Jomari Yllana on son Andrei joining showbiz: "Nagpapakita ng hilig kaya dapat na lang suportahan."

Isang hindi malilimutang karanasan daw ni Jomari Yllana ay ang road trip nila ng kanyang anak na si Andrei papuntang Baguio. Sabi niya, “Ikinuwento ko sa kanya kung ano ang nangyari sa amin ng nanay niya... Pero para sa akin kasi ay it’s about time na para malaman niya ang kuwento at marinig niya ang side ko.”


Katulad ni Jomari Yllana na bumabalik ang hilig sa car racing, ang kanyang anak na si Andrei ay nag-uumpisan na ring kahiligan ito.

Maging sa pag-arte ay nagpapakita na rin daw ng interes si Andrei—ang nag-iisang anak ni Jomari sa dating asawa na si Aiko Melendez.

Nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jomari, inamin nitong wala siyang magagawa kung sakaling sundan ng anak niya ang mga yapak nila ni Aiko.

“He’s fifteen [years old] and, soon, magiging sixteen na siya.

“Wala, e, nagpapakita ng hilig kaya dapat na lang suportahan.

“Ang sa akin lang, kailangang maging handa.

“Gusto ko lang maging ready siya. Bukod kasi sa karera, yung bata, gustong mag-artista.

“Gusto ko lang maging handa para sa kanya.

“Hindi ko kasi kayang ipaubaya sa ibang tao, kaya ako ang naghahanda.

“Kasi mula sa pagkabata, pag tinatanong ko, yun din lang naman ang gusto niya.

“Yun ang bukambibig, e.

"Siyempre, tuwing birthday, di ba? Tatanungin namin, ‘What do you want to be when you grow up?’

“E, ang gusto ay ayan—maging race car driver, tapos ngayon, pati pag-aartista.”



FREEDOM. Tulad ng ibang ama, handa si Jomari na ibigay ang lahat para matupad ang mga pangarap ng kanyang unico hijo.

Sabi niya, “Open ako.

"Personally, kung tatanungin mo ako nang diretso, mas gugustuhin ko na ‘wag na lang.

“Pero hindi natin puwedeng gawin ‘yan, e.

“Hindi natin puwedeng tanggalin ang freedom to choose sa mga bata.”

Ano naman ang masasabi ni Aiko tungkol dito?

“Alam niya ‘yan, e.

“Siyempre, mula pagkabata, alam na niya, e. Wala na rin siyang magagawa.

“Hindi rin namin siya ini-encourage kahit doon sa pag-aartista, pero later part na rin kasi, lumabas yung interes, lalo na sa pag-arte.

“So, pini-prepare na lang naming dalawa—pinagsi-singing lesson namin, workshops... Kailangang nasa tabi niya kami."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi rin maiaalis ang pressure sa kanilang anak dahil parehong award-winning actors sina Jomari at Aiko.

Sabi ni Jomari tungkol dito, “Yun naman ang dadalhin niya. Parang unfortunate na burden na ang expectations sa kanya ay mataas.

“Meron kasi kaming benchmark na iniwan, e.

“Dadalawa lang naman ‘yan, e—it’s either you have or you don’t, di ba? Ganyan lang naman ‘yan.”



AT PEACE. Tapos na rin ang bagyo sa relasyon nina Jomari at Aiko.

Sabi ng aktor, “Yung sa amin ni Aiko, sa dami ng aming pinagdaanan...

“Ang proven sa aming masalimuot na kuwento ay ang genuine naming respeto sa isa’t isa, genuine na pagmamahal namin sa isa’t isa.

“Ako, I’ll define it like that.

“Kung ano ang pinagdaanan niya at pinagdaanan ko, hindi man kami magkasama, pero dahil kami ay isang pamilya na nasira, yung authentic na pagmamahal at respeto, mapa-pass on ‘yan sa mga anak, e—tutularan, gagayahin.

“Ako, ang masasabi ko, sa sarili ko, and I can’t speak for Aiko, ang masasabi ko, meron akong sinave [saved] na ganoon for her and the family.

“And I think, that’s the only thing that’s bonding us together.”



ROAD TRIP. Sa puntong ito ay ibinahagi ni Jomari sa PEP ang isang yugto sa buhay nilang mag-ama na halos magpangilid ng kanyang luha.

Kuwento niya, “Meron kaming road trip [ni Andrei], ini-open up ko ‘yan sa kanya.

“Road trip sa Baguio, bonding lang kami.

“Ikinuwento ko sa kanya kung ano ang nangyari sa amin ng nanay niya.

“Nakikinig lang siya, hindi naman ‘yan nakakapagsalita, di ba?

“It takes a lot para mag-sink in sa kanila, di ba?

“Wala namang comment, wala namang reaksiyon, wala siyang kibo.

“Pero para sa akin kasi, it’s about time na para malaman niya ang kuwento at marinig niya ang side ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dito ay napansin naming namumuo na ang luha ngunit pilit pinipigilan ng dating batang ama.

Sabi pa niya, “Wala naman siyang violent reaction, accepted naman niya.

“Pero alam mong nakikinig. Alam mo naman ang nakikinig lang, di ba?

“Nakikita mo namang parang ina-absorb niya.

“Ang mga lalaki naman ay hindi naman talaga mahilig magpakita ng emosyon.”

Ano ang isang magandang bagay na nagawa ng road trip na yun?

Sabi ni Jomari, “Mas lalo kaming nag-bond.

"First time naming nagkaalaman, naging maliwanag sa kanya ang lahat. Ganoon nga.

“Kung marami man siyang tanong na nasa isip niya, siguro ay marami na ring nasagot.”



GUIDANCE. Dahil teenager si Andrei, inalam ng PEP kung ano ang payo ni Jomari rito, lalo na’t siya ay naging ama at an early age.

Sabi ng aktor, “Tungkol sa girls, sinabi ko lang na kailangan niyang mag-ingat, ‘wag padalus-dalos.

“Hindi basta-basta padadala sa tukso—nandiyan lang ‘yan, hindi nawawala.

“Sa mga kaibigan naman niyang babae, kailangang maging friendly at respectful.

“Kung merong gusto, puwedeng ligawan, sabihin sa amin. Kasi, wala nang ibang magsasabi diyan kundi kami.

“Baka kung turuan ng mga barkada, iba pa ang maituro.

“Sa amin, lalo na ako, ang gusto ko ay maging open lang para hindi nagtatago.”

Pakikialaman ba niya ito sa kanyang lovelife?

Sagot ni Jomari, “Kung ako, hindi.

“Kasi ako noon, hindi rin ako nagpapigil.

“Gagabayan ko lang siya, hanggang doon lang ako bilang ama.

“Kasi minsan, yung pinipigilan ay lalo pang nagwawala, alam mo yun?

“At saka, ang mga lalaki, hindi mo naman mapagsasabihan.

“Siguro naman on his own, matututo rin siya sa bagay na ‘yan.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN