Nora Aunor on her Gawad Urian award: “Mas masarap po pala talaga ang pakiramdam kung ang inyong mga kababayan mismo dito sa atin ang nagbibigay ng parangal.”

Sa gitna ng maraming awards na nakamit ni Nora Aunor, hindi niya makakalimutan sa Direk Mario O’Hara. Aniya: “Hindi ako iniiwan ni Direk [Mario]. Lagi ko siyang napapanaginipan at nagpaparamdam siya sa akin.”


Si Nora Aunor ang muling nagwagi ng parangal bilang Pinakamahusay na Pangunahing Aktres, para sa Thy Womb, sa 36th Gawad Urian ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP).

Ang MPP ay isang grupo ng local film critics na kasalukuyang pinamumunuan ni Prof. Tito Genova Valiente.

Ginanap ang awarding ceremonies kagabi, June 18, sa NBC Tent ng The Fort, sa Taguig City.

Sa anim na beses nang pagwawagi niya mula noong 1977, overwhelmed pa rin si Ate Guy sa pagkilalang ito.

Bungad ni Nora sa kanyang acceptance speech, “Napakasarap po ng pakiramdam na ang ginagawa ninyong proyekto ay kinikilala sa ibang bansa.”

Tukoy ni Nora ang mga nauna niyang best actress awards para rin sa Thy Womb.

Kabilang dito ay sa Venice Filmfest/Independent Critics Group (Italy), Asia-Pacific Screen Awards (APSA), sa Brisbane, Australia, at Asian Film Awards, sa Hongkong.

Sa Venice at Australia ay kapwa nanalo ng parangal sina Nora at ang kanyang direktor na si Brillante Mendoza.

Patuloy niya, “Pero mas masarap po pala talaga ang pakiramdam kung ang inyong mga kababayan mismo dito sa atin ang nagbibigay ng parangal.”

MORE AWARDS. Sa local award-giving bodies, pang-apat na ni Nora Aunor ang napanalunan niya sa Gawad Urian para sa Thy Womb.

Una’y sa taunang Metro Manila Film Festival (MMFF) noong December, 2012, sumunod sa Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro (PASADO) noong Abril.

At recently, ang grupong Young Critics Circle (YCC) sa Unibersidad ng Pilipinas ay pormal na maggagawad ng parangal kay Ate Guy sa huling linggo ng Hulyo, 2013.

Ang pagwawagi at kaukulang talumpati ni Ate Guy ay sinalubong ng masigabong palakpakan.

“Katulad po ngayong gabi, nagpapasalamat po ako sa [pagkilalang ito] mula sa isa sa mga prestihiyosong award-giving body—ang Urian.

“Maliban po sa And God Smiled At Me, ang Urian po ang unang-unang nagbigay sa akin ng karangalan bilang Pinakamahusay na Aktres, sa pelikulang Tatlong Taong Walang Diyos (1976), na idinirek po ni Mario O’Hara.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

MEMORABLE. Ang pagpanaw noong isang taon ng kaibigang direktor ay naging malaking dalamhati para sa aktres.

Sa isang naunang panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nabanggit niya ito.

Sabi niya, “Hindi ako iniiwan ni Direk [Mario].

“Lagi ko siyang napapanaginipan at nagpaparamdam siya sa akin.”

Dahilan para maging lalong makahulugan kay Nora ang bago niyang parangal bilang aktres.

“Kaya maraming-maraming salamat po sa mga bumubuo ng Urian at, ah… huwag po kayong magsasawa, ho. Biro lang,” sambit niya.

“Ito ay pagpapatunay ng patuloy na paggawa ng mga pelikulang kapupulutan ng aral at magiging inspirasyon ng mga kapwa artista sa industriya.

“Kaya maraming, maraming salamat po sa inyo. At sa nasa itaas—salamat po!

“Sa mga fans, maraming salamat po!”

UPDATES. Hindi pa tapos ang awards ceremony ay agad hinilingang ma-interview si Ate Guy ng ilang taga-media kabilang ang PEP.

Sa backstage ng NBC Tent nagpaunlak si Ate Guy, bago siya mag-present ng huling major award category.

Sabi niya agad, “Masaya na naman!”

“Sa lahat ng tumatangkilik, marami pong salamat. Kayo po ang nagbibigay sa akin ng inspirasyon.”

Naputol ang panayam nang bumati kay Nora si Cherry Pie Picache, ang aktres na nag-present ng best actress award.

Tuwang-tuwa si Cherry Pie na nag-congratulate kay Nora at nagyakapan ang dalawa sa puntong ito.

“Congratulations, Ate Guy! Napakagaling!” masayang sambit ni Cherry Pie.

“Paanong hindi ka hahanga?!”

Bago natapos ang interview, nagbigay ng update si Ate Guy tungkol sa telemovie na gagawin niya, para sa TV5.

“Sa June 20, mag-uumpisa na kami ng taping ng When I Fall In Love, kasama ko si Pip [Tirso Cruz III],” pagtatapos ni Ate Guy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN