Vice Ganda on friendship with Coco Martin: “Kapag umaarte ako, inaartehan din niya ako.”

Matagal nang malapit na magkaibigan sina Vice Ganda at Coco Martin. Kuwento ni Vice, “Hindi naman kasi showbiz yung friendship namin. Naging magkaibigan kami, wala pa kami sa showbiz, kaya mas maganda yung ganoon.”


Natutuwa si Vice Ganda na natupad ang pangarap niyang maging isa sa guest celebrities ng toprating primetime fantaserye ng ABS-CBN na Juan dela Cruz.

Kahapon, July 3, ang first day taping ni Vice sa Kalayaan Road, Quezon City, kung saan dinatnan siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng iba pang miyembro ng press.

Bumisita kami sa set na naka-make up bilang si Santana, ang Reyna ng mga Tikbalang.

May glitters at make up sa buong katawan niya at mahahaba ang kanyang mga tenga.

Kuwento ni Vice, “Yung makeup-an, hirap! Tatlong oras akong mine-makeup-an nila.

"Pagdating ko, make up agad sila sa akin, kailangan pang takpan ang mga tattoo.

“Mabait pa nga ito, e, kasi hindi prosthetics ang ginamit, kasi mahirap kapag prosthetics. Okay na itong special make up.

“Parang mas hirap ito sa Petra,” pagtukoy ni Vice sa launching movie niyang Petrang Kabayo.

Patuloy niya, “Kasi sa Petra, dinidikit-dikitan lang nila ako ng buhok sa mukha, e.

“Sabi ko nga, ba’t pa kinu-costume-an, e, puwede naman akong natural lang, puwede naman as is, e.”



GUEST CELEBRITY. Paano nga ba napunta sa kanya ang role ni Santana?

Kuwento ng comedian, “Actually, noong nanonood ako ng Juan dela Cruz, tapos guest nila si Zaijian [Jaranilla], sabi ko, ‘Ay, may ganoon na pala, every week may iba’t ibang guests.

“Tapos, that same night, tinawagan ako ng handler, pinapatanong daw ni Sir Deo [Endrinal] kung gusto ko raw mag-guest sa Juan dela Cruz.

“Sabi ko, ‘Keri naman.’ At heto kaagad ang role na nasa isip ko.

“Sabi ko, ‘Siguro, tikbalang ako diyan.’ Kasi, di ba, may mga diwa-diwata sila, may mga engkanto-engkanto sila?

“Sabi ko, ’Puwede ako diyan.’ Tapos, nang tinanong ko na kung ano ang role ko, ‘tikbalang’ nga raw.

“Talagang natawa ako. Sabi ko, kapag mga ganyang kuwento, wala na akong ibang role—tikbalang, kapre.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Puwede, iba naman?” natatawang pakiusap pa niya.



FIGHT SCENES. Magkakaroon ba sila ng engkuwentro ni Coco Martin dito, ang bida ng Juan dela Cruz?

“Oo,” kumpirma ni Vice na natatawa pa rin.

“Kasi, sa akin daw ihahampas ang latigo ng kabaklaan, hindi ng katarungan.

“Ako ang dahilan kung bakit mapapalabas ang latigo ng katarungan.”

Hindi masidlan ang kaligayahan ni Vice na magkasama silang dalawa ni Coco.

Bulalas ng box-office star, “Masaya! Actually ka-text ko siya, sabi ko sa kanya, ‘First taping day ko sa Wednesday, excited ako, e. Tutal ayaw mo namang mag-guest sa GGV [Gandang Gabi Vice], di ako na lang ang mag-guest sa Juan dela Cruz.’

“Para magkasama naman kami.”



TRUE FRIENDS. Sa puntong ito ay kinumusta namin ang pagiging magkaibigan nilang dalawa ni Coco.

Matatandaang nagkatampuhan ang dalawa noon at naayos lamang ito sa I-Vice Ganda Mo ‘Ko Sa Araneta concert ni Vice noong May 17.

Dito ay umayat sa stage ang Juan dela Cruz star, habang kumakanta ng “Pusong Bato”, at nag-sorry kay Vice.

“Wala namang nagbago,” sabi ni Vice.

“Nag-artehan lang. Strong naman ang friendship namin ever since.

“Parang hindi naman nakatulong o nakasira sa friendship namin, pampaarte lang.

“Sabi nga ni Gretchen [Barretto], ‘Nagkatampuhan pala kayo [ni Coco], magkatampuhan din tayo, ha?’

“Hindi naman kasi showbiz yung friendship namin.

“Naging magkaibigan kami, wala pa kami sa showbiz, kaya mas maganda yung ganoon.

“Hindi naman kasi malalim ang pinag-awayan namin para maging national issue.”

Sabi pa niya, “At saka pareho kami—maarte.

“Kapag umaarte ako, inaartehan din niya ako.

"Pero hindi kami nag-uusap. Nag-uusap kami sa ibang tao, nag-aaway kami sa ibang tao.

“Yung ganoon, yung puro kami pasabi, yung ganoon.

“Kasi, ang dami naming common friends, e, pero never kaming nag-away na parang nagsasagutan. Hindi, puro kami pasabi.

“At saka pag pikon na kami, saka mag-uusap sa telepono.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tsaka siya nagte-text na, ‘Ano ba? Tama na! Nabubuwisit na ako!’ Yung mga ganoon.”



INTRIGUES. Ano naman ang usual na ikinapipikon nila, lalo na galing sa ibang tao ang mga naririnig nila?

Ani Vice, “Yung galit ako, tapos galit din siya, yung walang nagpaparaya—umaasim ako, umaasim din siya, tikisan kaming dalawa.

“Dahil nga sa guesting sa GGV, yun lang.

“E, nagpupumilit ako, e, may dahilan naman talaga siya, e, nag-uumarte ako.

“Tapos, nakita ko na nag-guest siya sa iba, doon na ako nagtampo, ‘Ah, ganoon pala… sa iba puwede, sa akin, hindi.’”

Malalim daw talaga ang pinagsamahan nilang dalawa.

Kuwento pa ni Vice, “Iba kami ni Coco.

“Ang dami kong kaibigan na best friends ko dahil kami ang laging magkasama.

“Kami yung laging nagkakampihan, pero hindi pa ganoon katagal ang pinagsamahan namin.

“At saka yung mga friendship na nagsimula lang dahil magkatsikahan kayo.

“Tapos, dahil sa araw-araw kayong magkausap, dahil best of friends kayo.

“Kami ni Coco, kahit hindi kami nag-uusap, ang tawag niya sa akin ay ‘Bes,’‘Besti,’‘Best Friend,’ ganoon.

“Hindi namin kailangang magkita, magkatrabaho araw-araw para mag-continue ang friendship naming dalawa.”



REWIND. Tuloy nagbalik-alaala si Vice kung paano naging ganoon sila ka-close sa isa’t isa.

Ayon sa kanya, “Matagal na, comedy bar days.

“Tapos siya, bago pa siya mag-Masahista [unang indie film ni Coco].

“Yung mga pinsan niya, kabarkada ko, tapos may mga pinsan siya sa Punchline [comedy bar] dati na naging kabarkada ko.

“Doon ko siya na-meet, kaya hindi pa kami nagsu-showbiz.”

Sabi pa niya, “Noon, lagi siyang nanonood ng gig ko sa comedy bar, lagi siyang nandoon. Kapag may special show ako, nandoon siya.

“Sobrang close talaga ako sa mga kamag-anak niya, punta ako sa lugar ng mga tiyahin niya na parang mga nanay ko, kaya parang family talaga.

“Tapos pumupunta sila sa bahay namin.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Inamin ni Vice na hindi niya nagustuhan si Coco.

Pagri-reveal ng komedyante, “Hindi, kasi ang crush ko dati yung kapatid niya.

“Ayaw nga niya na nagdyu-dyowa [boyfriend] ako.

“Yung ang feeling niya, kuwartahan.

“Ganoon talaga siya tsumika, kaya minsan ay napipikon ako.

“‘Ay, ‘yan ba ang dyowa mo?’ Tsitsikahin niya, ‘Ano naman ang ibinigay sa iyo, binigyan ka ng motor?’ Oo, ganoon.

“Tapos, kapag may nababalitaan siya, maririnig o may nababasa, tatawag ‘yan, ‘Oy, nabasa ko kay ganito ka nali-link, big time ka, ha? Samantalang dati alam ko kung magkano ang inaabot mo.’ Yung ganoon.

“Napipikon ako kasi minamalditahan niya talaga yung mga boys ko, ayaw niya.

“Yung parang ipinapahiya niya para simpleng mawala.”



MISUNDERSTANDING. Naniniwala naman si Vice na lahat ng ito ay bilang concern lang ng aktor sa kanya.

“Oo,” diin niya.

“Noong huling nagdramahan nga kami, naospital siya, aba, nag-text! ‘Kinumusta lang naman kita, ang dami mo nang sinabi.’

“’Di ba,’ sabi ko, ‘kung pareho na tayong wala na sa showbiz, ako ang mag-aalaga sa iyo, ang mga anak ko ang mag-aalaga sa iyo?

“’Hindi ka naman seseryosohin ng mga lalaking ‘yan.’ Ganoon siya.

“Sabi ko sa kanya, ‘Para namang nakausap mo ang Diyos kung ano ang mangyayari sa buhay ko.’

“Hindi ako naniniwala sa kanya, naniniwala ako na merong may magmamahal sa akin sa mundong ito.

“Sa bilyong tao sa mundo, isa man lang siguro doon ay magmamahal sa akin.

“Hindi man sa Pilipinas, baka sa ibang bansa.

“Huwag nga siyang mangingialam sa akin!” natatawang pagtatapos ni Vice.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN