Charice’s grandmother says their family does not approve of Alyssa Quijano; reveals Raquel Pempengco also had lesbian affair

Nagmamakaawa si Tess Relucio sa kanyang apo na si Charice (nasa larawan) na umuwi na ito sa kanyang ina na si Raquel Pempengco at itigil na nito ang relasyon sa girlfriend na si Alyssa Quijano.


Gusto na sanang manahimik ng ina ni Charice na si Raquel Pempengco kaugnay sa pag-amin ng kanyang anak na isa siyang tomboy at paglantad ng kanilang problema, pero nakapagdesisyon na itong magsalita para malinaw raw ang lahat at maipagtanggol naman nito ang kanyang sarili.

Ngayong araw, June 7, ay nakatakda nang magsalita si Raquel sa pamamagitan ng isang presscon sa Marikina.

Pero bago ito, nagkaroon ng pagkakataon ang Startalk na makausap si Tess Relucio, ang ina ni Raquel at lola ni Charice.

Ibinahagi ng Startalk sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang exclusive interview nila kay Tess.

Emosyunal ang lola ni Charice nang magsalita ito dahil sa sobrang sama ng loob sa kanyang apo.

EARLY SIGNS. Ipinarating muna ni Tess kay Charice na tanggap niya ang piniling kasarian ng apo dahil noon pa man ay nakitaan na raw niya ito na may pagka-tomboy.

Kuwento ng 66-year-old na lola ni Charice, “Noon, nakikitaan ko na siya noon, dahil pag may lakad kami, ‘Nanay [tawag ni Charice sa kanyang lola], bilhan mo ako ng sombrero.’

“Puro sombrero ang type niyan… pumunta ka sa kanila, ang dami, puro sombrero.

“Nung 2009 na kumain kami sa isang restaurant sa Batangas, sabi ko sa kanya, ‘Gusto kong magka-apo ako sa iyo.’

“Tinanong mo pa sa akin, sweetheart, ’Saan mo ako gustong mag-asawa?’

"Sabi ko sa iyo, ’Foreigner… huwag dito, huwag Filipino kasi pango.’

"Hindi ba, tawanan pa tayong dalawa?” paalala ni Tess sa kanyang apo.

“E, biglang-bigla, makita ko ganitong sitwasyon, e, hindi mo ako mabibigyan ng apo, di ba?

"Pero inuunawa kita, mahal ka sa akin, e.

“Pero sana, pakiusap ko lang sa iyo, anak, damahin mo rin yung damdamin…

"Nasasaktan ang mommy mo kasi napakasakit sa isang ina na nakita niya kung papa’no ka laitin ng pamilya ni Alyssa Quijano, tapos ngayon sila pa ang binubuhay mo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Anak, maawa ka sa sarili mo.”

Si Alyssa Quijano ang girlfriend ngayon ni Charice.

LIKE MOTHER, LIKE DAUGHTER? Hindi raw isyu kay Tess ang pagiging tomboy ng kanyang apo dahil nakikita niyang nasa pamilya nila ito.

Ang hindi lang daw talaga niya matanggap ay makipagrelasyon ito kay Alyssa.

Mensahe pa ni Tess sa kanyang apo: “Hindi kami nagagalit, anak, kasi may pamilya naman tayong tomboy, e, di ba?"

Nang tanungin kung sino ang iba pang tomboy sa pamilya nila, sumagot si Tess ng: "Hindi, mommy niya."

Ang tinutukoy ni Tess ay ang kanyang anak na si Raquel.

Kuwento niya, “Noon, oo, nag-uuwi rin ng ganyan… babae… oo, nag-uuwi rin siya ng ganyan.

"Pero nung sinabi kong ’Anak, gusto ko mag-asawa ka,’ kaya pinakasal ko siya diyan sa daddy niya.

“Nung makita ko naman iresponsable, binawi ko, iniuwi ko sa bahay, pinalaki ko sila, binuhay ko sila."

Sabi pa ni Tess kay Charice, “At least, ang mommy mo, anak, naging masunurin sa akin, kasi nanay niya ako, e. Kasi mahal niya ako.

"Ikaw ba, sweetheart, mahal mo ba ang mommy mo?

“Yun ang pinagmulan mo, huwag mong ipahigit, anak, sa ibang tao ang mommy mo.

"Kahit na sabihin na natin matapang siya o maldita, siya pa rin ang ina mo.”

FAMILY FIRST. Muling ipinaalala ni Tess kay Charice na dapat ay mas bigyan ng halaga ang pamilya at huwag ang ibang tao—na halata namang si Alyssa at ang pamilya nito ang kanyang tinutukoy.

Sabi niya, “Ngayon, nandiyan ka sa kanila.

“Sila ang binubusog mo. Sila ang ipinaglalaban mo.

“Marami pa, anak. Natuturuan ang puso kaya nga ang utak, gina-guide ’yan ng Diyos, e, para ’yan lalaban sa puso.

“Huwag mo naman sanang pabayaang tapak-tapakan ng mga pamilyang iyan ang pagkatao mo.

“Mula’t mula pa, anak, tinapakan ’yan.

"Ang masakit, sa damdamin ng mommy mo, nakikita niya kung papa’no ka nila laitin… tapos sila pa ngayon ang binuhay mo. Sila pa ang pinasasarap mo’ng buhay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hanggang kailan ka magkakaganyan?

“Pakiusap, bunso ko, umuwi ka sa mommy mo.

“Hindi talaga puwedeng tanggapin si Alyssa sa pamilya natin, dahil siya’ng una...

"Iyang pamilyang ’yan, anak, mula nung lumalaban ka sa singing contest sa Little Big Star, sila ang sumira sa pagkatao mo.”

THE REAL REASON. Nilinaw ni Tess na hindi ang pagiging tomboy ni Charice ang dahilan ng kanilang hidwaan kundi mayroon pang iba.

May mga obligasyon pa raw si Charice na dapat na i-settle dahil solo na lang daw itong hinaharap at pilit na binabayaran ni Raquel.

"Anak, maawa ka sa mommy mo," umiiyak na pakiusap ni Tess sa kanyang apo.

“Ang mga responsibilidad mo rito, mga taxes mo rito, siya ang nagpapasan. Naaawa ako sa kanya.

"Saan siya kukuha, samantalang ikaw, anak, e, ipinamimigay mo sa ibang tao.

“Hindi kita sinisiraan, sweetheart, ginigising kita. Maawa ka.

"Lahat ng pundasyon na ito, lahat ng ipinundar mo dito, may mga bayad ‘yan, may mga amilyar ’yan, may taxes ’yan.”

CHARICE’S REACTION. Ipinarating ng writer na ito kay Charice ang panayam namin sa kanyang lola.

Paulit-ulit namang humingi ng patawad ang singer sa kanyang pamilya.

Sabi ni Charice, “Ngayon ko lang nalaman na na-interview siya.

“If she really said that, then my lola knows naman how much I love her, and how much I love my family.

“It’s a huge step for me and sobrang huge blessings para sa akin and sana magtuluy-tuloy na."

Dagdag pa niya, “No doubt naman, alam ko naman na nasaktan sila.

"And kaya po sinabi ko noon sa interview na kung nasaktan man ako, I know na masasaktan sila.

“Pero at the same time, wala po akong niri-regret na ginawa ko dahil alam ko po na every move na ginawa ko noon, it was very risky.”

Tungkol naman sa hindi pagtanggap ng kanyang pamilya kay Alyssa Quijano, ayaw nang magbigay ng komento ni Charice.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi lang nito, “Kasi ang hirap kasi sa family ko ngayon, siyempre ang iisipin nila hindi yung kung ano yung naiisip natin ngayon... na I’m free.

“Kung ano ako, yun yung hindi nila maisip sa ngayon.

"Siyempre ang maiisip nila, lahat nung negative na puwedeng yung pag alis or yung dahil ayaw ko na silang makasama—’yan yung maiisip nila, e.

“Sana, again, intindihin na lang dahil hindi madali na tanggapin yung ganitong sitwasyon and I know na it will take time.

"Yun lang talaga… hintay lang.

“You know what, ang family—si Nanay, si Tatay, Mommy, Carl, mga pinsan ko, even my dad—they’re all in my heart, in my mind.

“Siyempre naman kasi, every night talagang siyempre nagsu-sorry ako na nasaktan ko sila.

"But at the same time, every night, nagpi-pray din ako na sana maging okey ang lahat.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN