Cha-Cha Cañete competes in the World Championship of Performing Arts: “Gagawin ko naman po ang lahat para po manalo ako.”

Maraming singing idols si Cha-Cha Cañete. Paglalahad niya: “Sa international po talaga, sina Taylor Swift, Miley Cyrus, Adelle. Tapos dito sa local, Sarah Geronimo and Lea Salonga po—magagaling po kasi silang kumanta.”


Marami ang nagulat at natuwa nang ipakilala ang Goin’ Bulilit star na si Cha-Cha Cañete bilang official representative ng Pilipinas sa nalalapit na World Championship of Performing Arts (WCOPA) na gaganapin sa Hollywood, California.

Naganap ang pagpapakilala kay Cha-Cha sa pocket press conference ng Goin’ Bulilit noong Miyerkules ng gabi, July 3, sa Mr. Miyagi Grill sa Q.C.

Si Cha-Cha ang pinakabatang delegate ng Pilipinas para sa prestihiyosong music competition.

Taun-taon ginaganap ang paligsahan ng WCOPA na dadaluhan ng pinakamagagaling na performing artists mula sa iba’t ibang bansa.

Bukod sa pagiging mainstay ng longest-running kiddie gag show na Goin’ Bulilit at Biyaheng Bulilit ng Studio 23, si Cha-Cha ay nakilala sa kanyang mga TV commercials (TVC) ng Camella Homes.

Ano ang pakiramdam nang malaman niyang ilalaban siya sa ganito kalaking kumpetisyon?

“Medyo nagulat din po ako at saka excited din po,” nakangiting sabi niya.

GOOD CHANCE. Tatlong taon na ring nagbu-voice lessons si Cha-Cha, at sa parehong magulang daw niya namana ang husay sa pag-awit.

Nagkaroon na rin si Cha-Cha ng solo album dalawang taon na ang nakararaan, ang Bulilit Rockstar, na nagpakilala sa magandang boses nito.

Ayon naman kay Gerry Mercado, isa sa mga naging hurado sa WCOPA, malaki ang chance ni Cha-Cha na makapag-uwi ng gold medal.

Bukod sa magandang boses, malaking bagay ang pagiging bata pa niya na isa sa kinagigiliwan at hinahangaan sa WCOPA.

Dahil walong taon pa lamang si Cha-Cha, lalaban siya sa Junior Division na may limang kategorya—Broadway, Pop, Gospel/Inspirational, Open at Original.

SHOWBIZ IDOLS. Ang tunay na pangalan ni Cha-Cha ay Trisha Luise Cañete at kasalukuyang siyang nasa Grade 3 sa Diliman Preparatory School.

Hindi ba siya nahihirapang pagsabayin ang pag-aaral at pag-aartista?

“Okay naman po,” sabi ni Cha-Cha na isa sa top honor students.

Bukod sa pagiging artista, pangarap pa rin ni Cha-Cha na maging isang nurse. Pero sino ang mga gusto niyang tularan sa showbiz?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa international po talaga, sina Taylor Swift, Miley Cyrus, Adelle.

“Tapos dito sa local, Sarah Geronimo and Lea Salonga po—magagaling po kasi silang kumanta.”

PROUD CO-STARS. Masaya naman para kay Cha-Cha ang mga co-stars niyang bulilit din sa Goin’ Bulilit, gayundin ang mga directors nila na sina Direk Edgar at Frasco Mortiz.

Ano ang sinabi nila nang malaman nilang pupunta si Cha-Cha sa Los Angeles para mag-compete sa WCOPA?

“Sabi po nila, galingan ko raw po. Sabi po nila, sana raw, manalo raw po ako,” saad niya.

Naniniwala ba siyang mananalo siya sa WCOPA?

“Opo,” nakangiti niyang sagot.

Kung sakali at hindi siya palarin, ano ang masasabi niya?

“Okay lang naman po, may time rin naman po kasi, na hindi pa pala ito ang time.

“Pero, ako naman po, gagawin ko naman po ang lahat para po manalo ako.”

EXCITED. Sa Davao naka-base ang mga magulang at isang kapatid ni Cha-Cha dahil sa kanilang food business doon.

At dahil hindi pa pwedeng maiiwan ng mga magulang ang kanilang negosyo, ang tiyahin ni Cha-Cha ang sasama sa kanya sa America.

Bukod sa competition, tulad ng ibang bata, ang isa sa nakakapagpa-excite kay Cha-Cha sa pagpunta sa Amerika ay ang makapasyal dito.

“Hindi pa po kasi ako nakakapunta ng America.

“Bale, first time ko po ngayon, kaya excited din po ako na makapasyal sa Disneyland at saka sa Universal Studios.”

Hindi naman pinabayaan nina Senator Manny at Cynthia Villar ang kanilang endorser dahil sila raw ang sumagot sa plane ticket ni Cha-Cha.

Ngayong July 12 hanggang July 21 na gaganapin ang tinataguriang “Hollywood Olympics” sa larangan ng performing arts.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN