Marian Rivera on Vilma Santos: “Para sa isang katulad niya na napakasikat, napaka-down-to-earth.”

Marian on working with Batangas Governor Vilma Santos: “Talagang sabi ko, kung meron man akong isang ipagpapasalamat talaga na naka-trabaho ko, e, siya yun. Para sa isang katulad niya na napakasikat, napaka-down-to-earth. Ang daming natutulungan, para mag-effort pa siya para mag-text sa ’yo at mag-I love you at padalhan ka ng something sa bahay mo, parang wow, ganoon ba ako ka-espesyal sa kanya?”


Umpisa pa lamang ng press conference para sa FHM 100 Sexiest Women in the World 2013 na ginanap sa Saisaki noong Biyernes, June 28, hindi nag-atubiling magpasalamat kaagad ni Marian Rivera sa mga taong bumoto sa kanya at naging malaking bahagi ng pagkabalik niya sa top slot ng FHM Sexiest poll.

Si Marian ang FHM Sexiest Woman ng 2013 kunsaan nakakuha ito ng 890,490 votes sa kabuuang mahigit 16 million na boto na pumasok sa FHM mula sa online, SMS and print ballots.

Sabi nga ni Marian, “Sabi ko nga, hindi ako ang totoong nanalo kung hindi ang mga taong nagtiyagang bumoto sa akin.”

Tinanong din si Marian kung sa palagay niya, bakit nga siya ang naging number one ngayon.

“Mahirap sagutin, e.

“Siguro, ibabalik ko yan sa mga bumoto sa akin. Dahil sa kanila, kaya nanalo ako,” mapagkumbaba niyang pasasalamat.

Halos lahat naman ay nagandahan at naseksihan sa ayos at suot na damit ni Marian noong presscon.

Si Rajo Laurel daw ang may gawa ng kasuotan niya. Natawa lang ito nang biruin namin siya na “hindi siya masyadong nag-abala” noong araw na yun.

“Hindi nga, kagigising ko lang,” natatawang biro rin niya.

Pero, ano nga ba ang pakiramdam na siya ang number one muli?

Una siyang nag-number one sa FHM noong 2008.

“Siyempre, nakakataba ng puso. Bilang five years ago pa yung dati ko,” saad niya.

NOT EXPECTING. Tila marami naman ang naghahangad talaga na sa pagkakataong ito, siya na nga ang manalo at tanghaling FHM Sexiest Woman.

“Yun na nga ang sinasabi ko na mas masarap na hindi umaasa at kapag binigay sa ’yo, mas masarap na ibinigay sa ’yo, which is, ganun ang nararamdaman ko.

“Thank you sa mga natuwa,” natatawa niyang sabi.

Nagulat pa rin ba siya nang malaman niyang siya nga ang nanalo?

“Ayoko namang sabihin na sobrang gulat na gulat ako. Pero, yung mga fans din kasi, nag-a-update sa Instagram ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sobrang tina-tag nila ko. So, may ideya rin naman ako sa mga nagaganap.

“Pero, siyempre, mahirap pa rin namang umasa kung hindi pa talaga naa-announce,” pag-amin ni Marian.

Masasabi niya bang naging mahirap din ang labanan ngayon?

“Siguro, naging mahirap para sa mga bumoto kasi, nakikita ko sila, nagku-comment sila sa Instagram ko... ’done voting,’ ’done ganito.’

“So, sa lahat ng mga bumoto, thank you. Sa kanila talaga ito. Kasi, wala e, sila ang nag-effort para manalo ako,” saad niiya.

STRONG CONTENDER. Kung tutuusin naman, kahit na may mga nakaraang taong hindi siya ang naging number one, masasabing palagi siyang nagiging mahigpit na contender. Madalas ay hindi siya nawawala sa Top 2 o sa Top 5 ng FHM Sexiest Women polls.

Anong masasabi niya sa bagay na yun?

“Hindi ko alam kung paano ko sasagutin yan. Siguro, ano lang, blessed lang talaga ako sa mga taong nakapaligid sa akin,” nakangiting pahayag niya.

Nagbigay na ng pahayag si Marian na isa siya sa rarampa sa thanksgiving party ng FHM sa July 10. Biniro namin siya na kung ngayong press conference pa lamang seksi na siya, paano pa kaya sa July 10 mismo?

“Sa July 10? Pagpaplanuhan natin yan at sisiguraduhin ko na magiging maganda ang kalalabasan ng pagrampa ko sa FHM,” banggit niya.

Kung titingnan din naman, halos lahat silang 100 babae na pumasok sa listahan ng FHM, masasabing mga seksi talaga. Pero siya ang nangunguna sa lahat.

LOVE YOURSELF.” Ano sa tingin niya ang meron siya na wala ang iba?

Natawa ito saka sinabing, “Ang hirap sagutin niyan. Kasi, kahit gaano ka kaganda, kung hindi mo mahal ang sarili mo, magre-reflect ’yan. Yun na nga ang sinasabi ko na, I love myself talaga.”

Dugtong pa niya, “Dati kasi, parang hindi ako healthy living. Parang kahit ano, puwede.

“Hindi ako nag-e-exercise. Lahat ng gusto kong kainin, mga sweets, kinakain ko. Ngayon, conscious na ako. May sports pa ’ko ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nasulat na rin dito sa PEP ang ginawang sorpresa ng boyfriend na si Dingdong Dantes nang malaman nito na si Marian nga ang nag-number one.

Kaya naman, naitanong din kay Marian kung sa mga sinusuot daw ba nitong damit, lalo na kung may pagka-seksi, kinakailangan pa niyang hingin ang permiso ng boyfriend.

“Hindi na, hindi naman siya bakla, chos!” natatawang biro niya.

Dugtong pa niya, “Ano ba yun, maganda ba ’to? Siyempre, hindi na. Akin na yun.

“Alam naman niya at may tiwala naman siya sa akin na kung anuman ang isusuot ko, alam niya na kaya kong dalhin yun at alam niya na gusto ko yun.”

WORKING WITH ATE VI. Sa naturang presscon, napag-usapan din ang tungkol sa pagka-cameo niya sa pelikula ni Vilma Santos na Ekstra.

Halatang masaya si Marian kapag napag-uusapan ang Governor ng Batangas.

Aniya, “Talagang sabi ko, kung meron man akong isang ipagpapasalamat talaga na naka-trabaho ko, e, siya yun.

“Kasi, hanggang ngayon, may communication kaming dalawa.”

Ano ang mga tine-text sa kanya ni Gov. Vi?

“Wala, Baby Marian, kumusta ka na? Nag-a-I love you siya. Parang ako, kung minsan, ’uy, nag-I love you siya sa akin.’”

Kinikilig siyang talaga?

“Oo!” pag-amin ni Marian.

“Parang sa isang katulad niya na napakasikat, napaka-down-to-earth. Ang daming natutulungan, para mag-effort pa siya para mag-text sa ’yo at mag-I love you at padalhan ka ng something sa bahay mo, parang wow, ganoon ba ako ka-espesyal sa kanya?”

Ano naman ang itinatawag niya rito?

“Ate lang daw, Ate Vi,” nakangiting sabi niya.

May nagtanong naman kay Marian kung sa mga nangyayari, puwedeng sabihin na Vilmanian nga siya at hindi Noranian.

Sabi naman ni Marian, “Well, ayokong mag-comment diyan dahil ayoko ng gulo. Isa lang ang masasabi ko, mahal ko si ate Vi. Good vibes lang.”

NEXT PROJECTS. Kinumusta rin namin kay Marian ang mga susunod niyang proyekto sa GMA-7, lalo na ang paggawa niya ng teleserye.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Malapit ng mag-expire ang kontrata niya sa Kapuso network sa August.

Hindi ba siya gagawa muna ng isang teleserye?

“Well, hindi ko pa alam. Pero siguro, meron kaming mga usap-usapan kung anu-ano yung mga gagawing project. Tingnan natin, kung nasaan ako sa August,” nakangiti niyang sabi.

Bilang malapit na nga ang expiration, posible kayang may bagong soap?

“Soap? Huwag niyo na akong ganyanin, nandiyan ang channel 5 at saka ABS o, nasa Seven. Puwede bang lahat na lang kayo? Freelance na lang ako,” natatawang biro niya.

Hiniritan naman namin ito na, pagiging freelancer na ba ang plano niya?

“Echosera ka talaga!” natatawang sagot naman niya.

“Hanggang August pa ako sa GMA kaya wala akong karapatang magsabi ng kahit na anong network. Basta after August, mag-usap-usap tayo kung nasaan ako.”

IMPENDING TRANSFER? Pinag-aagawan siya ng tatlong networks?

“Hindi naman siguro pinag-aagawan. Siguro, nakikita rin nila ang potensiyal ko bilang isang artista.

“At siyempre, nakakatuwa rin bilang isang artista na kinu-konsider ka nila na mapabilang sa kanilang Kapamilya, Kapuso at Kapatid.”

ALL’S WELL WITH MOTHER. Sa huli, tinanong din namin si Marian tungkol sa naging tampuhan o gusot sa pagitan nila ni Mother Lily Monteverde.

Bagamat nagka-ayos na noong press conference ng My Lady Boss, biglang lumabas naman ang diumano’y speech ni Mother Lily na diumano’y naglalaman ng sama raw ng loob nito sa kanya.

Ayon naman kay Marian, “Naayos na na namin ’yan.

“Nag-presscon na kami, nakapagsalita na si Mother. Nakapagsalita na si Tito Alfie [Lorenzo] regarding Miss Judy Ann [Santos], lahat yan, na-klaro na rin lahat.

“Yun naman ang importante ro’n, na-klaro na ang lahat,” pangwakas na saad ni Marian.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN