yun? Na maiwasan na hindi magdetalye po, baka puwedeng gawin namin.”

Ngayong hindi na nila itinatago ang kanilang relasyon, inasaahan ba ni Maja na magiging magaan na ang lahat sa kanilang dalawa ni Gerald?

Ngumiti si Maja at saka sumagot ng, “Sana.”

Kumusta naman ang naging pagtanggap ng kani-kanilang pamilya sa relasyon nila ni Gerald?

“Okey naman... okey naman lahat.”

Masaya ba siya?

“Ikaw ang magsabi niyan, hindi ako,” nakangiting sagot niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nang tanungin naman ng PEP si Maja tungkol sa dati niyang kaibigan at ex-girlfriend ni Gerald na si Kim Chiu, tumanggi na siyang magbigay ng anumang pahayag.

Sa halip ay sinabi niyang “Pahinga na tayo,” na hudyat ng pagtatapos ng panayam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN