My Little Juan star Izzy Canillo on being a good role model for kids: “Masaya rin po ako na marami na kaming natuturong magagandang asal sa mga bata.”

Izzy Canillo on his newfound stardom: “Pag lumalabas po ako, ang dami nang tumatawag sa pangalan ko o kaya minsan Little Juan tapos nagpapa-picture, nagpapapirma. Kaya po natutuwa rin ako kasi ibig sabihin napapanood nila yung show ko. Tapos sasabihin nila ang galing ko raw umarte. Ako naman po nagte-thank you.”


Dream come true para sa My Little Juan star na si Izzy Canillo na maging bida sa sarili niyang teleserye.

Ramdam na nga raw niya na sikat na siya dahil marami na ang nakakakilala sa kanya sa tuwing lumalabas siya. Pero nananatiling humble at simple ang Kapamilya child star.

“Pag lumalabas po ako ang dami nang tumatawag sa pangalan ko o kaya minsan Little Juan tapos nagpapa-picture, nagpapapirma.

“Kaya po natutuwa rin ako kasi ibig sabihin napapanood nila yung show ko. Tapos sasabihin nila ang galing ko raw umarte. Ako naman po nagte-thank you,” sabi ng bibong nine-year old.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Izzy sa pocket presscon na inihanda ng ABS-CBN at Dreamscape Entertainment Television para sa kanya sa 9501 restaurant noong Hulyo 5.

HUMBLE BEGINNINGS. Kasama ni Izzy ang kanyang Daddy John Jay sa presscon at hindi raw nga nito inakala na magiging artista ang anak dahil ang isa pang anak niya raw talaga ang mahilig sumayaw o mag-perform.

Noong five years old daw si Izzy ay nagulat na lang daw sila nang mangulit ito para mag-audition sa Star Circle Kid Quest.

Kuwento nga ni Izzy tungkol dito, “Nag-audition po kasi ako sa SCQ. Nakita ko po sa TV bakit parang ang daming bata, parang ang daming sayaw nang sayaw.

“Sabi ko po, ‘Dada [tawag niya sa kanyang daddy], para saan po ba iyan?’ Sabi niya para daw po maging artista. Tapos after three days po nagpa-text po ako. Sabi ko, ‘Mommy, text mo iyan. Gusto kong mag-artista.’ Kinulit ko po nang kinulit.

“Tapos yun hanggang ano po pumunta po kami doon [sa ABS-CBN]. Siguro nasa three thousand po lahat yung nag-audition.”

Nakapasa naman si Izzy sa audition hanggang mapabilang siya sa finalists at tanghaling first runner-up sa grand finals. Kalaban niya sa contest na ito ang grand winner na si Bugoy Carino at Xyriel Manabat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi man siya ang nanalo, kinuha pa rin si Izzy ng ABS-CBN at Star Magic at nabigyan nga ng projects para gumanap sa batang roles ng mga bida sa teleserye tulad ng young Derek Ramsay sa The Wedding, young Diether Ocampo sa Guns And Roses, young Jolo Revilla sa My Binondo Girl at young Coco Martin sa Kung Tayo’y Magkakalayo at Juan dela Cruz.

Napasama rin siya sa shows na Kulilits, Goin Bulilit, Toda Max at kung ilang beses din siyang nakalabas sa Maalaala Mo Kaya at iba pang shows ng ABS-CBN.

Nakakatuwa naman ang kuwento ni Izzy kaya niya gustong mag-artista. “Gusto ko po kasing magkaroon ng malaking bahay tulad ng dinadaanan namin dati yung merong attic.”

Hindi man daw kasing laki nung pinapangarap niyang bahay ay nakabili na nga sila ng sarili nilang bahay sa Gen. Trias, Cavite. Natupad naman ang pangarap niyang attic sa bahay.

Pangarap niya rin daw makabili ng bagong sasakyan at magkaroon ng karinderya business at bakery.

WORKING WITH HIS IDOLS. Masaya rin si Izzy na dahil sa pagiging artista niya ay nakatrabaho niya ang kanyang mga idolong sina Coco, Vhong Navarro at Robin Padilla.

Siya nga ang gumanap na batang Coco sa Juan dela Cruz at dahil sa ipinakita niyang husay ay binigyan si Izzy ng ABS-CBN at Dreamscape ng sarili niyang show na My Little Juan. Sina Vhong at Robin naman ay nakasama ni Izzy sa sitcom na Toda Max.

Lagi nga raw siyang binibigyan ng payo ni Kuya Coco niya lalo na kapag magkasama sila sa Juan Fun Day event ng Juan dela Cruz at My Little Juan.

“Lagi niya pong sinasabi sa akin na magpabibo sa mga tao. Dapat marunong makisama sa mga tao.

“At saka sinasabihan ako ni Kuya Coco na huwag masyadong makulit at lagi raw po akong susunod sa sinasabi ng direktor at mga magulang ko po,” sabi ni Izzy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Marami rin daw siyang natututunan sa mga kasama niyang artista sa My Little Juan lalo na kay Jaime Fabregas na gumaganap bilang si Father Cito, ang paring kumupkop at nag-aruga kay Juan. Pati rin daw si Tetchie Agbayani ay mabait sa kanya.

LEARNING & SHARING GOOD VALUES. Malaking learning experience daw para kay Izzy ang pagganap niya sa My Little Juan.

“Marami po akong natututunan hindi lang sa pag-arte, kundi pati po sa pagiging mabuting bata dahil sa mga itinuturo ni Father Cito kay Juan.

“Masaya rin po ako na marami na kaming natuturong magagandang asal sa mga bata,” pagmamalaki niya.

Ano naman ang mensahe niya sa mga batang nanonood ng My Little Juan?

“Ang message ko po dapat huwag silang makulit. Gayahin nila si Little Juan na hindi nakikipag-away.

“Tapos madalas po [sa story] merong nambu-bully, hayaan na lang. Tapos yun po kapag binu-bully ka, takbuhan mo na lang sila, takasan mo na lang para minsan mapipikon din sila,” natatawang sabi ni Izzy pero dapat din daw isumbong sa teacher o sa magulang kapag nabu-bully.

Bagamat busy sa taping si Izzy ay ipinagpapatuloy pa rin niya ang kanyang pag-aaral. Mahalaga raw kasi ang edukasyon para sa kanya. Grade 4 na siya ngayon sa home study program ng Angelicum College sa Cavite.

Samantala, bilang suporta para sa mga mag-aaral na Pilipino, inaanyayahan ni Izzy ang mga Kapamilya na makibahagi sa proyektong Juan Fun School Day, na naglalayong mamahagi ng school supplies para sa mga estudyante sa iba’t ibang parte ng bansa.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN