German Moreno confirms altercation between Jake Vargas’s driver and Home Sweet Home staff

Kinumpirma ni German Moreno ang insidenteng naganap sa taping ng Home Sweet Home, kung saan sangkot ang driver ng alaga niyang si Jake Vargas at isang staff ng programa. Nag-ugat ang insidente sa hindi raw pagpapasok sa fans ni Jake sa taping.


Nagbigay ng pahayag ang veteran TV host na si German “Kuya Germs” Moreno sa gulong nangyari sa set ng GMA-7 early primetime series na Home Sweet Home.

May lumabas kasing reports na nagkapisikalan daw ang isa sa staff ng show at ang driver ng isa sa cast members na si Jake Vargas.

Si Kuya Germs ang tumatayong manager ni Jake.

Ayon pa sa report, nagbabalak daw idemanda ng staff ng Home Sweet Home ang driver ni Jake dahil sa nangyaring insidente.

Bilang manager ni Jake ay hiningan ng PEP ng pahayag si Kuya Germs, sa pamamagitan ng telepono, tungkol dito.

Kinumpirma niya na mayroon ngang insidenteng naganap.

Sabi ni Kuya Germs, “Totoong nangyari yun sa taping ng Home Sweet Home.

“Medyo nagkapikunan lang si Tito Noli [driver ni Jake] at yung staff.

“Nagsumbong kasi yung fans ni Jake kay Tito Noli na ayaw raw silang papasukin sa taping, samantalang yung mga fans ni Bea [Binene], puwede.

“Kaya naman daw kinausap ni Tito Noli yung staff at tinanong kung bakit ayaw niyang papasukin.

“Hindi yata sila nagkaintindihan, tapos nagkataasan yata ng boses, nagkasagutan, kaya nagkasakitan.

“Pero ang sabi naman daw ng staff, yung kampo daw ni Bea ang ayaw papasukin yung mga fans ni Jake sa taping.”

Bakit daw ayaw papasukin ng kampo ni Bea yung mga fans ni Jake?

Sagot ni Kuya Germs, “Hindi ko nga alam, kasi yung mga fans naman ni Bea, puwedeng pumasok sa taping. ‘Yan yung aalamin ko.

“Hindi ko rin naman alam kung totoo yun, kasi hindi ko pa naman din nakakausap yung nanay ni Bea at yung staff.

“Siguro pag nakausap ko na sila Bea at yung sinasabi nilang staff, dun ko lang malalaman kung ano ba talaga ang totoo at kung ano ba talaga ang dahilan kung bakit umabot sila sa pisikalan.

“Tsaka wala rin namang rason para hindi papasukin yung mga fans ni Jake, kasi yung iba naman puwedeng pumasok.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Mahirap naman kasing magsalita lalo na wala naman ako doon nang manyari, kaya makikinig muna ako sa kani-kanilang sasabihin.”

Totoo ba na dahil sa nangyari ay idedemanda ng Home Sweet Home staff ang driver ni Jake?

“Yun ang sabi, pero ang alam ko, pinagharap na yata sila at pinag-ayos na… yun yung alam ko.

“Kaya okey na yata ang lahat at wala nang problema.

“Pero aalamin ko pa kung ano talaga ang nangyari, kung ano ang totoo.

“Pero ang alam ko ayos na ang lahat, wala nang problema—yun lang yung alam ko.”

Bukas ang PEP sa panig ng lahat ng sangkot sa insidenteng ito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN