Robin Padilla on gay-themed shows: "Wag na tayong mainggit. Baka naman nagri-rate lang kaya binabanatan… huwag na. "

Sa tingin ba ni Robin Padilla ay tanggap na ng publiko ang homosexuality? Sagot ng action star, "Wala na tayong magagawa, in-accept na. In-accept na ’yan ng Pinoy. Number one superstar ng Pilipino si Vice Ganda, so siguro dun pa lang, alam na natin kung sino na, di ba?"


Sa kabila ng pagiging sagradong Muslim, bukas ang isipan ni Robin Padilla pagdating sa usapin ng sekswalidad o gender preference.

Matatandaang hindi kinikilala noon ni Robin ang kapatid na si BB Gandanghari nang magpahayag ito noong 2009 na isa na siyang transgender.

Tumanggi siyang tawagin sa nasabing pangalan ang kapatid at patuloy itong tinatawag sa dating pangalan na "Rustom."

Ngunit kahapon, July 1, ay nag-post si Robin ng litrato sa Instagram na nagpahiwatig na tanggap na niya ang kapatid na si BB.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang miyembro ng press si Robin sa launch ng coffee table book ni Jun de Leon na No Body Is Perfect last Thursday, June 27.

Nang hingin ang kanyang opinyon tungkol sa pag-usbong ng gay-themed TV shows, pahayag ni Robin, “Naku, pinagpawisan ako dun, a!

“E, wala na tayong magagawa, reyalidad na ’yan, e, sa buhay ng tao.

“At alam n’yo naman, tayo’y… mahilig tayong kumopya kung ano’ng nangyayari sa Amerika.

“E, sa Amerika, ’yan ngayon ang sinisigaw nila—gay rights, kung anu-anong klaseng rights…

"E, ibigay na natin kung ano man yung rights na hinihingi.

“TV lang ’yan, huwag na tayong mainggit.

"Baka naman nagri-rate lang kaya binabanatan… huwag na.

“Hayaan na lang natin, hangga’t hindi sila naghahalikan na dalawa dun, huwag na tayo siguro…”

Sa tingin niya ba ay tanggap na ng publiko ang ganung klaseng tema ng palabas?

Sagot ni Robin, “Wala na tayong magagawa, in-accept na. In-accept na ’yan ng Pinoy.

“Number one superstar ng Pilipino si Vice Ganda, so siguro dun pa lang, alam na natin kung sino na, di ba?

“Hindi naman sila masamang tao, mabuting tao sila.

"Sila nga ang masasabi kong talino ng industriya ngayon, ng pelikulang Pilipino… ABS, GMA, sila, sila ang mga nananaig.

“Siguro ano lang, huwag lang maghalikan sa TV, telebisyon naman na yun… iwan na lang nila sa pelikula yun.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tinanong din si Robin kung ano ang masasabi niya at marami pa ring mga homosexual ang nakararanas ng diskriminasyon sa ngayon.

Sagot niya, “Hindi naman mawawala yun, kahit sa mundong ’to, ke gay ka, ke ano kang tao.

“Ako, ex-convict, hindi ako makakuha ng visa, talagang wala tayong magagawa.

“Kasama ang mga KJ [kill joy] sa buhay na ’to! Kasama natin sila, huwag na lang tayong ma-badtrip sa kanila.”

Pabor ba siya sa gay marriage?

“E, siguro problema na ng… kaya ayokong maging senador, e.

“Ayoko nang magkomento diyan o ano… basta ang importante, magkaroon ng pantay-pantay ng karapatan.

“Kung ano man yung mapasang mga batas diyan, labas ako diyan.”

10, 000 HOURS. Samantala, pinili ni Direk Joyce Bernal ang pelikula nila ni Robin na 10,000 Hours na siyang maging entry niya para sa Metro Manila Film Festival.

Isa lang kasi ang maaaring piliin ng lady director bilang MMFF entry kaya’t iba na ang magdidirek sa Torky and My Little Bossing na pagbibidahan nina Vic Sotto at Kris Aquino.

Paliwanag ni Robin, “Naku, baka magalit sa ‘kin si Ms. Kris.

"Ang naganap lang kasi diyan, nauna kaming nag-uusap ni Direk, e.

“Nagte-taping pa kami ng Kailangan Ko’y Ikaw, pinag-uusapan na namin ang 10,000 Hours.

“At siguro nung dumating yung ibang proyekto, ang nanaig sa puso’t isipan ni Direk, maliban dun sa pagmamahal niya sa akin, e, yung isang salita.

“Importante ’yan sa ating mga Pilipino, dapat panindigan natin yung…

"Napag-usapan na namin, matagal na, kaya pinanindigan na ni Direk.”

May isa pa rin sanang entry si Robin sa MMFF, ang Sa Ngalan ng Ama, Ina at mga Anak, kung saan makakasama niya ang asawang si Mariel Rodriguez, mga anak na sina Queenie at Kylie, kapatid na si Rommel, at pamangking si Daniel.

Wika niya, “Ako din naman, dalawa yung entry ko, e. E, ganun talaga. Kailangan mamili ka.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi dito sa mundo, kailangan isa lang talaga.

"Magandang lesson din yun, isa lang din talaga ang tatanggapin mo.

“Huwag mong pagdamutan lahat, maraming nangangailangan ng trabaho.”

HEALTH CONSCIOUS. Dahil sa pagiging bahagi ng photo book ni Jun de Leon na nakatuon sa health and wellness, nalaman ni Robin ang kanyang metabolic age.

Sa edad na 43, may metabolism si Robin ng isang 30 years old.

Sabi niya tungkol dito “E, ’yan yata ang epekto kapag masaya ka sa buhay.”

Ano nga ba ang nagpapasaya sa kanya?

“A, mga anak ko! Siyempre, anak ko, si Mariel, magandang trabaho...

"Siyempre, lahat ng maganda dapat lagi mong tinitingnan.”

Kita naman sa katawan ni Robin na pinahahalagahan niya ang kalusugan.

Wika niya, “Oo, yun naman ang importante dito, e, na mapakita natin na talagang kayamanan ng isang tao yung health niya.

“At ’yan ho ang dapat nating ilagay sa ating mga puso.

"E, alam n’yo naman, nandito tayo sa edad ngayon na gusto natin… akala natin wala nang katapusan—kain, inom!

"Kailangan alagaan natin ang sarili natin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN