Diva Montelaba rejects offer to pose for FHM because of her plan to join Binibining Pilipinas

Desidido ang StarStruck alumna na si Diva Montelaba na sumali sa Binibining Pilipinas pagkatapos ng kontrata niya sa GMA-7 sa 2015. Dapat daw kasi ay noong 2011 pa siya sumali pero biglang napunta ang franchise ng Binibining Pilipinas sa ABS-CBN.


Sa 2015 ay magsisimula nang maghanda sa kanyang pagsali sa isang national beauty pageant ang StarStruck V First Princess na si Diva Montelaba.

Matagal nang pangarap ni Diva na makasali sa isang malaking beauty pageant. Two years ago pa sana siya nagsimulang mag-training para sumali sa Binibining Pilipinas, pero marami raw naging problema kaya hindi ito natuloy.

Lahad niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Magsisimula na po sana ako ng training. May mga taong tutulong na po sa akin.

“Pero yung unang problem was nasa ABS-CBN na nga yung Binibining Pilipinas.

“It was pretty obvious na hindi ako papayagan ng GMA-7 since meron akong kontrata with them.

“Tapos nagkaroon pa po ako ng show na Time of My Life [2011], kaya ipinagpaliban ko muna yung dream kong iyon.

“Harapin ko po muna itong mga trabaho ko and, eventually, pagtapos ng kontrata ko with GMA-7, puwede na akong mag-start ng training ko."

Dagdag ni Diva, “Hinihintay na nga po ako ng mga gustong tumulong sa akin.

“Sabi ko naman na tapusin ko lang ang mga obligations ko. Kapag okey na ang lahat, I can give my full attention sa training.”

Nakausap ng PEP si Diva sa press launch ng afternoon drama series na Maghihintay Pa Rin sa GMA Network Center last week.

NO TO FHM. Ang kanyang kagustuhang sumali sa Binibining Pilipinas ang dahilan kung kaya’t hindi pa pumapayag si Diva na mag-pictorial para sa men’s magazine na FHM.

Dalawang taon na raw siyang iniimbitahan para mag-pose sa cover ng FHM. Pero may iba pang mga plano si Diva at baka hindi matuloy ang mga iyon kung mag-pose siya para sa FHM.

“Nahihiya na nga po ako sa mga taga-FHM kasi two years na silang nagtatanong kung kailan ako puwede.

“Nagpaliwanag naman po ako na may plans ako to join Binibining Pilipinas. Kapag nag-pose ka na kasi sa FHM, automatic na disqualified ka na to join the contest, di ba?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Gusto ko munang masubukan ang chances ko sa Binibining Pilipinas. Wala namang masama to try, di ba?”

ASPIRING BEAUTY QUEEN. Teenager pa lang si Diva (na ang tunay na pangalan ay Hyacienth Diva Mantalaba) sa kanyang hometown sa Minglanilla, Cebu ay sumasali na siya sa iba’t ibang mga beauty contest.

Ito rin daw kasi ang pangarap para sa kanya ng lola niya.

Saad ni Diva, “Yung lola ko po ang nag-encourage sa akin na sumali sa mga beauty contests sa Cebu noon. Matangkad daw kasi ako at morena.

"Masuwerte naman at nananalo po ako.

“Tuwing may bagong contest, sinasabihan ako ni Lola. Ako naman, join lang po nang join. Naging kontesera na ako sa amin.

“Parang yun na nga ang naging source of income namin noon.

“Tuwing mananalo po ako, hindi lang siya mga sako ng bigas or mga delata or mga beauty products—may cash prize din. Kaya iniipon namin iyon ng lola ko.

“Sa kakasali ko po ng mga beauty contest noon, nakaipon ako ng pang-tuition fee ko for school. Tapos nagagamit pa namin para sa ibang gastusin sa bahay,” pag-alala pa ni Diva.

Ang pinakamalaking beauty title na napanalunan ni Diva ay ang Miss Mandaue City. Ito ang huling title na nakuha niya bago siya mag-audition para sa fifth season ng reality-based artista search ng GMA-7 na StarStruck noong 2009.

Lahad niya, “Ang lola ko rin po ang nagsabi sa akin na pasukin ko ang showbiz.

“Since mahilig na nga ako sumali sa mga beauty contests, kaya ko raw sigurong mag-audition dahil buo na ang confidence ko.

“Magiging stepping stone ko nga raw po ito sa dream kong maging isang beauty titleholder balang araw.”

LOLA’S GIRL. Iyon nga lang ay hindi na makikita ng kanyang lola ang pagsali niya sa Binibining Pilipinas dahil sumakabilang-buhay na ito noong November 2012.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sobra raw nalungkot si Diva dahil isa siyang "Lola’s girl" dahil ito ang nagpalaki sa kanya simula noong ipinanganak siya.

“Hanggang ngayon, naiiyak po ako kapag naiisip ko na wala na ang lola ko.

“Siya kasi ang reason kung bakit nandito ako sa showbiz at siya rin ang reason kung bakit ako excited umuwi ng Cebu parati.

“Ang lola ko po ang kinu-consider kong mommy ko, kasi sa kanya na ako lumaki.

“Siya ang tinatawag kong ’Mommy’ kaya sobra ko po siyang nami-miss ngayon,” naluluhang kuwento ni Diva.

Madrama ang buhay ni Diva at puwede itong gamiting istorya para sa isang drama anthology.

Hindi raw niya nakilala ang kanyang biological father at ang kanyang ina naman ay nagkaroon ng ibang pamilya pagkatapos siyang ipanganak.

Dagdag niya, “Hinabilin po ako ng mommy ko sa lola ko noong baby pa lang ako.

“Ang mommy ko kasi, nagkaroon na ng ibang pamilya. May dalawang kapatid ako sa kanya.

“Lumaki ako na walang ama. Hindi ko siya nakilala.

"Hindi rin ako naging close sa mommy ko dahil nga may ibang pamilya na siya.

“Si Lola lang ang itinuring kong magulang for twenty-one years. Kumbaga, ang buong buhay ko, I owe it all to my lola.

“Kaya sobrang apektado ako noong nawala na siya.”

Kaya nahirapan noon si Diva na iwan ang Cebu para tumira sa Manila nang maging artista na siya sa bakuran ng GMA-7. Pero kung may pagkakataong makauwi siya sa Cebu ay ginagawa niya dahil sa kanyang lola.

“Kapag may bago nga akong show, lagi ko pong ibinabalita agad kay Lola. Sobra po siyang natutuwa at inaabangan niya ang show.

“Ngayon, wala na po akong mabalitaan.

“Sa bahay nga namin sa Cebu, ayoko pang alisin ang mga gamit niya. Maiiyak lang ako kapag ginawa ko iyon.

“Gusto ko munang iwan ang room niya na gano’n pa rin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Darating din ang time na magiging ready na ako at ako na ang magliligpit ng mga gamit ni Lola.

“Sa ngayon, emotional pa po ako kapag naaalala ko siya.

“Ipinagdarasal ko na lang siya parati. Alam kong masaya na siya kung nasaan siya ngayon.

“At alam kong happy siya dahil maayos naman ang trabaho ko dito sa Manila.

“Lahat ng mga pinangarap sa akin ni Lola ay gusto kong tuparin, kaya pagsisikapan ko na ma-achieve ang mga iyon.”

HER REAL FATHER. Wala ba siyang balak na hanapin at makilala ang kanyang tunay na ama?

Sagot ni Diva, “For twenty-one years, nabuhay po ako na wala siya sa tabi ko.

"I think okay naman po ako. Masasabi ko na hindi ko na siya kinailangan sa buhay ko.

“Lahat ng pagmamahal ng isang magulang ay ibinigay sa akin ng lola ko. Tama na iyon.

"Forever ko nang dadalhin ang ipinadamang pagmamahal sa akin ng lola ko. Wala nang hihigit pa doon.”

Paano kung isang araw ay biglang magpakilala ang kanyang tunay na ama? Ano ang magiging reaksiyon niya?

“Siyempre, ang unang reaction ko ay magugulat ako. Kasi nga, never ko po siyang nakilala.

“Puwede ko po siyang kausapin, pero yung matanggap siya kaagad, mukhang hindi gano’n kadali.

“It will take time... mahabang panahon bago ko siya matanggap sa buhay ko.

“But it will be nice to know na hinanap ka ng isang taong matagal na wala sa buhay ko.

“Yun lang siguro ang positive thing na masasabi ko kung sakaling mangyari nga ‘yan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN