Mark Bautista on Sunday All Stars show concept: “Kapag may competition naman, mas maganda.”

Hindi masyadong iniintindi ni Mark Bautista ang mga text votes ng makukuha ng grupo niya. Sabi niya: “Hindi ko nga sineseryoso yung ano, yung voting-voting. Iniisip ko talaga, mapaganda ang show.”


Isa sa team leaders si Mark Bautista ng bagong Sunday musical variety show ng GMA-7 na Sunday All Stars (SAS).

Ang tema ng Sunday All Stars ay celebrity challenge, kunsaan may apat na team na maglalaban-laban tuwing Linggo.

Sa pilot week ng SAS noong Linggo, June 16, natalo ang team ni Mark na “Tropang Trending” laban sa dalawang team pa na pinangungunahan nina Christian Bautista, Jolina Magdangal, at Jennylyn Mercado.

Backstage, nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng entertainment press si Mark.

Tinanong ng PEP kung ano ang naramdaman niya sa pagkatalo ng grupo nila.

“Well, backstage kasi, nag-usap-usap na. Parang si Jennylyn ang mananalo.

“So, sabi ko, parang ako, hindi na rin ako nag-expect. Enjoy lang talaga.

“Kasi, yun ang briefing sa amin na, parang ito, katuwaan lang talaga. Walang seryosohang competition talaga.”

BY TEXT VOTES. Dapat daw, mangampanya na sila sa fans nila na iboto sila.

“Yun nga lang, malaking bagay yun. Kaya happy na rin kami. Okey rin. At saka, second daw [ang Tropang Trending].”

Aminado si Mark at nakangiting sinabi na “dagdag-stress” daw sa kanya ang pagiging team leader sa SAS.

Linggo-linggo nga naman siyang mag-iisip ng konsepto na ipanlalaban ng team niya.

Pero tanong ng PEP, makakaya ba nilang i-sustain ang team? Lahat kasi silang members ng team at regulars sa SAS ay mga busy rin sa kani-kanilang career.

Sagot ni Mark, “Actually, dito rin, hindi sabay-sabay ang pagre-rehearse. May mga may taping.

“So, may nag-rehearse ng isa lang. Pagdating sa dance, naka-dance rehearsal naman ang lahat. Parang ganoon din.

RESPONSIBILITIES. Bilang team leader, ano ang talagang “main job” niya?

Lahad niya, “Well, as much as possible, ako, may show ako sa Cagayan kahapon.

“Wala ako noong technical rehearsal, wala ako noong Friday rehearsal.

Grabe, kanina, hindi pa ako umabot sa rehearsal kanina. Kaya sabi ko, bahala na, bahala na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, talagang may ganoong instances talaga na hindi mo maiiwasan.”

Si Mark daw ang nakaisip ng concept ng pinerform [perform] nila.

Aniya, “Pero siyempre, may kasamang… Yung sayaw nina Mark [Herras] at Rochelle [Pangilinan], yung choreography noon, yung mga dancers na yun.”

May nagsabi naman kay Mark na parang hindi raw maganda na sa text votes manggagaling ang mananalo.

“Alam ninyo, hindi ko nga sineseryoso yung ano, yung voting-voting," sagot naman ni Mark.

“Iniisip ko talaga, mapaganda ang show. Yun na lang.”

SAS VS. PARTY P. Kung siya ang tatanungin, mas gusto ba niya ang konsepto ngayon ng SAS kumpara sa Party Pilipinas na pinalitan?

“Alam ninyo, sa totoo lang, ang maganda sa concept ngayon, konti lang ang prod [production] namin at limited lang ang artistang kasama.

“So, mabibigyan lahat ng chance, mabibigyan lahat ng highlight.

“At saka, naka-focus kaming lahat sa isang prod na pagandahin.

“Hindi yung marami ka ngang prod, pero, wala ka namang na-memorize na dance step.

“Di ba, parang wala lang din? At least, ito, na-exercise ang creativity namin, lahat-lahat.”

Sa palagay ba niya, mas magki-click ang konsepto ngayon ng bagong Sunday musical variety show ng Kapuso network?

“Ayokong magsalita. Pero so far, gusto ko naman ang concept,” nakangiting sabi naman niya.

“Noong nakita ko na, ‘Uy, okey pala ito, ah.’ At saka, hindi magulo na parang maraming nagaganap. Tingnan natin.”

Ang malaking tanong ngayon ng halos lahat: masu-sustain kaya nila na linggo-linggo ay makakabuo sila ng mga malalaking production number na panlalaban nila?

“Yun lang! Parang, kaya kaya namin? For sure, may mga leader na magiging absent.

“Sinabi na namin sa staff ‘yan. Alam na nila ‘yan.

“So, noong ginawa nila, siguro, may parang substitute na leader na gagamitin.

“Pipili na lang siguro sa isa sa mga member, dancer or choreographer.”

COMPETING AGAIN. Silang apat na raw nina Christian, Jolina, at Jennylyn ang leaders ngayong buwan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero sa mga susunod na buwan, posible rin na mag-iba ng leader at ka-team.

May mga nakapansin na parang nabuhay raw muli ang kumpetisyon sa kanilang dalawa ni Christian.

Anong masasabi ni Mark dito?

“Actually, noong una, ‘Wow, parang Champions ito, ah!’

“Pati yung song na “We Will Rock You,” kinanta namin yun sa opening sa Araneta.

“Kaya sabi namin, ‘Wow, nanumbalik ang mga memories namin!’

Ang Champions na tinutukoy ni Mark ay ang grupo nila noon nina Christian, Sarah Geronimo, Rachelle Ann Go, at Erik Santos. Nagkaroon pa sila ng concert noong 2004 sa noo’y Araneta Coliseum na pinamagatang Night of Champions.

“So, si Shin kasi [Rachelle Ann Go], hindi siya makapag-team leader kasi nga, may Tarzan [The Musical] siya.

“So, yun ang nangyari doon.”

Dugtong pa rin ni Mark, “Pero stress ito...stress na trabaho.

“Kasi siyempre, may mga iniisip pa rin kami outside Sunday All Stars. So, parang another ano ito sa amin, trabaho.”

Gusto naman niya ang ideya na parang bumalik ang kumpetisyon sa kanila ni Christian?

“Well, of course, kapag may competition naman, mas maganda. As long as healthy lang ang competition talaga.

“Siguro, sa panahon ngayon, click ngayon ang competition, reality show.

“Siguro, gusto lang naming ibahin ang concept namin, for a change.”

LIMITED CONTRACT. Hindi naman ikinaila ni Mark na wala na siyang network contract sa GMA-7.

Ang kontrata na lang niya ngayon sa network ay ang pagiging regular niya sa Sunday All Stars.

May balitang hindi na siya magre-renew, totoo ba?

“Well, yung kontrata ko sa GMA is for this show, Sunday All Stars. So, yung mga acting, wala, hindi muna ako.”

Noong isang taon pa raw natapos ang kontrata niya sa GMA-7.

Sabi naman ni Mark, “Sa akin naman, ang nag-decide noon, Viva. So, which is good. Parang makapag-explore ka pa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kung mag-promote ka ng album, puwede kang mag-promote ng album sa ibang shows.

“What’s important kasi, siyempre, gusto rin namin ng malaking venue for promotion.”

Minsan pa lang siyang nakabalik muli sa ABS-CBN at ito ay nang mag-promote siya ng album sa ANC.

“So far, yun muna,” nakangiti niyang sabi.

Diretsahan naman siyang tinanong kung gusto ba niyang bumalik sa Kapamilya network?

“Well, sa ngayon kasi, maganda rin ang treatment ng GMA, especially for this show, which is, important sa akin.

“As a performer, singer, kailangan namin ng venue na parang ganyan, Sunday All Stars, na ma-showcase namin ang talent namin.

“Hindi naman ako actor na pang-acting.

“And since, nabibigyan naman ako ng magandang exposure sa Sunday All Stars, tuluy-tuloy ko muna.”

Pero dugtong din niya, “Well, alam ninyo, ayoko rin magsalita ng patapos.

“Hindi mo rin alam ang magiging desisyon ng Viva na bigla ka na lang na, iba na.

“So, abangan na lang natin, ayoko nang magsalita.

“Sa ngayon, happy ako sa mga nangyayari.

“At least, hindi ka obliged na gumawa ng teleserye.

“Kasi, part ng kontrata mo na kailangan mong magteleserye.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN