Barbie Forteza clueless about former onscreen partner Joshua Dionisio’s return to ABS-CBN

Wala raw alam si Barbie Forteza tungkol sa balitang pagbabalik ng dati niyang kapareha na si Joshua Dionisio sa ABS-CBN. Wala na raw kasi silang komunikasyon magmula nang huli silang magkita noong Pebrero.


Hiningan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng reaksiyon si Barbie Forteza tungkol sa napabalitang pagbabalik ng kanyang ka-loveteam na si Joshua Dionisio sa bakuran ng ABS-CBN.

Marami ang nakapanood nang lumabas si Joshua sa primetime series ng Dos na Apoy Sa Dagat, kunsaan bida sina Piolo Pascual, Diether Ocampo, at Angelica Panganiban.

Ayon kay Barbie, matagal na silang hindi nagkakausap ni Joshua kaya wala siyang alam sa pagbabalik ng dating kapareha sa dati nitong home studio.

“Wala po talaga akong alam. Matagal na rin po kaming hindi nagkakausap ni Josh.

“The last time po na nagkausap kami ay noong magkaroon ng event ang UniSilver.

“Kami po kasi nina Julie Anne San Jose, Bea Binene, Derrick Monasterio, Enzo Pineda, at si Josh nga po ang endorser ng UniSilver Time. That was noong February pa.

“Hindi rin po kami nagkausap nang matagal kasi event nga po iyon at marami kaming ini-entertain na mga fans.

“Yun nga po ang last time na magkita at magkausap kami ni Josh.”

Nakausap ng PEP si Barbie sa mall show niya sa SM Marikina kahapon, June 9. Ito ay kaugnay ng promotion ng kanyang debut album.

Nagulat nga raw si Barbie nang may magsabi sa kanya na bumalik na si Joshua sa Dos at lumabas na ito sa Apoy Sa Dagat.

Sa pagkakaalam kasi ni Barbie, kaya nag-lie low muna sa showbiz si Joshua ay dahil gusto nitong tapusin ang kanyang pag-aaral sa high school.

“Yun nga rin po ang lagi siyang nirarason sa amin noon.

“Gusto na raw niyang makatapos ng high school dahil yung mga classmates nga raw niya ay nasa college na. Napag-iiwanan na raw siya.

“Naintindihan naman namin iyon at wala namang masama sa gusto niya.

“Pero yung bumalik siya sa pinanggalingan niyang network, wala naman siyang nababanggit,” saad ni Barbie.

THE END OF A LOVETEAM. Noong 2002 nagsimula bilang child actor si Joshua Dionisio sa bakuran ng ABS-CBN. Una siyang lumabas sa drama series na Kaytagal Kang Hinintay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nausundan ito ng SCQ Reload, Panday, Maria Flordeluna, Vietnam Rose, Sa Piling Mo, Super Inggo, Margarita, Nasaan Ka Maruja?, Palos, Magkano ang Iyong Dangal, at Agimat.

Lumipat si Joshua sa GMA-7 noong 2009 para gumanap na batang Dingdong Dantes sa Stairway To Heaven. Dito sila unang nagtambal ni Barbie na gumanap namang batang Rhian Ramos.

Dahil naging hit ang tambalan nina Barbie at Joshua, ginawa silang bida sa teleseryeng First Time. Dito sila binansagang “Tween King and Queen” ng Kapuso network.

Nasundan pa ang pagtatambal nila sa Dear Friend: Christmas List, Pilyang Kerubin, Reel Love Presents Tween Hearts, Nita Negrita, at Ikaw Lang Ang Mamahalin.

Sa pelikula ay nagsama rin sina Barbie at Joshua sa Si Agimat at si Enteng Kabisote, Panday 2, at Tween Academy: Class of 2012.

Nang sabihin daw ni Joshua na magko-concentrate na siya sa kanyang pag-aaral, ipinareha si Barbie sa tween actor na si Derrick Monasterio.

Una silang pinagtambal sa Luna Blanca na nasundan ng Paroa: Ang Kuwento Ni Mariposa.

Dahil tinanggap ang tambalan nina Barbie at Derrick, pinagtambal ulit sila sa primetime series na Anna KareNina.

Ngunit ayon sa bali-balita, marami raw naging reklamo si Joshua noon, lalo na sa tambalan nila ni Barbie. Mas nabibigyan daw kasi ng magagandang roles si Barbie kumpara sa kanya.

May nagsabi rin na nagkaroon na raw ng attitude problem si Joshua kaya pinaghiwalay sila ni Barbie bilang loveteam at itinambal ang young actress sa iba.

Wala raw masasabi si Barbie tungkol sa balitang nagkaroon daw ng attitude problem si Joshua dahil noong nagsimulang itambal ang teen actress kay Derrick ay nagte-text pa raw si Joshua sa kanya.

Sabi ni Barbie, “Hanggang doon lang po ang communication naming dalawa noon. Nangungumusta lang siya.

“Tapos bigla na lang siyang tumigil mag-text. Inisip ko na lang po na baka busy na siya sa school.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro nga po, yung pagbalik niya ulit sa kabilang network, yun ang gusto niya.

“Doon naman siya talaga nagsimula at siguro nga, mas masaya siya roon.

“Kung anuman ang desisyon ni Josh, siguro naman ay pinag-isipan nilang mabuti iyon.

“Sana po ay happy si Josh sa ginawa niyang desisyon.

“Kahit saan pa siya, nandito pa rin naman kaming mga kaibigan niya. Hindi naman mababago iyon porke’t nasa ibang TV station na siya,” saad ni Barbie.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN