Joey Reyes reluctant to join other directors in the FDCP film festival: “E, kung magkakasamaan pa kaming loob na matatanda, e, huwag na!”

Direk Joey Reyes on Sharon Cuneta’s weight problem: “Ang sa akin, kung magpapayat siya, hindi lang dahil sa career niya o gumanda siya… kundi for her health.”


Wala pang advice tungkol sa pagbabago sa programming ng TV5 ngayong nag-assume na ng office ang bagong presidente nito na si Noel Lorenzana.

May mga bali-balitang maraming mga existing shows ang ire-reformat at magpapalit ng mga mainstays.

Co-hosts ni Direk Joey sa late night talk show na Ang Latest sina Cristy Fermin, Mr. Fu, at Amy Perez.

Pero kung may pagbabago, hindi raw kokontra ang Ang Latest hosts sa anumang gagawin ng network sa kanilang programa.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Direk Joey sa shooting na dinidirehe niyang comeback movie ni Sen. Jinggoy Estrada, ang Project Tatay.

Kinumpirma ni Direk Joey ang pagpapatawag ni Lorenzana sa lahat ng mga artists at talents ng TV5 para sa isang general meeting.

Detalye ni Direk Joey, “Una muna, news and current affairs, tapos, noong last Tuesday [May 28], lahat ng talents na on-camera and behind the camera…

“Para ipaliwanag ang direksyon kung ano ang tutumbukin ng istasyon dahil bago ang pamamahalaan.”

IMMINENT CHANGES. Natatakot ba siya sa pagbabagong gagawin ng management?

“I think, ang importante, laging may pagbabago, e, hindi ba?

“Mas maigi nang maunahan ka ng pagbabago kaysa maiwanan ka, di ba?

“Kung meron mang pagbabago dahil kailangan na nang pagbabago.

“Kung ano yung reaksyon ko sa pagpapalit ng president at saka iba pang key positions, it think it was coming, e.

“Hindi naman ipinagkakaila ng TV5 ang kanilang estado nitong pinagdaanan ng tatlong taon.

“Hindi naman puwedeng manahimik ka na lang, di ba? Pagmasdan mong dinudugo ka, di ba?”

Nagkamali ba ang TV5 sa kanilang mga desisyon nitong mga nakaraang taon?

“Sabihin nating they’re learning… iba ang industriya ng media e.

“Lalung-lalo na nang pumasok ang TV5, may dalawang higante nang nandoon… hindi yun ganoong kadali.

“Kung ano yung istratehiya nila, natututo sila sa kung ano ang tama at mali.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mali ba yung istratehiya nila? May mga tama, merong mintis.

“Kasi pag umisip ka ng istratehiya, maganda ‘yan sa papel, maganda ‘yan sa implementasyon.

“At pag umisip ka ng istratehiya, may gagawin rin yung dalawang katabi mo na istratehiya rin nila.”

WRITING AND DIRECTING. Bagamat hindi pa naman final, may mga gagawin si Direk Joey sa TV5 sa likod ng kamera.

“May mga kuru-kuro at tsismis-tsismis na magdidirehe ako ng isang show… ng isang sitcom nila.

“At head writer ako ng bagong show nila for a major star.

“And yesterday, I was asked na magku-conduct ako ng workshop para sa mga writers nila na nandoon at magku-conduct rin ako sa mga writers na papasukin nila—mag-a-audition sila.”

Inamin na ni Direk na ang paghe-head writer niya ay para sa bagong TV show ng megastar na si Sharon Cuneta.

Head-writer director rin siya ng uumpisahang sitcom na pagbibidahan naman ni Ryan Agoncillo.

Maliban dito, tuluy-tuloy pa rin ang on-camera hosting niya sa Ang Latest at pati na ang pagdya-judge niya sa Talentadong Pinoy.

“Telenobela siya na panga-araw-araw pero iba-iba ang atake niya.

“Hindi siya yung klase ng huhuhu [iyakan] na klase ng soap opera.”

Pabor si Direk Joey na pasukin na rin ni Sharon ang pagganap sa serye.

“It’s about time. Alam mo, ang memory ng tao hindi puwede sa commercials lang.

“Kailangan iparamdam niya kung ano ang kakayanan niya… at mahirap mapag-iwanan.”

WEIGHT PROBLEM. Anong masasabi niya tungkol sa walang pagbabago sa pangangatawan ng award-winning actress-singer-host?

“Ibang misyon noon sa buhay. Iyon yung bagay na… pinagdaanan ko ‘yan.

“Dati ang laki-laki ko—size 40 na halos ang waistline ko. Tapos, pumayat ako ng bonggang-bongga.

“Kahit anong sabi sa iyo ng tao na ang payat mo, ang taba mo, unless ikaw sa sarili mo, hindi mo mapagdesisyunan na, ‘Ay, papayat na ako…’ Hindi mangyayari yun.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung minsan, ang isang tao laging inuukilkil na, ‘Oy, pumayat ka na? Anong pakialam ninyo?’ Parang mananadya ka!

“Ang sa akin, kung magpapayat siya, hindi lang dahil sa career niya o gumanda siya… kundi for her health.

“Alam naman nating pag excess yung weight mo, mas susceptible ka sa sakit.”

Nagkausap na ba sila ni Mega?

“Ay, oo naman… okay naman siya. Noong nag-meeting kami… basta, kumakain kami noong nagmi-meeting kami.”

Patuloy pa ni Direk, “Ay, excited siya. Nakakatuwa yung project at ibang Sharon—maka-masa.

“Hindi yung Sharon na pa-sweet, kundi Sharon na ordinaryong babae na nakikita mo sa pang-araw-araw.”

JINGGOY MOVIE. Gustuhin man ni Direk Joey na siya ang mag-direk ng project, hindi raw niya kakayanin ang puyatang trabaho sa paggawa ng teleserye o drama soap.

“Dito sa punto ng buhay ko, mas gusto kong magsulat… gusto kong mag-direk pero mas gusto kong magsulat.

“At mas gusto kong mag-train ng manunulat. At kung magdi-direk ako, yung piling-pili na lang… Gusto kong mag-enjoy.”

Ang project naman niya with Sen. Jinggoy ay tungkol raw sa isang byudo na nakakilala ng isang babaeng swindler na gagampanan ni Maja Salvador.

“’Eto ay kuwento ng ama. Hindi naman lahat ng relasyon mo sa babae ay sexual, e.

“Ang ama ay yung ang nag-aalaga at nag-aaruga sa iyo… yun ang tema.

“Tatlo ang anak niya… Mula nang mabyudo siya, ang tumayong nanay-nanayan ng kanyang mga anak ay yung panganay niyang anak na si Empress [Shuck].

“Naging possessive siya sa anak niya na ayaw niyang magka-boyfriend.

“The same manner na ayaw rin noong anak niya na magkaroon siya ng ipapalit sa kanilang ina.

“Si Empress, may boyfriend na pala, si Dom [Dominic Roque].

“Tapos, pinagsu-suspetsahan nila na yung ama nila, e, kinukuwartahan ni Maja… ganoon tatakbo yung kuwento.”

Kumusta naman si Sen. Jinggoy sa muli niyang pagharap sa kamera?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam mo naman ako, isang taon akong tinamad, isang taon akong hindi gumawa ng pelikula, isang taon akong nag-enjoy ng sarili ko.

“E, kung si Jinggoy ang nag-request, hindi ko puwedeng tanggihan.

“Saka, tatay naman talaga yun, e. Tawa nga kami ng tawa dahil si Julian at si Jolo [mga anak niya], nag-aartista.

“Tawa nga kami ng tawa, kasi noong kinukunan namin si Jolo, sinasabi ko, ‘Ano ba ‘yan? Mas ni-nerbyos ka sa anak mo!”

ANOTHER AWARD. Hindi ba napi-pressure si Direk Joey na baka asahan ng mga tao na mabibigyan niya uli ng acting award si Sen. Jinggoy sa pelikulang ito?

“Di ba, sabi ko noon? Oras na mabigyan ko ng best actor si Jinggoy Estrada, magri-retire na ako—e, nakuha!

“Saka yun ang biggest accomplishment ko na si Jinggoy Estrada, na-nominate sa Urian, di ba?

“Kasi, they always belittle him, e, as far as being an actor is concerned.

“They always see him failing by comparison to his father [Joseph Estrada]. He is his own man at napapatunayan niya yun bilang Senador ngayon.

“Yung another acting award? Hindi ko alam… kasi dito, we’re just enjoying ourselves.

“I think ginawa ni Jinggoy itong project na ito dahil nami-miss niya ang mag-artista.”

FILM FESTIVAL ENTRY. Samantala, nabanggit namin kay Direk Joey ang tungkol sa Sineng Pambansa na binuo ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).

Inimbitahan ng FDCP ang mga premyadong director ng industry na maglalabas sa festival ng kani-kanilang mga indie film masterpieces.

Komento ni Direk Joey, “Well, I’m all hoping for the best. I really hope na makasali pa ako.

“Kung ang Film Development will prove na puwede pa akong makasali…

“Kasi, sa ngayon, e, medyo nagkakalabuan pa. Pero alam ko yun na, at least, anim sa kanila ang naka-shoot na… Okey na yun.”

Kung sakaling hindi siya matuloy, ano ang posibleng dahilan?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa akin, wala pa akong pinipirmahan agreement sa kanila, e.

“Alam mo naman ako, maingat akong pumirma. Hindi ako pipirma unless sigurado ako.”

Manghihinayang ba siya kapag hindi siya nasali sa festival na labanan nilang mga mahuhusay at mga batikan industriya?

“Naku, lalo na akong hindi sasali kung labanang ganyan. E, kung magkakasamaan pa kaming loob na matatanda, e, huwag na!

“Hindi ako sasali sa sabong na ganyan! Hayaan mo na silang magkasamaan ng loob.

“Ako, gusto kong sumali dahil gusto kong makagawa ng pelikulang gustung-gusto kong gawin…

“Hindi para ihambing kina Joel [Lamangan], kina Gil [Portes].

“At saka at this point… magku-compete pa ba ako?

“Nakakatuwa nga, e. Una kong ginawa lahat ng script ko, dinonate ko sa La Salle.

“Lahat ng kopya ng script ko at sinulat ko years ago, dinunonate ko sa La Salle.

“Ngayon, dinunate ko lahat ng trophies ko… ibinigay ko nang lahat sa La Salle.

“So, para sa akin hindi na importante yun, e.”

May problema sa inyo ng Sineng Pambansa?

“Ako, nagkaka-problema ngayon, dahil hindi magkasundo yung aking co-producer at yung FDCP.

“Pero para sa akin, kung itinalaga akong makasali, fine. Kung hindi, anong magagawa ko?”

Ang sinasabing co-producer ni Direk Joey ay ang TV5.

Magsasalita na lang raw ng mas malinaw na detalye ang director sa problema nila sa FDCP sa tamang panahon at kapag hindi siya natuloy sa festival.

FREELANCER. Exclusive ba siya sa TV5? Mas nalilinya kasi siya sa istasyon sa dami ng projects niya dito?

“Hindi. Free-lancer ako,” paglilinaw niya.

“Kung bibigyan man ako ng exclusivity, yun ay sa taong magmamay-ari ng puso ko! Ganoon?!” sabay tawa ng malakas ni Direk Joey sa makahulugang punchline.

“Puwede akong gumawa sa Dos [ABS-CBN], sa Siyete [GMA-7], kahit sa INC [Iglesia ni Cristo] channel, puwede akong gumawa.”

Anong isinasagot niya kung bakit hindi na siya gumagawa ng project sa Kapamilya network o sa Star Cinema?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Masaya ang loob ko dahil tinanggal nila ang Fitness First sa ABS, e!” halakhak uli ni Direk Joey.

“Sa Trinoma ako ngayon. E, ang laki ng gastos dahil paglabas mo, siyempre kakain ka, o kaya nagsa-shopping ka.”

Ang pinakahuling project ni Direk Joey sa ABS-CBN ay ang Sharon at ang huling movie naman niya sa Star Cinema ay ang Wedding Tayo, Wedding Hindi.

“Sabihin na lang natin na naiba na prioridad nila ay iba rin sa akin.

“So, magkakatrabaho ba ako sa kanila? Depende… depende sa kung ano ang alok… depende sa kung nasaan ako sa buhay nila.”

Wala ba siyang misunderstanding o sama ng loob sa dalawang nasabing entertainment company?

“Ewan ko, sa akin malinaw… ewan ko sa kanila.”

Baka hindi nila kaya ang kanyang professional fee?

“Ay hindi—doon sa bagay na ‘yan alam kong sigurado ako.

“Kung inisip kong magpakayaman ako sa trabaho kong ito, matagal na akong retirado at siguro nakatira na ako sa Boracay.

“Pero hindi… ang sa akin, pinapairal ko pa rin na gusto ko ang trabaho ko, at ang mahalaga ay yung…

“Sa dami ng pelikulang ginawa ko at sa dami TV shows na ginawa ko, yung may excitement pa ako at may iba pa akong ginagawa.

“Kung gagawin ko pa rin yung mga ginawa ko noong panahong may buhok pa ako… hindi ko na rin gagawin, di ba?” pangwakas niyang saad.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN