Newbie actor Ruru Madrid takes criticism in stride

May posibilidad na hindi makasama si Ruru Madrid sa Anna KareNina dahil sa dami ng kanyang commitments. Sabi niya, “Siyempre po, marami pong shows na nawala sa akin because of indie films. Pero, para sa akin po, okay rin naman po.”


Kasama si Ruru Madrid sa nanalong grupo sa bagong musical-variety show ng GMA-7, ang Sunday All Stars (SAS), na nag-pilot noong Linggo, June 16.

Sa bagong format ng SAS, apat na grupo ng celebrities ang naglaban-laban sa pagandahan ng production number.

Ang team nina Ruru na “Team Tweet Hearts” ay pinangunahan ni Jennylyn Mercado; habang ang tatlong iba pa ay pinamunuan naman nina Christian Bautista, Mark Bautista, at Jolina Magdangal.

Ang nagsilbing judges ay ang “Big Four” na sina Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Janno Gibbs, at Jaya. Ngunit 50 percent ng kabuuang boto ay magmumula pa rin sa text votes ng mga manonood.

DIFFERENT STEPS. Base sa komento ng apat na judges, lumabas na hindi kabisado ni Ruru ang dance steps dahil hindi raw siya nakakasabay sa mga kasamahan niyang sina Rocco Nacino at Sef Cadayona.

Pero paliwanag ni Ruru sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yung sayaw po namin na yun, sinadya po talaga namin na iba ang sa akin.

“Si Sef po ang nag-choreo sa akin. Sina Sef at Rocco po, pareho sila ng steps, ako po, iba.

“Kaya noong ginawa ko po yun, inakala nila Kuya Ogie, Kuya Janno, na nagkamali ako.”

Bakit hindi niya ito ipinaliwanag noong nagbibigay ng komento sa kanya sina Ogie at Janno?

Sagot ng young actor, “E, sabi naman po ni Ate Jen, okay lang daw po yun. Hayaan na lang daw po."

Pero posibleng ang impresyon ng mga manonood ay nagkalat siya sa naging production number nila. Wala rin kasing ideya ang mga manonood na iba pala ang steps niya.

Saad ng Protégé finalist, “Gusto ko nga po sanang magsalita.

“Kaya lang, hinayaan ko na lang dahil siyempre, judge po sila.

“At saka, bago pa lang po ako sa showbiz.

“At saka, sobrang saya ko rin naman po dahil kami ang nanalo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At saka, si Ate Jen, habang sinasabihan ako nila Kuya Ogie na, ‘Si Ruru ang pinakagusto ko…’

“Si Ate Jen, sinasabi niya na, ‘Hindi, okay lang ‘yan, babawi tayo next week.’

“Si Ate Jen, lahat ng kagrupo ko, yayakapin ako. Sabi nila, ‘Okay lang ‘yan, next week, babawi tayo.’”

Biniro naman namin si Ruru na umiyak yata siya.

“Hindi, hindi po!” natatawang sabi niya. “Natuwa nga po ako, may comedy pa.”



LUCKY RURU. Masuwerte si Ruru dahil isa siya sa iilang Kapuso stars na nakasama pa rin sa Sunday All Stars.

Marami sila noon sa Party Pilipinas, ngunit ang iba ay hindi na tinawagan at nakasama sa bagong Sunday show ng Kapuso network.

Tinanong namin si Ruru kung mas gusto niya ang bagong konsepto ngayon ng SAS.

Aniya, “Actually, parehas lang po.

“Pero dito sa Sunday All Stars, dito po maipapakita ang mga reyalidad.

“Dito po, hands-on, may team leader pa na sobrang tutok.

“One time nga po, parang naiiyak na si Ate Jen, kasi marami raw pong adjustment. Pero sabi namin, okay lang.

“Hindi naman kami puwedeng humindi, baka may masabi sa amin.

“So, okay lang po sa amin.”



UNCERTAIN. Noong huling makausap ng PEP si Ruru, naikuwento niya na excited siya dahil makakasama pa rin siya sa primetime series na Anna KareNina.

Isa sana siya sa magiging leading men ng tatlong bidang babae na sina Barbie Forteza, Krystal Reyes, at Joyce Ching. Pero dahil may mga indie films siyang ginagawa, nagkaroon ng conflict sa schedules niya.

Ibinalita ni Ruru sa PEP na mukhang hindi na naman yata siya matutuloy sa Anna KareNina.

Sabi niya, “Hindi ko lang po alam, kasi hindi raw po yata sure na makakapasok pa ako.

“Ang nagsabi lang po sa akin, yung handler ko. Hindi ko rin po alam, kasi ayaw naman po niyang sabihin sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro po, dahil nga marami akong ginagawang indie, nagko-conflict po talaga.”

Ang dalawang indie films na ginagawa ni Ruru ay ang Bamboo Flowers na sa Bohol ang shooting, at ang Above the Clouds na sa Baguio naman ang lokasyon.

“E, siguro po, nagko-conflict talaga ang schedules.

“Tapos nga po, meron pang My Lady Boss na malapit na pong ipalabas.”

Aminado naman si Ruru na kung hindi siya matutuloy sa Anna KareNina, manghihinayang din siya.

Sabi niya, “Siyempre po, marami pong shows na nawala sa akin because of indie films.

“Pero, para sa akin po, okay rin naman po.

“Kasi, meron naman po akong indie movies at nandiyan naman po ang Sunday All Stars.

“Para sa akin, okay lang po, babawi na lang po siguro sa iba.

“At sabi rin po ni Direk Maryo [delos Reyes, his talent manager], may soap din daw po siya na ipapasok ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN