Jolo Revilla takes oath as Cavite vice governor with girlfriend Jodi Sta. Maria by his side

Nanumpa na si Jolo Revilla bilang pinakabatang bise gobernador ng Cavite kahapon, June 25. Nasa tabi ni Jolo ang kanyang kasintahan na si Jodi Sta. Maria na nagpaalam pa mula sa kanyang trabaho para makadalo sa mahalagang okasyon na ito sa buhay ng actor-politician.


Hindi magkamayaw sa tuwa ang mga taga-Cavite kahapon, June 25, nang bumungad sa red-carpet ng oath-taking ng mga bagong halal na opisyales ng Cavite ang magkasintahang Jolo Revilla at Jodi Sta. Maria.

Si Jodi ang isa sa special guests ni Jolo sa oath taking nito bilang vice governor kahapon na ginanap sa St. Augustine Church ng Sta. Cruz, Tanza, Cavite.

May taping si Jodi ng ABS-CBN daily soap niyang Be Careful With My Heart noong araw na iyon, pero nagpaalam siya na maaga siyang i-pack-up para makadalo sa mahalagang araw na iyon ni Jolo.

YOUNGEST VICE GOVERNOR. Si Jolo ang maituturing na pinakabatang bise gobernador sa edad na 25.

Noong May 15, 2013 elections ay sa kanya ipinagkatiwala ng mga taga-Cavite ang naturang responsibilidad, kasama si Governor Junvic Remulla.

Kitang-kita ang tuwa sa mga magulang ni Jolo na sina Senator Bong Revilla Jr. at Bacoor Congresswoman Lani Mercado.

Napaluha si Jolo bago siya manumpa dahil sabi nga ni Lani, sobrang overwhelmed ang anak sa sobrang kasiyahan sa panibagong bahagi ng kanyang buhay.

Sabi naman ni Jolo sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Bilang isang 25-year [old], malaking pagkakaiba ng isang ordinaryong 25-year-old kung ano mang buhay meron ako ngayon… dahil meron tayong malaking responsibilidad na nakaakbay sa atin, dahil pinagkatiwalaan tayo ng taong-bayan.”

JODI’S "SER CHIEF." Pagkatapos niyang manumpa kay Governor Remulla, nagbigay ng pahayag si Jolo at hindi nito nakalimutang banggitin si Jodi—na sinabi niyang tanging babaeng nagpapatibok sa kanyang puso.

Sabi pa ng bagong vice governor ng Cavite, “Natitiyak ko namang ako lang si Ser Chief sa kanyang tunay na buhay.”

"Ser Chief" ang tawag ng karakter ni Jodi na si Maya sa kanyang amo sa teleserye na si Richard Yap.

Inamin ni Jodi na napakasaya niya nung oras na iyon dahil alam niya kung ano ang hirap na pinagdaanan ni Jolo bago niya ito natupad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Iba naman ang achievement niya sa buhay,” sabi ng Kapamilya actress.

“I know in his heart na dedicated talaga siya, and alam ko na ito talaga ang gusto niyang gawin—na paglingkuran ang mga kalalawigan niya sa Cavite.

“Basta alam naman ni Jolo na nandidito ako para suportahan siya all the way.”

Kaya naman malaki rin ang pasasalamat ni Jolo sa ipinakitang suporta ni Jodi sa kanya, at ito raw ang isa sa nagpapasaya sa kanya.

Pati sina Bong at Lani ay nagpapasalamat din kay Jodi sa ibinigay nitong suporta sa kanilang anak

Pahayag ni Lani, “Sabi ko nga, she’s part of Jolo’s success kaya nagpapasalamat kami sa kanya.

"Talagang nangampanya siya despite her hectic schedule para makampanya sina Jolo at Junvic.

"At magpahanggang ngayon, nandiyan siya para sumuporta at umalalay kay Jolo.”

Dagdag naman ni Bong, “Nakita namin ang pagmamahalan ng dalawa. Kaya ang pasasalamat din namin kay Jodi ang pagmamahal niya kay Jolo.”

WEDDING PLANS. Hindi na rin daw magugulat sina Bong at Lani kung isa sa mga araw na ito ay magpapaalam na ang dalawa para magpakasal.

Pero natawa lang sina Jolo at Jodi at hindi diretsahang sinagot ang tanong tungkol sa isyung kasalan.

Sabi ni Jolo, “Abangan na lang nila ang susunod na kabanata.

“Sa akin, gusto ko, pero antayin natin ang tamang pagkakataon. Nararamdaman naman niya yun.

“Darating din yung tamang panahon na magsasalita kami.”

Sabi naman ni Jodi, “Tingnan natin kung saan path na ili-lead tayo ni Lord.”

Pero masaya raw silang nagbibigay ng inspirasyon at suporta sa isa’t isa.

Mensahe ni Jodi kay Jolo, “Basta alam naman niya na basta kailangan niya ako, nandun naman ako na suportahan siya para sa mga adhikain niya dito sa kanyang lalawigan.

“Nakita ko naman kasi lahat yung pagod, at hindi naman lingid sa lahat na nagkaroon naman ng panganib, pero siyempre na-surpass naman lahat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, I’m very happy na nakapag-take na siya ng oath bilang bagong bise gobernador ng lalawigan ng Cavite.

“Isa siya sa pinaka-goal driven na tao, napaka-sweet, at napakamatulungin niya sa mga taong nakapaligid sa kanya, and he’s very giving.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN