Former bold star Maureen Mauricio expresses desire for showbiz comeback

Maureen Mauricio on being a former bold star: "Yun ang nakaraan ko, e. Nakilala ako dati sa ganung trabaho, wala akong magagawa. Ang importante, alam ko na may respeto ako sa sarili ko at hindi ko ikinalakal ang sarili ko noon kahit sabihin pang sexy star ako dati."


Nais bumalik sa pag-arte ng dating bold star na si Maureen Mauricio.

Si Maureen ang isa sa pinakasikat na bold star noong ’80s.

Noong 1986 nga lamang ay sampung pelikula na kinatampukan niya ang ipinalabas: Unang Gabi, Sumagad Sa Laman Tumagos Sa Buto, Tukso Sa Mundo, Hayok, Sabik... Kasalanan Ba?, Nag-aapoy Na Gabi, Huwag Pamarisan: Kulasisi, Pagsabog Ng Galit, Hapdi, at Di Maghilom Ang Sugat.

Ngunit dahil nakitaan ng husay sa pag-arte ay nabigyan siya ng drama roles ng ilang award-winning directors: Lino Brocka (Gumapang Ka Sa Lusak, 1990); Mel Chionglo (Sibak, 1994); Gil Portes (Mulanay: Sa Pusod Ng Paraiso, 1996); Chito Roño (Curacha: Ang Babaeng Walang Pahinga, 1998); Joel Lamangan (Abandonada at Deathrow, 2000); at Jose Javier Reyes (Tikim, 2001).

Halos tatlong taon ding hindi gaanong naging aktibo sa showbiz si Maureen, kahit manaka-naka’y nagkakaroon siya ng guest appearances; gaya ng GMA-7 primetime series nina Dingdong Dantes at Marian Rivera na My Beloved (2012).

Sa pocket interview ni Maureen Mauricio sa Afters Café sa Tomas Morato, Quezon City, kahapon, July3, inalam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang dahilan kung bakit gusto niyang maging aktibo muli sa showbiz.

Saad niya, "Artista kasi kaya nami-miss ko. Gusto ko na rin kasi uling magtrabaho.

“Noon kasi yung nanay ko—very close yun sa akin—ay nagkasakit ng diabetes. Ayaw ko na wala ako sa tabi niya.

"Saktong nasa hospital siya, ang daming naging offer. Kaya hndi ko natanggap ang mga offers.

“Kasi, gusto ko ay alam ko lahat ng sitwasyon na nangyayari sa nanay ko

"Tapos nung nawala siya, feeling ko ay natamad ako.

"Pati phone calls ay ayaw kong tanggapin. Kahit mga tawag ng kaibigan ko, ayaw kong sagutin.

“Basta sa bahay lang ako... linis ng bahay at kung anu-ano. Walang magawa, e.

"Hanggang nito nga, nang mag-birthday ako nitong June 23, naisip ko, sige, kung puwede pa at may tutulong, gusto ko nang magbalik sa pag-arte.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Na-inspire din daw si Maureen sa ibang artista noon na muling nagiging aktibo sa paggawa ng drama shows sa telebisyon, tulad ni Tetchie Agbayani.

Aniya, “Nai-inspire [ako] kapag naririnig ko yung ganun. Yung mga dati ay nagbabalikan na kahit siyempre iba na ang roles nila before.

“At saka, kapag may nagsabi sa akin na ‘sayang naman, magaling ka,’ nai-inspire talaga ako.

"At ang laking bagay sa lakas ng loob ko para bumalik ulit. Thank you.

“Kung may mag-o-offer, pagbubutihan ko pa. Aayusin ko at talagang work… work na talaga.

"E, ganun naman dati pa, pag work, work talaga.

“Pero, yun nga, hindi na on and off. Hindi na yung dati na hinto tapos tuloy na naman. Trabaho tapos hinto na naman.

"Hindi na puwede yun ngayon.”

WEIGHT PROBLEM. May panahong naging sobrang taba ni Maureen kaya nawala rin ang self-confidence niya.

Saad niya, “Ay, oo. Naging 170 pounds ako nun. May time nga na umabot pa ako sa 200 pounds.

“Tapos yun, nagulat ako na parang bumalik ako sa timbang. Hindi ako naman ako sobrang diet, nagkakape lang ako.

“Kasi nung nag-aalaga ako sa nanay ko, ang nasa isip ko, ‘Ano ba yung puwedeng gising lang ako.’

"Tapos yun nga, minahal ko ang kape hanggang sa maramdaman ko na kapag nakakainom na ako, ayaw ko nang kumain.

“Yun, itinuluy-tuloy ko na yun hanggang maging ganito na uli ako.

"Yung self-confidence ko na makita uli sa telebisyon at movies, naibalik ko na rin.

“So ngayon, kahit ano’ng role na bagay sa age ko, go ako.”

MAUREEN’S PAST. Gustuhin man niyang maging isang seryosong aktres, hindi maiwasang may mga tao pa ring mag-uungkat sa kanyang nakaraan bilang bold star.

Hadlang ba ito sa kanya?

Sabi ni Maureen, “Ako naman, hindi naman ako nakaranas na mabastos.

"Pero tama yung sinabi mo na kapag nakikita nila si Maureen, ang reaksiyon nila ay ‘Iyan yung dating sexy star... bold star.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman natin puwedeng i-please lahat, e. Opinyon nila yun.

"Hangga’t hindi naman nila ako binabastos nang harapan, no problem.

“E, yun ang nakaraan ko, e. Nakilala ako dati sa ganung trabaho, wala akong magagawa.

"Ang importante, alam ko na may respeto ako sa sarili ko at hindi ko ikinalakal ang sarili ko noon kahit sabihin pang sexy star ako dati.

“Hindi ako apektado.”

MAUREEN’S CHILDREN. Maging sa tatlong anak na babae ni Maureen ay hindi raw naging isyu sa kanila ang dating imahe niya.

Pahayag niya, "Hindi, kasi sa age nilang four [years old] noon ay kinakausap ko na sila hanggang sa edad na nakakaintindi na sila.

“Sinabi ko na, ’Ang nanay n’yo, dating ganyan. Ganito ang trabaho ko before.’

"Wala akong regrets na ginawa ko yun kasi nakatulong ako ng malaki sa pamilya ko.

“Hindi naman ako naging pariwarang ina, hindi ako naging pabayang ina.

"So, sabi ko sa kanila, ’Wala kayong karapatan sa akin na sumbatan ako.’

“Wala silang makikitang pictures ko noon. Wala.

"Iningat-ingatan ko naman yun na hindi nila makita. Yun ay para naman sa akin lang.”

Inalam ng PEP kay Maureen kung may pagkakataon bang naapektuhan ang kanyang mga anak dahil na-bully ito sa eskuwelahan dahil sa pagiging bold star niya noon.

Kuwento niya, “Actually, heto, nag-aral sila sa isang Chinese school... yung panganay at pangalawa ko ay nag-aral dun.

"Hindi ko nga alam na nakipag-away, e.

“Walang nakarating sa akin. Nalaman ko na lang nang magta-transfer na lang sila na na-office pala sila.

“Ang dahilan? Sinabihan sila na, ‘A, nanay n’yo bold star!’

"Ang sabi ng panganay ko, ’Masyado kang inggitero kasi ang nanay mo pangit.’

“Walang nakarating sa akin nun. So, walang umiiyak na umuwi sa akin.

“Siyempre, medyo lang naapektuhan ako kasi totoo naman, e.

"Yun nga ang ini-explain ko sa kanila na, ‘Huwag kayon mag-alala, hindi naman nagbenta ng laman ang nanay n’yo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Sorry, pero hindi naman talaga. Sorry kasi kung hindi nagganun ang nanay n’yo noon, wala kayo diyaan.’

“Basta, thank you, thank you na lang.”

Inalam ng PEP kay Maureen kung ano ang masasabi niya na karamihan sa ibang bold stars ay hindi naging maganda ang buhay ngayon? Mayroong nalulong sa drugs at alak, mayroong naging katulong at asawa ng magsasaka.

Sa kaso ni Maureen, nakapag-asawa siya ng isang negosyante at maganda ang takbo ng buhay niya ngayon.

Saad niya, “May naririnig nga akong ganun. Pero para sa akin, choice din kasi nila yun.

“Nabigyan sila ng pagkakataong baguhin ang buhay nila pero sana ay pinangalagaan na lang nang maayos.

"Pero siyempre, ayokong manghusga kasi di ko naman alam ang reasons nila.

“Mahirap kasi mag-judge kasi iba’t ibang kuwento naman ang buhay namin.

"Kung okay man ang buhay ko ngayon, siguro dahil ginusto ko rin at suwerte ko na rin.

“Pero siguro yung iba ay masaya naman sila sa buhay nila. Like, si Cristina [Crisol], simple lang ang buhay niya, pero alam ko masaya siya.

“Ang alam ko nga U.S. citizen siya, pero parang kinatamaran na niyang ayusin ang papers niya o baka ayaw na niya, kasi nga, masaya siguro siya sa buhay niya ngayon.

“Ganun lang talaga.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN