Joey Paras on why he does not like to be a stand-up comedian: "Unang-una, ayoko ng dinadaot ako."

Bilang isa ring komedyante, ano ang masasabi ni Joey Paras sa kontrobersiya kaugnay ng "rape joke" ni Vice Ganda kay Jessica Soho. Sabi ni Joey, "Naiintindihan ko rin si Vice kasi trabaho niya yun. At siguro, gusto niya talaga na palung-palo dahil comedy bar yung concept. Naiintindihan ko. Pero, sobra rin naman yung point noong na-offend na kabila.”


“Grabe! Ay, grabe!” ang mabilis na sagot ng theater/indie actor na si Joey Paras nang tanungin kung kumusta bang maging "leading lady" ni Dingdong Dantes.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joey bago ang premiere ng pelikulang Dance of the Steel Bars noong Lunes, June 10, sa SM Megmall.

Sa trailer kasi ng pelikula ay tila may "ugnayan" sina Joey at Dingdong, kaya biro tuloy sa gay actor ay siya ang "leading lady" ng Kapuso actor dito.

Pero paglilinaw ni Joey, parehong mga preso ang roles na ginagampanan nila sa pelikula. At may eksena silang tinuturuan ni Joey si Dingdong na magsayaw ng jazz.

Sabi ni Joey tungkol kay Dingdong, “Grabe talaga, ito ang first namin talaga. Sumunod yung I Heart You Pare [2011], pero nauna kasi naming ginawa itong Dance of the Steel Bars, three years ago na.

“Sobrang bait. Sobrang bait ng lolo niyo. Wala akong masabi. Napaka-down to earth.”

Noong unang inalok sa kanya ang Dance of the Steel Bars, wala raw ideya si Joey na si Dingdong ang makakasama niya.

“Noong in-offer, okay lang, go. At saka gusto ko yung role. Maganda siya.

"Noong malaman ko [na kasama si Dingdong], e, di na-excite ako.”

NOT A GAY FILM. Nilinaw rin ni Joey ang impresyon ng iba na baka "gay film" ang Dance of the Steel Bars dahil nga sa eksena nila ni Dingdong na nagsasayaw.

Pero sabi ni Joey, “Hindi, hindi siya gay film.

“Nagkataon lang na gay yung character. At gay rin yung character na napatay ng character ni Dong.

"So, may something yung character ni Dong about gay people.

"Pero dahil sa character ko, napilit ko siyang sumayaw ulit at ang buong preso.”

Ang karakter ni Joey ang naging daan para maengganyo ang inmates na magsayaw.

“Hindi naman siya true-to-life, pero parang ganoon din yata ang nangyari sa mga inmates [ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Yung mga bading din ang rason kung bakit sila sumayaw.

"Nag-start siya sa simpleng exercise. Tapos naging dance.”

Sa hiwalay na panayam ng PEP kay Dingdong, sinabi nitong ang “intimate scene” nilang dalawa ni Joey ang pinakamahirap na eksena para sa kanya.

Sabi naman ni Joey, “Nahirapan siya, kasi mabigat ako, e.”

Kuwento pa niya, “At first, hindi nga kami magkakilala, di ba? Unang gabi agad, yun ang scene.

"Sabi ko nga, kung kinunan yun, at least sa last day namin—pero maganda naman—baka nag-kissing scene na kami!

“E, kasi, hindi rin naman ako dancer na dancer.

“So, parang ano pa ang ibibigay ko dun kung hindi ang emotion, di ba?

"So, bawing-bawi naman ako dun.

"Feeling ko, marami rin ang matutuwa siguro.”

SPECIAL. Marami na rin nagawang indie films si Joey. Pero espesyal daw sa kanya ang Dance of the Steel Bars.

“Sobrang espesyal,” sambit niya.

“Unang-una, hindi lahat ng indie actors, nakakasayaw with the dancing inmates.

"Pangalawa, hindi pa ako nakakagawa ng bilang preso ako, tapos drama siya. Hindi naman siya comedy.

"So, gustung-gusto ko siya.

“Siguro matatawa rin tayo nang slight, pero hindi intentional na nagpapatawa.”

Kumusta naman katrabaho ang Hollywood actor na si Patrick Bergin, na kasama rin sa Dance of the Steel Bars?

Sabi ni Joey, “Hinaharot-harot ko siya!

"Kasi, I used to have a boyfriend, na French boyfriend, na kasing-edad niya. Yung ex ko before, mala-ganoon.

"So, noong nakita ko siya, tinatanong ko siya, ’Would you like to go to the beach?’ Paulit-ulit ako.

“Sweet naman siya. Napaka... umuupo rin siya sa sahig tulad namin.

"Okay siya. Wala akong masabi.”

Nalaman ng PEP mula kay Joey na kaklase niya noon sa University of Sto. Tomas ang isa sa mga direktor ng Dance of the Steel Bars na si Cesar Apolinario.

Lahad ng aktor, “Actually, siya ang nag-recommend sa akin for the role. I believe, pinaglaban niya ako sa role.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sinabi ko naman sa kanya noong nabasa ko ‘to, ’Gusto mo, audition-an ko pa?’

"Gusto ko kasi ang role. Gusto ko talaga ang role.”

Ganunpaman, hindi na dumaan sa audition si Joey at diretsong workshop at rehearsal na raw siya para sa pelikula.



BEKIKANG. Kinamusta rin ng PEP kay Joey ang tungkol sa Bekikang, ang napabalitang teleserye na pagbibidahan niya mula sa konsepto ng direktor na si Wenn Deramas. Pero balitang hindi raw ito natuloy o hindi tinanggap ng ABS-CBN.

“Ano na siya, pelikula na siya,” pagbabalita ni Joey.

Ano ang nangyari at hindi ito natuloy na gawing teleserye?

“Hindi ko rin alam, siguro si Direk Wenn, bilang aking ina, masasagot niya.

"Pero ang alam ko lang, kahit na hindi siya tuloy na TV show, tuloy siya bilang pelikula.”

Ang Viva Films daw ang magpu-produce ng pelikula bilang isa na rin siyang contract star ng Viva Artists Agency (VAA).

Hindi ba siya na-offend nang hindi ito matuloy?

“Hindi siguro offend, tumamlay…” sagot ni Joey.

Nabalita na ang gusto yata ng network ay isang straight actor ang gumanap bilang Bekikang.

“Oo, ang gusto yata nila, parang Bromance, parang Zanjoe [Marudo]," pagkumpirma ni Joey.

"Sabi ko naman kay Direk Wenn, ’Bakit hindi, Direk?’

"Sabi naman niya, ’Ikaw si Bekikang. Sa ‘yo ’to. Kung hindi nila gusto, gawin nating pelikula.’”

Posibleng sa isang linggo na raw magsisimula ang shooting ng Bekikang.

May leading man na ba siya?

“Wala pa, pero, sabi ko nga, ’Bakit hindi na lang si Dingdong? Bilang kailangan natin ng malakas na pangalan for that, kung ilu-launch?’”

Biro namin kay Joey, "loveteam" na talaga sila ni Dingdong pag nagkataon.

Natawa ang aktor at sinabing, “Mabait naman si Dong.

"Actually, may mga projects ako before na ini-invite ko siyang mag-judge. Pumupunta naman siya.

"Sobrang bait ni Dong. Sobra.”

Ano ba ang kuwento ng Bekikang?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi ni Direk Wenn, para siyang Tatay Kong Nanay ni Dolphy noong araw. Para siyang beki na bekikang.”

VICE GANDA’S JOKE. Ngayong nakakontrata na siya sa Viva at gagawin na ngang pelikula ang Bekikang, maaaring sabihin na pa-mainstream na talaga si Joey.

Susunod na ba talaga siya sa ibang gay comedians tulad nina John "Sweet" Lapus at Vice Ganda?

Sagot ni Joey, “Yun ang gusto nila Boss Vic [del Rosario], nila Direk Wenn.

"Pero siyempre, hindi ko pa masasabing doon papunta dahil hindi ko pa naman alam ang mangyayari.

"Pero, yun yata ang gusto nila. Lalo na ang aking nanay, si Direk Wenn.

“So, ako naman, kung saan niya gusto dahil mas may vision siya, okay lang ako, basta may trabaho.

"At saka, kung ikakayaman ko ’yan, why not?”

Pero bawi niya, “Hindi naman, joke lang yun. Pero kung doon papunta, why not, di ba? Sige po.”

Ngunit hindi kagaya ng ibang comedians na nagsimula sa mga comedy bar, si Joey ay nagmula talaga sa teatro.

Sabi niya, “To be honest, hindi ko rin gusto na maging stand-up comedian.

"Itong mga ganito, ginagawa ko lang dahil gusto ko. Nagkakataon na puro comedy, nae-enjoy ko naman.”

Bakit ayaw niyang mging stand-up comedian?

Paliwanag niya, “Unang-una, ayoko ng dinadaot ako.

"Hindi talaga ako pumapasok ng comedy bars. May mga friends ako [na stand-up comedians], hindi ko pinapanood.

"Kahit sinasabi nila na, ’Hindi kita pagtatrabahuhin.’ Pero pagdating dun... ayoko ng ganitong comedy, e.

“At saka siguro, yung training ko sa teatro, ’Ay, sige, sasabihin ko ‘to,’ totally different sa ginagawa nilang sistema na maganda naman din.

"So, bilang naniniwala ako sa aking teachers, parang kakaibang-kakaiba, e. Love ko talaga ang theater.

"Hindi parte ng prinsipyo ko. No offense para sa ibang tao.”

Ano naman ang opinyon niya sa kontrobersiyang kinasangkutan ni Vice Ganda kaugnay ng "rape joke" nito sa broadcast journalist na si Jessica Soho?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nakakatakot, puwede bang no comment?” nakangiting pakiusap ni Joey.

Pero kalaunan ay nagbigay na rin ng kanyang pahayag ang aktor.

Sabi niya, “Siguro, isa lang ang masasabi ko. Malaki na ang responsibilidad kapag naging malaki kang tao—both parties, ha.

"At bottomline lang, e, respeto.

“Kasi kahit naman din ako yung nasa lugar, mahe-hurt din ako.”

Sila naman daw ni Vice ay magkakilala naman at nagkatrabaho na rin sa Sisterakas (2012).

Ani Joey, “Si Direk Wenn ang aming common denominator.

“Pero naiintindihan ko rin si Vice kasi trabaho niya yun. At siguro, gusto niya talaga na palung-palo dahil comedy bar yung concept.

"Naiintindihan ko. Pero, sobra rin naman yung point noong na-offend na kabila.”

Kabilang ba sa mga dahilan kung bakit hindi niya gustong maging stand-up comedian ay dahil ayaw niyang makasakit kapag may ibinabatong joke at kapag may nilalait sa audience?

Sabi ni Joey, “Hindi ko talaga trip.

"Lahat ng humor ko, mataray, pero binabawi ko. May pa-sweet.

"Kasi, ayoko ng umalis ang tao na natawa, pero na-hurt naman.

"At saka, ang tao, iba-iba ’yan, di ba?

"Totoo rin naman na nakakatawa sa iba, hindi nakakatawa sa ibang tao.”

Yun ba ang masasabing kaibahan ng comedy style nila ni Vice kung tuluyan na siyang papasok sa mainstream showbiz?

Sabi ni Joey, “Yung kaibahan namin, host siya, e. Ako, actor.

"Unless, maging host na rin ako. Doon lang siguro natin maku-compare or mapag-aaralan.

"Pero sa ngayon, wala naman akong ways para gawin yung ginagawa niya.

“Ginagawa yun, bilang Vice Ganda.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN