Tom Rodriguez happy about public response to TomDen team-up with Dennis Trillo: "Proud ako na kami ang first na ganitong klaseng loveteam..."

Hindi raw akalain ni Tom Rodriguez na papatok ang kanyang tandem with Dennis trillo. Kaya naman, ngayon ay meron nang TomDen.


Isang linggo matapos nagsimulang ipalabas ang My Husband’s Lover, naging usap-usapan ito ng mga manonood.
Patunay dito ang pagti-trending ng teleserye gabi-gabi. Kaya naman, marami ang nag-abang sa rewind nito kagabi, June 16, sa SNBO.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang isa sa bida ng My Husband’s Lover na si Tom Rodriguez pagkatapos nilang mag-duet ni Dennis Trillo sa bagong Sunday musical variety show ng GMA-7 na Sunday All Stars.
Hindi pa rin daw makapaniwala si Tom na gano’n kainit ang pagtanggap ng mga manonood sa kauna-unahan niyang teleserye bilang isang Kapuso.
Ayon kay Tom, “Sobrang overwhelmed. Hindi ko akalain na ganito ia-accept ng mga tao ang show na pinaghirapan naming lahat.
"Grabe, napakasarap pala ng feeling na ganoon.
"Lahat ng comments sa Facebook, sa Instagram, sa Internet... lahat.”
Sa mga komentong nababasa o naririnig niya, saan siya pinaka natutuwa?
Sagot ng bagong Kapuso actor, “Naaaliw ako na parang hindi sila nasasagwaan o nao-off sa tambalan namin ni Dennis.
"Kasi, originally, akala namin ganoon ang mangyayari. Pero hindi, e, kahit mga babae rin, naaaliw, kinikilig sa mga eksena namin.
“Nakakapanibago pero ang sarap ng feeling.”
"LOVETEAM" WITH DENNIS. Sabi nga namin kay Tom na “loveteam” na sila ni Dennis. May tawag na sa kanila, sila na ang “TomDen.”
Natatawang sabi niya, “Yun nga, e. Yung pagkanta namin kanina, akala ko, regular lang na pagkanta. Hindi ko akalain na ganoon sila magre-react."
Ang tinutukoy niya ay ang pagsisigawan ng mga tao sa audience ng SAS kahapon, June 17, at ang pagkakilig nila sa tuwing magtatama ang mga mata nila ni Dennis.
Sambit rin ni Tom nang nakangiti, “Nakakapanibago, pero anuman ang ginagawa namin sa show, nagwu-work at naa-appreciate nila.
“For me naman, I take it as a positive thing."
Although inamin niya na noong simula, nagkaroon siya nang agam-agam na gawin ang ganitong klaseng role.
Dugtong ni Tom, “Siguro lang, ito lang ang masasabi ko na proud ako na kami ang first na ganitong klaseng loveteam.
“Kasi before, kung may nagsabi sa akin a few weeks ago na posibleng ganitong klase, sasabihin ko sa kanila, ’Hindi, nasisiraan na sila ng ulo. Hindi posibleng ganyan. Hindi papatok sa tao.’
"Pero, sobrang mali ako.”
Napanood na rin daw ng mga magulang ni Tom na nasa Amerika ang My Husband’s Lover, at natuwa naman daw sila.
Aniya, “Sobrang saya nila.
"Nang mag-text sila, sinabi nila na naiyak sila.
"Ang sarap ng feeling na kung yung mismong mga taong kakilala mo, nadadala sila, ibig sabihin, we’re doing the right thing, we’re on the right path.
“Nagustuhan ko nga rin ang sinabi ni Popoy [Caritativo, his manager] na noong manood siya, noong second episode pa lang, [sabi niya], ’Pareho ko kayong alaga, Tom. Dapat hindi ako naapektuhan pero noong manood ako, naiyak ako.’”
Gaya ni Tom ay alaga rin ni Popoy si Dennis.


CHARACTER. Nilinaw na rin ni Tom na ang karakter niya sa My Husband’s Lover ay hindi bisexual.
Noong napangasawa niya si Carla Abellana at nagkaanak, nalaman daw niya na bading pala siyang talaga.
Sabi ni Tom, “Hindi siya bisexual talaga. Hindi talaga.
"Noong binabasa ko ang script, yun ang nakuha kong interpretasyon sa karakter ni Vincent. Hindi talaga siya bi.
"Si Eric [Dennis Trillo] talaga ang mahal niya.
“At kahit noong workshop, yun ang fineel ko, hindi yung sensuality.
"Kasi, mas takot ako na ma-feel na hindi maniwala...”
Pero saan nanggagaling ang tila pagiging natural ng pagganap niya bilang homosexual?
“Kailangan talagang i-feel mo ang character. Na hindi mo iisipin ang kasarian. Kailangan mong isipin ang pagmamahal kay Eric.
"From there, buti naman at nagwo-work. Kasi, kapag cut na, kapag nagka-cut na, wala na.
“Kung on-cam na, kailangang buuin mo kung sino siya sa buhay mo.”
Kapag nag-cut na, ano ang ginagawa nila ni Dennis?
“Wala, natatawa na lang kami. Na nakaraos din, nakaraos din...”


AIZA HAPPY FOR TOM. Sa isang banda, nag-tweet naman si Aiza Seguerra na “proud” daw ito sa tagumpay ng pilot week ng My Husband’s Lover.
Naging "ka-affair" ni Tom si Aiza sa ABS-CBN daytime soap na Be Careful With My Heart.

“Oo, grabe, grabe…Aiza is a very good friend.
"Hindi lang siya, si Tita Sylvia [Sanchez], tinawagan ako. Lahat sila, nag-text din.
"It’s a nice feeling. I have their support din. It’s so humbling.
“Kaya nga kami, we’re planning a get-together rin, kami nina Vandolph, Aiza... hopefully matuloy.
"Nami-miss ko na rin ang kulitan namin.”
THE RIGHT DECISION. Sa nangyayari ngayon sa career niya, masasabiba ni Tom na tama ang naging desisyon niya na lumipat ng network?
“I feel... I feel that I am. Ni wala akong kahit konting pagsisisi.
"Although, nami-miss ko ang mga katrabaho ko, I know that I did the right thing.
“I am really happy where I am right now,” nakangiti niyang pahayag.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN