Kris Aquino says Vilma Santos made her want to be a movie star

Kung papipiliin daw si Kris Aquino ng isang show lamang sa lahat ng kanyang shows, ang kanyang pipiliin ay ang talk show niyang Kris TV.


Sa late-night gag show na Banana Nite ng ABS-CBN kagabi, June 25, ay naging bisita ni Jason Gainza sa “Ihaw Na!” segment ang Queen of All Media na si Kris Aquino.

Si Jason ay kilala sa pag-i-impersonate kay Boy Abunda bilang si “Tito Boy.”

Walang gaanong intrigang itinanong si “Tito Boy” kay Kris, pero binusisi niya ang ilang detalye sa buhay ni Kris at ang pamilya nito.

Sa dami ng advertisements na nagawa niya, ano ang hindi pa niya nagagawa at gustong gawin?

Sagot ni Kris, “Gamot na pang-sipon, ubo at lagnat—yun ang wala pa, e.”

Ano naman ang reaksiyon ni Kris na kinagigiliwan ngayon ang dance move niya sa isang fabric conditioner na ini-endorse niya?

“Hindi ko nga alam. Nalaman ko na nga lang, and ‘yan na siya!” natatawang sagot ng TV host-actress.



SHOWBIZ DREAM. Tungkol naman sa pag-entra niya sa showbiz ang napag-usapan.

Pangarap ba niya talaga ang maging isang artista?

“A, oo. Two years old pa lang ako, nag-start na ako.”

As early as that ba ay mayroon na siyang hinahangaan o iniidolong artista?

Sagot ni Kris, “Actually, ang naalaala ko, ang namangha ako, nang makita ko siya in person, ay si Niño Muhlach.

“Mga three or four years old ako… o four or five years old ‘ata, nagsu-shooting sila sa [Hacienda] Luisita. Sila ni Da King FPJ [the late Fernando Poe Jr.].

"Tamang-tama vacation ako, na-meet ko sila."

Ang Hacienda Luisita ay ang lupaing pag-aari ng mga Cojuangco sa Tarlac.

Patuloy na kuwento ni Kris, “Pero ang tumatak sa akin na nagsu-shooting din sa Tarlac ay si Ate Vi [Vilma Santos].

“Kasi, parang nakita ko talaga siya na ang ganda-ganda niya. Ang puti-puti, ang kinis-kinis, at ang bangu-bango.

"At ang bait-bait niya sa akin.

“Sabi ko, ‘I want to be also...’” ang maging artista nga.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



NICKNAMES. Sa puntong ito ay napag-usapan na nila ang tungkol sa kanyang mga kapatid.

Bakit “Ballsy” ang palayaw ng eldest sibling niyang si Maria Elena Aquino-Cruz?

Natatawang sagot ni Kris, “Kasi, noong bata siya, ang taba-taba niya!

“Siyempre, hindi ko alam kaya nagtanung-tanong talaga ako at nag-research ako.

“Sabi ko, ‘Ate, why are they calling you ’Ballsy’?

“Yun, kasi nga raw, noong ipinanganak siya, almost nine pounds siya.

“And to think ang mom ko noon [the late President Corazon Aquino] was like twenty-two years old pa lang.

“Tapos, parang ninety pounds noong ikinasal, tapos noong lumabas yung baby [Ballsy], ang laki-laki talaga!

“So, para talaga siyang bola, so naging Ballsy ang tawag sa kanya.”

Bakit naman “Pinky” ang naging palayaw ng kanyang pangalawang kapatid, na ang totoong pangalan ay Aurora Corazon Aquino?

Natatawa pa ring paliwanag ni Kris, “Ayun, alam ko na kung bakit...

“Kasi nga raw, sa sobrang away-bati sila ni PNoy [President Noynoy Aquino III].

“E, siya yung nakakatanda… parang less than two years ang gap ni Pinky at ni Noy.

“So, every time daw na nag-aaway sila, namumula siya [Pinky] nang husto at nagpi-pink talaga.

“Si Noy daw ang nagsabi na, ‘O, from now on, Pinky na ang pangalan mo.’

“Siya [Noynoy] ang nag-imbento ng pangalan noon when she was about eight or nine years old and Noy was about six.

“Kaya hanggang sa lumaki na at hindi na natanggal.

“Alam mo naman tayong mga Pinoy, mahilig sa mga nicknames.

“Ikaw nga, ang laki mo na, ‘Boy’ ka pa rin,” ngumingising pagbibiro ni Kris kay Jason.



PERSONAL CHOICE. Katatapos pa lang ng fourth season ng Pilipinas Got Talent at ng primetime series niyang Kailangan Ko’y Ikaw, habang patuloy pa rin siyang naghu-host ng Kris TV.

Alin ba talaga sa tatlo ang mas gusto niyang gawin: Ang mag-judge sa isang reality search, umarte sa teleserye, o mag-host ng isang daily morning program?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Medyo napag-isip ang Queen of Talk Shows.

Sabi niya, “Nahirapan ako [sagutin ang tanong]... teka.

"Gusto ko talagang mag-host ng show kasi ako yun.

“Pero, iba rin talaga ang fulfillment ng talent search.

“I mean, much as I love Kris [TV], pero ano... ang sarap makapanood ng the best of what we have [PGT].

“Kasi, yun, natutuwa talaga ako.

“Pero kung isa lang ang matitira, Kris TV siyempre.”

Kinumpirma ni “Tito Boy” kay Kris kung totoo nga bang paborito ng bunsong anak niyang si Bimby ang Banana Split.

“Ikaw, paborito ka niya,” sabi ni Kris kay Jason.

“At saka si Melai [Cantiveros], enjoy talaga siya.”

Paborito ba ni Kris ang Melason loveteam nina Melai at Jason Francisco?

Sabi ni Kris, “Without offense kay Jason [Francisco], pero mas super love ko si Melai talaga.

“I like Jason also, pero I really love Melai.

“Sa totoo lang, nagiging tao ako sa kanya [Melai].

“Kasi, kapag siya ang nakakasama ko, pag nanonood, sometimes we take it for granted na hindi natin nai-explain ang ibang things.

“Siya ang may lakas ng loob na magtanong na, ‘Ano ang ibig sabihin niyan, ano ‘yan?’

"She makes me appreciate life.”

Ano naman ang masasabi niya kay Angelica Panganiban na ini-impersonate siya sa Banana Split?

“You know I like her because she’s beautiful.

“I-impersonate ka na lang ng tao, dapat yung maganda.

“Nakaka-offend pag hindi maganda, di ba?” nangingiting sabi ni Kris.

Kung sakaling gawin ang life story niya, papayag ba siyang si Angelica din ang gumanap bilang siya?

“Oo naman. Ang galing niya!” bulalas ni Kris.

KRIS AS POLITICIAN? Totoo bang gusto ring maging Presidente ng kanyang anak na si Bimby?

“Nasabi lang niya yun noong… wala, kung anu-ano ang sinasabi niya.”

Si Kris, bilang politician?

“Puwede... pero ikaw, mauna ka, hihintayin kita,” nagbibirong sabi ni Kris sa karakter ni Jason bilang "Tito Boy."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

May bago raw siyang pelikulang ginagawa.

“Producer lang ako,” sabi ni Kris.

“Ang working title ay Storky and the Little Bossing, para sa Metro Manila Filmfest siya this year.

“Producer lang ako dito with a special participation.”

Tampok sa pelikula si Vic Sotto, kasama sina Bimby at Ryzza Mae Dizon.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN